11 - gusto kong magsulat

2.9K 56 1
                                    

GUSTO KONG MAGSULAT

Bata pa lamang ako, gusto ko nang magsulat...
Pero paano kung unang letra pa lamang ay nariyan na sila sa labas— nag-aabang, may hawak na armalite.
Gusto kong magsulat...
Pero sigurado akong hindi ito ligtas
Dahil oras na maabutan nila ako sa labas, ako'y kakabitan ng posas at ipapasok sa kwartong nakapalibot ay rehas.
Gusto kong magsulat...
Kaya kahit hindi ligtas,
Ako'y magsusulat— ako'y nagsulat.
Hindi simpleng sulat na alam kong sasabihin mong kaya mo dahil ako'y nagsiwalat.
Nagsiwalat at pilit kayong minulat.
Ilang daang tula rin pala ang aking naisatitik,
Dalawang nobela ang inilathala— mali, pilit inilathala kahit sikmura'y mamilipit.
Dahil kung gusto kong magsulat,
Ang mahal ko nama'y si Inang Bayan na nakakulong sa kamay ni Hudas at pilit pang nagpapakulong— na dahilan ng aking pagkakakulong—
Ang pagkakakulong na kailanma'y aking hindi pinagsisihan
Ngunit ito pa'y aking inasahan.
At dahil sa aking pagkagusto sa pagsusulat at pagmamahal kay Pilipinas,
Ako'y natodas— binaril sa tinatawag ninyong Rizal Park.

Kaya ikaw kung gusto mong magsulat,
Huwag kang matakot sa posas o sa rehas.
Huwag mo ring ihihinto dahil hindi ang armalite ang pinaka-makapangyarihang armas kundi ang salita at ang pinakamakapangyarihang tao ay hindi ang Pangulo ng Pilipinas kundi ikaw, tayo— ang mga manunulat.
#

Isang tula na alay sa ating pambansang bayani na ang mga akda ay gumising sa sambayanang Pilipino.

Mabuhay ka, Pepe!

— charm ♥

Istasyon ng mga kataga [Wattys2019 Winner]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon