23 | Sa Kaniyang Muling Pagbabalik at Pagsisimula [Maikling Kuwento]

370 6 0
                                    


Binabagtas ko ang pilapil na pumapagitna sa palayan at tubigan. Nakukulapulan ito ng mga itlog ng kuhol na nagbibigay sustansya at bumabalanse sa kapaligiran. Buhay na buhay ang daloy ng mundo at ang alinsangan ng panahon. Perpekto. Ngunit dito sa mundo, malimit may nababago.

Humihip ang hangin tila humihimig— tumutula. At nananaghoy. Pinakinggan ko ang mga pagtangis niyang umaalingawngaw sa aking isipan.

"Bilanggo ng nakaraan ngayon ay naka-alpas,

humanda sa delubyo ngayo'y babakas,

ihanda ang sandata at natitirang lakas,

baka sakaling buhay mo ay maligtas."

Narindi ako sa sipol ng mapaglarong hangin. Anong nais niyang iparating at ipahiwatig?

Patuloy kong binabagtas ang pilapil, habang pilit hinahanap ang sagot sa nabuong katanungan. Nakabilanggo ako sa kaisipang ligtas ako rito. Oo, maliit ang tyansang masira ang aking sandata. Hinulma na ako ng panahon sa kadahilanang, patuloy sa pagligwak ang ipokritong mundo. Ayokong maipit sa reyalidad at imahinasyon, pero kailangan ko pa rin maging handa.

Marahang umihip ang hangin, ngayo'y naglulunoy na ito sa ilalim ng mga puting ulap. Nagmamatyag sa bawat pagtapak ko sa malambot na lusak.

"Ingatan ang 'yong buhay dukha!

baka malingat ka— ikaw ang kawawa,

ang daing ng lipunan ay huwag ika-bahala,

maging mapagmatyag sa paligid at 'wag tumunganga."

Muntik na akong matumba sa mga katotohanan kan'yang binibigkas. Oo, dukha! Isa akong dukha. Kahabaghabag ang sasapitin ko mula sa laro ng mga nakatataas. Kailangan kong maging bihasa sa pakikipaglaro, balansehin ang mundo upang hindi matigil ang aking laro.

Minasdan ko ang paligid. Nadala na pala ako ng aking mga paa sa bayan. Maingay. Hindi ko na marinig ang hanging pilit nagpapahiwatig. Talamak ang sari-saring kalat sa paligid, ang alingasaw ng bulok na sistema ang siyang nagpapasikip nang aking paghinga.

Humakbang ang akin mga paa sa direksyong tinutumbok ang makinang na Palasyo. Nagbabalat-kayo. Sa pagsuri ko sa kan'yang kagitingan, ay nakarinig ako nang mahinang pagbulong,

"Tumingan ka sa reyalidad— mortal,

'wag magpapalinlang, isa ka sa masasakdal,

ang kaniyang pagbabalik tiyak ikagigimbal,

ang iyong damdamin ay mawawasak at ang tinig mo'y mauutal."

Napalingon ako sa bumulong. Wala. Wala akong nakita. Imahinasyon ko ba o lunod na ako sa lawa ng aking kaisipan? Ayokong sumisid pa at arukin ang kailaliman. Handa na ba ako sa kaniyang muling pagbabalik at pagsisimula?

Pilit kong hinahanap sa paligid ang pangahas na bumulong sa akin, wala talaga. Ang matikas na Palasyo sa aking harapan ang aking tanging nakikita. Nag-aanyaya. Humihimok upang ako'y pumasok. Ngunit sarado, hindi ko alam ang susi. Nasaan? Sino at ano ang susi?

Pinagmasdan ko ang malaking kandado at narinig ko muli ang mahinang pagbulong,

"Ang susi? Ang dyamante mong dignidad na iniingatan,

walang pag-asa kahit lumuha ka pa ng dugo riyan,

Isuko mo man o hindi darating ako't mananahan,

dadaluhong ako sa bagong likhang lipunan."

Ang diginidad ko? Hindi p'wede! Ngunit kahit anong pilit ko na imahinasyon lang ito, isang malakas na sampal ng reyalidad ang yumuyurak sa aking pagkatao.

Isang masakit na katotohanang pilit kong nililimot. Oo, may tinig ako, ngunit 'di p'wedeng sumigaw. May makarinig man, paniguradong magbibingihan. Isang mahinang piyesa pero bahagi ng laro. Tama! Isang nilalang lang ako na bahagi sa libo-libong naghahalal ng lider upang may mamuno.

Naramdaman ko ang muling pagdating ng mapaglarong hangin. Ngayo'y mas marahas at rumaragasa. Sumisigaw sa mga katotohanang pilit kong iwinawaksi.

"Yaong dati'y mahirap hanapin ang hustiya,

sa aking pagbabalik ay pagtitibayin ko na,

ang batas at tibay ng ating bansang may demokrasya,

upang bawat nilalang sa mundo'y matakot sa aking malagim na paanyaya."

Nagsusumiksik sa aking isipan— sumisigaw, ang katotohanan nang kaniyang pagbabalik. Ngunit dapat akong makasigurado kung sino s'ya? Sino nga ba s'ya?

Sumabog ang reyalidad at lumulubog na ako sa lawa ng aking kaisipan. Sa kabila nang pagkakagulo ng aking diwa, buong lakas akong sumigaw,

"Sino ka? Sinong magbabalik?!"

"Balikan mo ang aking panaghoy na tula. Kunin mo ang mga unang malalaking letra sa bawat nagsusumigaw na saknong. Makakabuo ka ng isang salita na may limang letra— doon mo ako makikilala."

Sa muling pagdaluhong nang rumaragasang hangin, binalikan ko ang kaniyang mga panaghoy. Tama! Isang salita na may limang letra, ang kinatatakutan ng bawat nilalang sa mundo. BITAY, ikaw nga! Isa sa mga taga-hatid ng kamatayan.

Muli kong minasdan ang paligid. Nawala ang kinang nang matikas na Palasyo, pumailanlang sa alapaap ang alingasaw ng bulok na sistema. Nakakasuka.

Maghahanda na ako sa kaniyang pagsisimula at muling pagbabalik. Isang mahinang piyesa man ako sa magulong laro rito sa mundo, ngunit hindi ako magpapatalo.

© Hari Salazar 

Manunula(t)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon