"Hindi ba't sinabihan na kita, Shelvin, na hindi ka dapat nagtutungo kung saan-saan?" galit na sabi ng doktor habang naglalakad sila sa pasilyo matapos siyang mahuli na kasama si Alfredo.
"Buhay si Fred," sa halip ay isinagot ni Shelvin. "Sinabi n'yo, nagpakamatay siya. Bakit?" Tuwid ang tingin ni Shelvin sa dinaraanan. Puno ng init ang mga mata.
"Kailangan mong mag-ingat sa mga ikinikilos mo. Walang nakakaalam na naroroon si Alfredo. Hindi rin alam nina Laura na buhay pa siya. At lalong walang dapat makaalam na hindi totoo ang sakit mo--kahit si Alfredo man o ang kapatid niyang si Pearl."
Biglang sinunggaban ni Shelvin ang kausap. Hinila niya ito sa magkabilang kuwelyo. "Anong sabi n'yo? Si Pearl ang kapatid ni Alfredo?" magkahalong gulat at gigil na sabi ni Shelvin. "Tatlong taon!" Napuno ng tinig niya ang walang katao-taong pasilyo. "Tatlong taon ninyong pinahirapan ang kuya niya tapos ngayon, dinamay mo pa siya? Nasaan ang kunsensiya mo, Doktor!"
"Huminahon ka, Shelvin. Naka-plano na ang lahat. Kapalit ng pag-aalaga sa 'yo ni Pearl, ilalabas ko rito si Alfredo."
"...Alam mo ba? Lalabas na ako rito. Oo, pagkatapos ng tatlong taong pagtitiis dito, makakalaya na 'ko." Naalala niya ang sinabing iyon ni Alfredo sa kaniya.
"Kinailangan ko ng pekeng nurse na mag-aalaga sa 'yo para hindi magtaka ang ibang empleyado rito," paliwanag pa ni Dr. Miron. "Isang nurse na hindi maghihinala sa treatment ko sa 'yo. Isang tao na magiging de susi. Si Pearl ang naisip ko."
Unti-unting lumuwang ang pagkakahawak ni Shelvin dito hanggang tuluyan na niya itong bitiwan. "Siguraduhin n'yo lang na palalayain n'yo na nga si Alfredo, Doktor. Siguraduhin ninyong ligtas sila ni Pearl."
"Magtiwala ka lang sa akin, Shelvin. Planado na ang lahat."
***
Hindi makapaniwala si Pearl sa balita ni Dr. Miron. Pinatawag siya nito sa opisina upang sabihin ang masayang balita.
"Pearl, ngayong gabi na."
Kumislap ang mga mata ni Pearl dahil sa tuwa. "Talaga po, Doc?"
Tumango ang tinanong. "Mamaya, bago maghatinggabi, makikita mo na ang kuya mo."
"Salamat po, Doc. Salamat at tinupad ninyo ang usapan natin."
"Dahil naging masunurin ka at naging maayos ang pag-aalaga mo sa paborito kong pasyente." Ngumiti ito. "Kaya palalayain ko na kayo ng kuya mo."
"Kami? Ang ibig sabihin..."
"Oo, Pearl. Hindi mo na kailangang magtrabaho pa rito dahil pinapalaya ko na kayo ng kuya mo."
Ang umahong saya na nadarama ni Pearl ay tila agad ding nabawasan. "Pero paano si Shelvin?"
""Wag mo na siyang alalahanin pa. Tapos na ang pagiging nurse mo sa kaniya mula ngayon."
Bago maghatinggabi, matapos makapag-impake, pinuntahan ni Pearl si Shelvin sa silid nito. Mahimbing na itong natutulog. Inayos niya ang kumot nito at dahan-dahang naupo sa gilid ng kama.
"Shelvin," bulong niya. "Masaya ako ngayon, pero..." nangingilid ang luha niya at bahagyang basag ang boses. "...mami-miss kita. Sana, gumaling ka na. Sana mabait ang pumalit na nurse mo para maalagaan ka niyang mabuti. Salamat nga pala sa 'yo, makakalaya na ang kuya ko." Maingat niya itong hinalikan sa pisngi pagkatapos ay may ilang saglit din niyang tinitigan ang mukha nito, na tila nais niyang kabisaduhin ang bawat detalye roon. For the last three years, she was blaming and cursing this man's name. But after tonight, she would surely remember Shelvin Villagracia as someone who put a stop to all her nightmares. Isang karamay na siyang nagpalaya sa kaniya sa pait ng nakaraan.
