21 | Teatro [Maikling Kuwento]

371 5 0
                                    


Payapa ang paligid. Tanging ang mahinang lagitik ng sapatos sa sahig, at ang madiin na paglapat ng yeso sa pisara ang aking naririnig. Hinihintay ko ang pagturo ng malaki at maliit na mga kamay ng orasan sa bilang ng sampu—ang oras para ako'y makahinga.

"Limang minuto na lang," mahina kong bulong.

Isa.

Dalawa.

Tatlo.

Apat.

Lima.

Tumunog ang bell ng eskuwelahan, hudyat upang tapusin ng aming guro ang kaniyang isinusulat sa pisara. Matapos nito'y inimis niya ang kaniyang mga gamit at tumayo.

"Okay, class dismissed."

Nagmamadaling nagsilabasan ang aking mga kamag-aral kasunod ang aming guro habang ako naman ay piniling magpahuli. Nang makalabas na sila'y mabilis akong naglakad at tinungo ang paborito kong tambayan.

Marahan akong sumandal sa aking kaibigan na matagal ko nang nakasama sa lahat ng aking problema, at dinamang muli ang kaniyang prisensya.

Masaya ako dahil ako ang napili bilang gumanap na bida sa aming ipalalabas mamaya. Isa iyon sa mga pangarap ko, ang makilala bilang ako, sa kabila ng samu't saring masasamang salitang ibinabato nila sa akin. Naalala ko pa kanina ang kanilang mga palipad-hangin na nagpapakulili sa aking pandinig.

"Bakit siya ang napili? Hindi naman 'yan magaling," bulong ng isa kong kamag-aral.

"Oo nga, 'kala mo kung sinong nagmamarunong," segunda pa ng isa.

"Porke't anak ng Titser, siya na ang pipiliin, aba? Lagi pang nasa ranking!"

Hindi na lang ako umimik kanina, sana'y na ako e. Sa araw-araw na nakakasalamuha ko sila, alam kong kalaban ko ang mundo. Akala nila gusto ng Nanay kong titser na magteatro ako? Tanda ko pa nga ang mga salitang akala ko'y hindi ko maririnig mula sa kanya.

"Ma, sumali po ako sa Teatro," pangbungad na saad ko habang ibinibigay sa kan'ya ang isang sulat.

Tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa at nagwika, "Ano na naman 'tong sinalihan mo ha? Teatro? Anong maitutulong niyan sa pag-aaral mo?"

"Pero, Ma—"

"Tigil-tigilan mo ako Yunika! Ayoko sa teatro na 'yan!" Pinunit niya ang sulat at malakas na itinapon sa aking mukha.

"Pero Ma, pangarap ko pong maging mananayaw."

"Mananayaw? Anong mararating mo? Ano bang napapala mo riyan?" sunod-sunod niyang tanong.

Napatungo ako at tinitigan ang punit-punit na sulat sa sahig. Bakit nga ba ako nagsasayaw? Anong rason kung bakit ako narito sa mundo? Sa pag-angat ko ng aking mukha'y dagling tumulo ang aking mga luha.

"Saya," tipid kong tugon.

"Anong saya ang ipinagsasabi mo?!"

"Saya. Sa tuwing nasa mundo ako ng musika, nawawala ang aking mga problema. Ang mga ritmo sa tugtog, sila ang gumigising at bumubuhay sa patay kong daigdig. Hindi n'yo nga napapansin na may anak kayo e, kung al—"

"Huwag mo akong dramahan, ang gusto ko mag-Accountancy ka. Magpokus ka sa kurso mo! Hindi 'yang sayaw-sayaw na 'yan. Tigilan mo 'yan, makasisira 'yan sa pag-aaral mo!" Panapos niya sa iba ko pang sasabihin at mabilis niya akong iniwan sa sala.

Pinunasan ko ang aking mga luha dulot ng mga alaala at tumayo.

"Salamat ulit sa pakikinig sa mga drama ko sa buhay. K'we-kuwentuhan ulit kita mamaya tungkol sa sayaw ko. Hayaan mo, hinding-hindi ko iiwan ang mga bagay na nagpapasaya sa akin. At higit sa lahat hindi ako patitinag," mahina kong saad at mahigpit kong niyakap ang kaibigan kong si Nomi—ang puno na palaging dumaramay sa aking kalungkutan.

Nagsimula na akong maglakad upang puntahan ang pagdarausan ng aming pagtatanghal. Alam kong nasa pagkatao ko na ang pagsasayaw, at kahit libakin man ako ng teatro ng lipunan, hindi ko aayawan ang mga pangarap kong inaasam. Sa pagbabagong bihis ng kalangitan, pinagmasdan ko si Nomi—binigyan ko siya ng isang matamis na ngiti, at tuluyang dinama ang pagdurog ng daigdig.

© Hari Salazar 

Manunula(t)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon