Habang nagliligpit ng bahay, napatingin si Pearl sa kalendaryo. Tatlong taon na ang matuling lumipas, ngunit sariwa pa rin ang sugat na nagbibigay-dusa sa kaniya. Hindi nga siguro kayang gamutin ng nagdaang panahon ang sakit na kinikimkim niya sa kaniyang dibdib. Paano nga ba malalampasan ang pangyayaring walang malinaw na katapusan?
"Isang bagay lang ang tatandaan mo, Pearl. Hindi totoo ang ibinibintang nila sa akin kaya mapapawalang-sala rin ako. 'Wag ka nang mag-alala dahil may mga tumutulong sa akin at hindi nila ako pababayaan. Kaya ang gusto ko, bumalik ka na sa dorm mo at mag-aral ka. 'Wag mong sayangin ang oras at panahon mo rito. Maliwanag?"
Hinding-hindi malilimutan ni Pearl ang tagpong iyon -- ang ikatlo at huli niyang pagdalaw sa kuya niyang nakaditine sa kulungan. Anong klase siyang kapatid? Hindi niya dapat pinabayaan ang Kuya Fred niya. Dapat naging matapang siya at hindi inasa sa iba ang pag-asikaso rito. Hindi siya dapat naging kampante sa mga sinabi nito nang hindi man lang direktang kinakausap si Shelvin Villagracia -- ang taong tumutulong daw sa kuya niya.
Ang sabi ni Alfredo sa huli nilang pag-uusap, may solusyon na ang abogado nitong si Atty. Sales. Palalabasing baliw ito at pagkatapos ay palalayain din.
"Kaya wala kang dapat ipag-alala, Pearl. Mabuting tao si Shelvin. Hinding-hindi niya ako pababayaan."
Masyado siyang naging panatag sa sinabing iyon ng kapatid. Dapat noong nabalitaan niyang umalis ng bansa si Shelvin Villagracia ay naghinala na siyang mayroong hindi tama sa mga nagaganap. Noon pa lang, dapat ay naisip na niyang hindi totoong pinaaasikaso nito ang kaso ng kuya niya. Bakit nga naman nito tutulungan ang kapatid niya kung ang mismong nagsampa ng kaso laban kay Alfredo ay ang ama ni Shelvin na si Don Marco Villagracia? Kasi nga, nagtanga-tangahan siya. O marahil ay naduwag siya na akuin ang responsibilidad dahil mahina siya.
Natuloy nga ang plano. Pinadala sa Home for Mental Help ang Kuya Fred niya, ngunit hindi na ito nakalaya. Noon pa lang siya kumilos. Sinubukan niyang kausapin si Dr. Juan Sixto Miron, ang direktor ng ospital ngunit hindi siya nito hinaharap. Ayaw rin siyang papasukin o padalawin ng mga bantay. Maging sina Laura at Atty. Sales na minsan niya lang nakausap ay pinagtaguan na siya.
Hanggang isang araw, nabalitaan na lang niyang nagtatrabaho na pala sa kompanya ng mga Villagracia si Atty. Sales. Hindi na niya alam ang nangyayari nang mga panahong iyon. Sino ang makatutulong sa kaniya?
Sa lumipas na tatlong taon, hindi pa man naghihilom ang sugat sa kaniyang dibdib ay muli itong nanariwa dahil sa nakabibiglang balita kamakailan lang. Bumagsak ang personal plane ng mag-asawang Villagracia na ikinasawi ng mga ito. Umuwi naman ng Pilipinas si Shelvin Villagracia, at ayon sa bali-balita, hindi nito kinaya ang depresyon kaya nabaliw ito.
Nakakagulat man ang mga pangyayari ay gustong isipin ni Pearl na ganti iyon ng tadhana para sa hinahanap niyang hustisya. Ganunpaman, hindi pa rin niyon maibabalik ang nasirang buhay ng kaniyang kapatid. Pero umaasa pa rin siya sa himala ng langit.
Sunod-sunod na pagkatok sa pinto ang umagaw ng atensyon ni Pearl.
"Sino 'yan?"
"Miss Pearl Lanora," tawag ng boses ng isang lalaki. Bahagya iyong basag na malalim. Sa timbre nito ay mukhang may-edad na ang may-ari ng tinig.
Binuksan niya ang pinto. Natilihan si Pearl nang mapagsino ang hindi inaasahang bisita. "Doctor Miron?"
Lutang ang pakiramdam ni Pearl.
Tila wala siya sa wisyo mula simula hanggang sa matapos niyang makausap ang doktor. Sumaglit lang ito upang iwan sa kaniya ang isang alok na hindi niya matatanggihan:
"Magtrabaho ka sa ospital bilang personal nurse ni Shelvin Villagracia at kapalit no'n ay lihim kong ilalabas ang kuya mo."
***
BINABASA MO ANG
The Face Behind (PUBLISHED)
ActionPreview Chapters available [#action-mystery-romance] Ang tingin ni Pearl kay Shelvin ay isang Prince Charming na lumabas mula sa pahina ng fairy tale books. At siya ang princess? Ang huling naisip niyang iyon ay tila malamig na tubig na nagpagising...