Tumayo na siya at hahakbang na palayo ngunit may kumapit sa kaniyang kamay. Lumingon siya.
Hawak ni Shelvin ang kamay niya habang nakahiga ito at nananatiling nakapikit.
"Shelvin?" sabi niya sa tonong nakikiusap na bitiwan siya nito. Ngunit lalong humigpit ang kapit nito sa palad niya, saka ito dumilat at tumingin sa kaniya.
Ilang saglit din silang nakatitig sa isa't isa.
Bumangon si Shelvin na hindi bumibitiw kay Pearl. Si Pearl naman ay hindi kumikilos, nanatiling nakatitig dito.
"I want you to be happy, Miss Cutie," sabi ni Shelvin saka ngumiti.
Sa oras na iyon, parang gusto ni Pearl na yakapin ito, pero pinigilan niya ang sarili. Sa halip ay ibinalik na lamang niya rito ang matamis na ngiting iyon. "Bakit mo naman nasabi 'yan? Masaya naman ako, ah."
"Really? So, those are tears of joy."
Kumurap-kurap si Pearl. Bahagyang nanlaki ang mga mata. Hindi niya namalayan, tumutulo na pala ang mga luha niya. Nalilito niyang hinila ang sariling kamay mula kay Shelvin para punasan ang mukha. Matapos ay nagpakawala siya ng isang buntonghininga at muling tumingin nang diretso kay Shelvin. Ngumiti siya.
"Anong ginagawa mo rito?"
Kapwa sila natilihan sa pagdating ni Dr. Miron. Ang mga mata nitong nakapukol kay Pearl ay lumipat kay Shelvin.
Bumaling si Pearl kay Shelvin na noo'y ngumiti kay Dr. Miron. Ngiti na may kasamang tango na tila nagpapasalamat.
"Tayo na, Pearl," sabi ni Dr. Miron.
Pagkarinig niya sa sinabi ng doktor, nagkatinginan silang muli ni Shelvin. Sa mga oras na iyon, pakiramdam niya, may kung anong mabigat na bagay ang nakadagan sa dibdib niya. "Matulog ka na, Shelvin. And be good," kaswal na sabi niya. Nahiga naman ang sinabihan at pumikit matapos niya itong kumutan.
Isinama siya ni Dr. Miron sa likod ng ospital kung saan ay tanaw niya ang naghihintay na pulang kotse.
"Kasama ang kotseng iyan sa bayad ko sa inyo," paliwanag ni Dr. Miron habang papalapit sila roon. "Ituring n'yo na lang na isa itong pasasalamat mula kay Shelvin."
Pagkarinig ni Pearl sa pangalan ni Shelvin, parang may kung anong sumundot sa puso niya. Huminto siya sa paghakbang saka luminga, ang paningin ay nasa direksyon ng building ng ospital, partikular na sa second floor, ang huling palapag kung saan naroroon ang silid ni Shelvin. Tila namalik-mata pa siya, parang naaninag niya ito na sumilip mula sa bintana. Umiling siya na nangingiti. Kung ano-ano kasi ang naiisip niya. Ngunit isang bagay ang natitiyak niya. Sa halos isang buwan at kalahati niyang pananatili rito, sa maikling panahon niyang nakasama si Shelvin, hinding-hindi niya ito malilimutan.
"Pearl..." Ang tinig na iyon ay pamilyar sa kaniya. Napasinghap siya at sabik na lumingon. Hindi nga siya nagkamali.
"Kuya?" pabulong niyang sabi, dahan-dahang humakbang. "Kuya!" Patakbo siyang lumapit sa kapatid, at sabik nilang niyakap ang isa't isa.
***
BINABASA MO ANG
The Face Behind (PUBLISHED)
ActionPreview Chapters available [#action-mystery-romance] Ang tingin ni Pearl kay Shelvin ay isang Prince Charming na lumabas mula sa pahina ng fairy tale books. At siya ang princess? Ang huling naisip niyang iyon ay tila malamig na tubig na nagpagising...