15 | mah(A)(L)(A)(G)(A) [Maikling Kuwento]

342 7 1
                                    


Tahimik akong nakatalungko sa upuang kahoy habang hinihintay ang aking sundo. Maaliwalas ang panahon at payapang sumasayaw ang munting dapo sa duklay ng isang puno. Presko sa pakiramdam ngunit parang may kulang.

Pinagmasdan ko ang dapo—makinang ang kan'yang talulot at makapit ang mga maliliit niyang ugat. Sumasabay sa ritmo ng hanging banayad na dumaraan.

"Kaakit-akit sa paningin, 'di ba?"

Nilingon ko ang pangahas na sumira sa aking pagmumuni-muni. Si Ka Akiw pala, ang hardinero ng aming paaralan.

"Mukha nga ho," maikli kong tugon, sabay balik ng tingin sa dapong ngayon ay naglulunoy na sa dapyo ng hangin.

"Sa'yo 'ata 'to? Naiwan mo."

Muli kong nilingon si Ka Akiw at tiningnan ang kaniyang inaabot. Lumang aklat na sinira na ng panahon.

"Hindi ho sa'kin 'yan e. Tablet na ho ang gamit ko ngayon."

"Pero pangalan mo ang nakalagay sa unang pahina," giit pa niya habang inilalagay sa tabi ko ang munting aklat.

Binuklat ko ang lumang aklat. Nadama ko ang gaspang ng bawat pahina, ang mga letrang nakamarka sa kan'yang kaibuturan at ang mga damdaming pumupunit sa aking kalamnan.

"Diary ni Visente Dela Cruz! A-akin nga ito, s-saan n'yo po n-nakita?" May bikig sa lalamunan na aking tanong. Ngayon ay natuon sa kan'ya ang aking atensyon.

"Diyan lang... d'yan sa daan," saad n'ya, sabay upo sa aking tabi at sulyap sa dapong kanina ko pa tinatanaw.

"Matagal na ho itong nawawala, maglilimang buwan na."

"May mga bagay na kusang bumabalik kahit 'di mo hanaping pilit, at may mga pumapalit sa mga bagay na minsan mo nang nawaglit. Tulad nang mga kapit mo ngayon... makata ka pala," anas niya at bahagyang sinulyapan ang tangan kong aklat at tablet sa aking mga kamay.

Napaharap ako sa kan'ya at itinaas ang aklat, "Binasa n'yo ho ito?"

"'Yung isang pahina lang naman, Wika 'ata ang pamagat, ang galing mo palang makipaglaro sa mga letra."

"A, e, matagal na ho 'yun. Madalang na rin akong magsulat gamit ang ating wika. Ingles na ang mga isinusulat ko, gamit ito." Itinaas ko ang tablet at nakita ko ang kaniyang pagkabalisa.

"Sabagay... katulad ng dapo na 'yong tinatanaw kanina ang ating wika. Sa iyong paningin ay marikit ngunit sa bawat ugat nito'y naroroon ang hinanakit. Pilit nakikisabay sa agos ng modernong mundo na tila siya'y ginugupo, pilit nagpapakabuhay sa kabila ng malawakang pagkakasakit ng ating literatura. Hindi s'ya sumuko o nangiwan—dumadaloy pa rin s'ya sa'yong dugo. Umusbong ang mga makabagong teknolohiya, ang kaalaman mo sa ating sariling wika'y tila ba napupudpud na pambura?" mahaba niyang litanya at narinig ko ang marahas niyang pagbuga ng hangin.

Pumasok sa aking isipan ang kan'yang mga sinabi, tumambay, at ilang saglit pa'y dinumog ako ng mga katanungan.

"Anong magagawa ko? Saan ako babalik? May pag-asa pa bang magamot ang kanser sa ating literatura? Nadamay ako sa ligwak ng mundo at nabuyo sa layaw ng pagkamoderno. Hindi ako salat pero marami akong hinahangad, tulad nang pakikipagsabayan sa ibang manunulat."

Tumitig s'ya sa akin nang matiim na parang ako'y sini-sino. Dama ko ang bigat ng kaniyang prisensya at ang biglang paglakas ng mapaglarong hangin. Napatingin ako sa dapong ngayo'y nakakubli na sa sanga ng puno—nawala ang kinang nito at kita ko ang katal sa maliliit niyang ugat.

"Mahalaga ang wika sa panahon ngayon. Dito mo masusukat ang lakas ng sampal ng reyalidad, ang tamis at alat ng hustisya, ang katalinuhan ng isang mangmang, ang tunay na sining ng lipunan at ang tamang himig ng kahirapan. Dumulas ka man sa dalisdis ng umuusbong na makabagong teknolohiya o sumabay sa agos nito, ayos lang magpadala ngunit 'wag kang magpapakalunod," nakangiti niyang tugon sa akin kasabay nang kaniyang pagtayo.

"Tama po, nakuha ko ang punto n'yo," maikli kong saad sa kabila nang pagkakagulo ng aking diwa.

"Nariyan na pala ang sundo mo."

"Oo nga ho e. Salamat po sa aral n'yo at dito, sa pagsasauli ng aking aklat."

Ngayon ay malawak ang aking pagkakangiti, kita ko mula sa kaleidoskopyo kong mga mata ang muling pagsigla ng dapo at ang maaliwalas na mukha ni Ka Akiw.

"Pakatatandaan mo; ang lahat ng bagay ay mahalaga, ang kailangan lang ay alaga, tulad ng dapong nagbibigay sa'yo ng sigla," makahulugang saad ni Ka Akiw at nagsimula na itong maglakad palayo.

Nagsimula na rin akong maglakad, mga nakakalimang hakbang pa lang ako'y rumehistro sa aking balintataw ang kulang na kanina ko pa pilit na hinahanap. Mabilis kong ipinihit ang aking katawan at malakas na tinanong si Ka Akiw.

"Ka Akiw! Ano po palang pangalan no'ng dapo?!"

Tumigil s'ya sandali, lumingon sa akin na may ngiti sa labi at mahinang umusal sa hangin,

"Ang 'ngalan n'ya? Siya ay si... Wika."

  © Hari Salazar  

Manunula(t)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon