28 | Lukso ng Dugo [Dagli]

113 5 0
                                    


Malamig ang gabi, at ang kalangitan ay nagbabadya nang pagluha.

Kumalampag ang tarangkahan ng sementeryo at marahas na nabuksan ang kandado. Isinilid ng lalaki ang susi sa kaniyang bulsa, at nagmamadaling pumasok sa lugar ng mga patay.

"Narito na ako," bulong ng lalaki sa harap ng isang nitso.

Inilabas niya ang ginamit na susi at marahas na itinarak sa kan'yang pulsuhan. Dagling umagos ang dugo sa nitso at naglawa sa lupa.

Mabilis niyang kinuha sa bulsa ang maliit na lumang aklat at inayos ang suot na antipara. Sa pagturo ng malaki at maliit na kamay ng orasan sa numero dose—binuklat niya ang pahina at binigkas ang mga sinaunang kataga,

De sanguine patris tui,

Filioli surge—

Excitate vos e somno!

Umalingawngaw ang kaniyang tinig at tuluyang lumuha ang langit. Tumibok ang lupa, sumayaw ang hangin, at ilang sandali pa'y bumukas ang nitso.

Agad na niyapos ng lalaki ang bagong gising na babae. "Maligayang pagkabuhay, mahal ko."

Tinitigan naman ng babae ang lalaki at mayuming bumulong, "Salamat—tinupad mo ang pangako mo... Itay."

© Hari Salazar    

Manunula(t)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon