14 - apat na uri ng pagbagsak ayon sa madla

2K 30 1
                                    

APAT NA URI NG PAGBAGSAK AYON SA MADLA

Ang piyesang ito ay para sa mga pinilit upang tahakin ang mundo ng pagiging doktor o doktora
O sa mga mas piniling maging abogado dahil sa mga dikta
At sa mga iniwan ang mundo ng sining at pag-aartista para tahakin ang tagumpay na sinasabi ng iba,
Pagbati ng magandang umaga!

Mayroong apat na uri ng pagbagsak ayon sa kanila.
Hindi raw ito iyong pagkamit ng mababang marka
O iyong pagkahulog sa hagdan man o sa kanya.
Ang apat na uri ng pagbagsak na ito raw ang pinakamasakit,
Ito raw ang pinakamapait.
Waring isa kang sasakyang walang sinusundang ruta
At piratang walang hawak na mapa
Dahil ang pagbagsak na ito ay kawalan ng barya, tseke o salapi sa iyong bulsa na bubuhay sa iyong pamilya.

Simulan natin sa itinuturing nilang unang pagbagsak,
Sila raw iyong uri ng pagbagsak na gumuguhit ng linya,
Ang mga taong kumukulay sa mundo ng sining at pag-aartista,
Pinipintahan ang mga pader ng bagong pag-asa.
Ang lapis at iba't ibang uri ng pinsel ang espadang gamit nila upang maakit ang madla sa likhang guhit at pinta
Ngunit maniwala ka na sa kabila ng ganda at kulay ng kanilang obra'y isa sila sa apat na uri ng pagbagsak na itinakda ng madla
Dahil sa pagbili ng mga espada, kailangan ng malaking halaga
At sa oras na malikha na, hindi raw nito natutumbasan ang salaping ginamit sa pag-angkat ng mga materyales na ginugol may-ari ng obra.

Ikalawang pagbagsak,
Sila ang mga taga-ulat ng bayan,
Ang mga taong may nais na mabago sa lipunan
Kaya't tinta at pluma ang kanilang punglo
Laban sa mapanirang hukbo
Mga uri ng tao na ang kayakap ay talinghaga
Ang mga mananahing pinagtatagpi-tagpi at hinahabi ang mga salita
Sila... ang mga ikalawang uri ng pagbagsak ayon sa itinakda ng madla.
Dahil sayang daw ang mga salita
Ang oras na ginugol ay wari mababalewala
Dahil sa mundo raw ng mga libro na naglalaman ng kataga,
Ang mga may itsura lamang ang kumikita
O kung mayroon mang iba, panandaliang pag-angat lamang ang nararanasan nila.

Dumako naman tayo sa ikatlong pagbagsak,
Sila raw ang mga uri ng pagbagsak na ginagamit ang nota upang mabigyan ng melodiya ang paulit-ulit na sistema,
Binibigyang sigla ang pinatay na umaga gamit ang piano, gitara at iba pang instrumento bilang mga armas nila,
Pagdudugtong-dugtungin nila ang mga tunog upang maipahayag ang nais na tono ng lipunang ginagalawan nila
Ngunit sa ayaw mo man at sa hindi, itinakda silang pagbagsak ng iba
Dahil ang tunay na mundo raw ay walang daynamiks kung saan tumataas at bumababa ang tono
At sa mundo ng melodiya, ang mga bantog lamang ang nananatili sa tuktok nito.

Sa pagdako ng huling pagbagsak, ikapaat
Ito ay tumatalakay sa mundo ng maskara
Mga taong iba ang dalawang panig ng pagkatao nila.
Sila mismo ang gumaganap upang maipahayag ang mensaheng galing sa masa.
Sariling katawan at boses ang puhunan upang maisagawa ang isang istorya.
Ngunit sila raw ay ang huling uri ng pagbagsak ayon sa madla
Dahil sa kabila ng paggugol nila ng lakas at oras sa pag-eensayo ay wala silang maiuuwi kahit na singko.
Sa pagbagsak na ito, sila pa ang mawawalan ng libo-libo
Dahil sa mga materyales na gagamitin para sa entablado.

Ginawa nila ang apat na uri ng pagbagsak upang maikategorya na sa sining ay walang salaping makukuha,
Na ang sining ay isang uri lamang ng pagsasayang ng oras sa paglikha,
Ngunit sandali!
Mali yata ang kaisipan ng madla dahil ang sining ay hindi trabahong mapagkukuhanan ng kita,
O bagay na magbibigay ng luho ng may likha bagkus ito ay kagustuhan, kalayaang pinili ng artista o manlilikha
Ngunit sa kabila nito, ang sining ay isang ginto
Na dapat nating anihin at linangin
Dahil ang sining ay hindi pagbagsak,
Ito ang sa ating kultura'y nagpapayaman at nagbibigay galak.

Kaya ikaw, ikaw na iniwan ang mundo ng sining dahil sa takot na maghirap, pag-isipan mo ang lahat.
Sa iyo naman na patuloy na tinatahak ang mundo ng likhaan, magpatuloy ka.
Ito ay labanan ng pagmamahal at pangangailangan, binibigyan kita ng kalayaan.
Ngunit mga kapwa ko artista at manlilikha, tayo ay hindi mga uri ng pagbagsak
Dahil ang sining ay pag-adyo at pag-angat.

#

Pahabol para sa 2020 Arts' Month. Ang tulang ito ay para sa mga artist out there! Mabuhay po tayo!

- charm ♥

Istasyon ng mga kataga [Wattys2019 Winner]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon