Sabado ng hatinggabi sa Home for Mental Help, habang nasa sariling silid si Shelvin ay mayroon siyang naalala -- si Alfredo Lanora. Naging mabuting kaibigan niya ito dahil lagi niya itong nakakausap kapag dinadalaw niya si Laura sa jewelry store noon. Ang mga tagpong iyon ay bumalik sa kaniyang isipan...
"Sir, dinadalaw mo uli si Miss Laura? Talagang in love ka sa kaniya, ah," birong-totoo sa kaniya noon ni Alfredo.
"Oo, hindi ko nga akalain na sasagutin niya ako, eh. Happy-go-lucky kasi ako. Samantalang si Laura, matalino at may mataas na katungkulan," nahihiya niyang sagot.
"Eh, sir, ano pang hahanapin niya sa inyo? Gwapo na, mabait pa... at halata namang sincere kayo sa kaniya."
"Ikaw naman, oh, binobola mo pa ako, Mr. Lanora."
"Naku, sir, hindi naman. Totoo lahat ng sinabi ko, maniwala kayo, sir."
"Salamat, Mr. Lanora. At p'wede ba, 'wag mo na akong tawaging 'sir'? Shelvin na lang tutal hindi mo naman ako amo, e. Ni hindi pa nga ako nag-oopisina sa company, paano, 'di pa ako pinagkakatiwalaan ni Papa."
"Naku, sir, hindi po p'wede 'yon dahil kayo po ang future president namin. Maaaring sa ngayon ay hindi pa kayo ang opisyal na amo namin pero doon din ang tungo no'n, sir."
"Sige, magagalit na talaga ko sa'yo, Mr. Lanora, 'pag tinawag mo pa uli akong 'sir.'"
"O sige po, sir--este, Shelvin... Alfredo o Fred na lang din ang itawag mo sa akin kasi mas magaan sa pandinig 'yon kaysa Mr. Lanora. Nakakatanda lang lalo."
"Ayos, Fred..." Inilahad ni Shelvin ang palad.
"Shelvin." Nakipagkamay naman sa kaniya si Alfredo.
Doon nagsimula ang pagkakaibigan nilang dalawa. May pagkakataon sadyang sinasalinan siya ni Alfredo ng mga kaalaman tungkol sa pamamalakad nito sa naturang shop. Boring talaga para sa kaniya ang usaping business, ngunit nagagawa nitong kunin ang kaniyang interes.
"Ang jewelry business, personal ito, Shelvin," minsan ay turo ni Alfredo sa kaniya. Ngayon, bigla ay naisip niya, tila isang babala ang mga kasunod nitong sinabi: "Ang customers natin, ipagpalagay mong sila ay ikaw o 'di kaya'y ang taong napupusuan mo. Ang siste, hindi sa kung ano sa tingin mo ang maganda sa mga alahas, kundi kung ano'ng uri ng disenyo at bato ang babagay sa pagkatao ng pagbibigyan nito. Iyon kasi ang sukatan ng totoong halaga at hindi ang presyo. Kaya ngayon pa lang..." Tinapik-tapik pa siya nito sa balikat na tila isang nakatatandang kapatid na nagpapalakas ng kaniyang loob. "Kasama ang puso, dapat lang na hasain mo ang 'yong kakayahan sa pag-uri at pagkilatis. Iyan ang magiging armas mo."
Dahil kay Fred ay nagkaroon siya ng pangarap. Nais din niyang maging tulad nito. Mabait na boss, matalinong empleyado, maaasahang kaibigan, at kahit hindi man niya nakilala nang personal ang kapatid nito ay batid niyang isa itong mabuting kuya. Ulila na sina Fred kaya naman ito na ang nagtaguyod sa kapatid nitong babae. Napakabuting tao nito kaya naman nabigla siya nang ito ang ituro na utak ng pagnanakaw sa jewelry store nila.
"Papa, naniniwala po akong walang kasalanan si Fred," iyon agad ang sinabi niya sa ama.
"Naaawa rin ako sa kaniya, Shelvin. At ako man ay hindi makapaniwala sa nangyari pero lahat ng ebidensiya ay idinidiin siya. Hindi ko maaaring iurong ang kasong ito dahil sa awa, napakalaking kayamanan ang nawala sa atin. Sana'y maintindihan mo ako, anak. Ngunit wala akong tutol kung gusto mong tulungan ang kaibigan mo. Malapit din sa puso ko ang batang iyon, kaya hanggang ngayon ay umaasa akong lumabas ang katotohanan na hindi si Alfredo ang may sala," pahayag ng Don.
"Salamat, Papa."
Nang araw ring iyon, agad na tinawagan ni Shelvin si Laura para hanapan ng magaling na abogado si Alfredo.
BINABASA MO ANG
The Face Behind (PUBLISHED)
ActionPreview Chapters available [#action-mystery-romance] Ang tingin ni Pearl kay Shelvin ay isang Prince Charming na lumabas mula sa pahina ng fairy tale books. At siya ang princess? Ang huling naisip niyang iyon ay tila malamig na tubig na nagpagising...