Nakabibingi ang katahimikan sa masikip na silid na kinalalagyan niya ngayon. Isang buwan. Iyon ay kung tama nga ba ang bilang niya sa mga araw na lumipas buhat nang ialis siya sa likod ng mga rehas at dalhin dito.
"May naisip na akong plano, Alfredo," tila bulong ng alaalang iyon. Malinaw pa sa kaniyang isipan ang pag-uusap nila ni Atty. Burgos Sales habang nasa piitan siya noon.
"Hindi lingid sa 'yo na malabo ang pagkapanalo natin dahil sa mga ebidensyang nagdidiin sa 'yo," pasakalye pa ni Atty. Sales. "Pero may paraan pa para hindi ka tuluyang mahatulan." Iyon ang mga salitang pinanghawakan niya na nagbigay sa kaniya ng pag-asa. "Kinausap ko ang isang kaibigang doktor--direktor siya ng Home for Mental Help. Alfredo, palalabasin nating nawawala ka sa katinuan."
Kapit sa patalim, pumayag si Alfredo dahil ipinangako ng abogado na sa tulong ng direktor ay hindi naman siya mananatili sa ospital. Ngunit bakit hanggang ngayo'y narito pa rin siya sa silid na kung tutuusi'y halos walang ipinagkaiba sa kulungang tinakasan niya?
Napukaw ng pag-ingit ng bumukas na pinto ang kaniyang pagninilay-nilay. At sa maraming araw na paghihintay ay muli niyang nakita ang taong kaniyang inaabangan.
"Doctor Miron, ang tagal ko na kayong pinapatawag sa mga nurse. Gusto kong makausap si Shelvin," sabik na sabi ni Alfredo.
"Wala si Shelvin, hijo. Natuloy na siya sa pag-aaral sa abroad," sagot ng doktor.
Nabigla siya sa narinig bagaman alam naman niyang tuloy ang pag-alis ng kaibigan. Buong tiwala talaga siya nitong inihabilin sa kasintahan nitong si Laura Montecillo, ang assistant manager ni Alfredo sa D.M. Villagracia Jewelry Store. Ang babae rin ang kumuha kay Atty. Burgos Sales para hawakan ang kaniyang kaso.
"Kung gayon, hanggang kailan ako mananatili rito? Ano hong bilin ni Shelvin sa kanila?"
"Hijo, walang alam si Shelvin dito. I'm sorry to say..." iiling-iling na nasabi ng doktor. "Ang assistant manager mo ang kasabwat dito."
"Kasabwat? Anong kasabwat ang sinasabi niyo? Si Miss Montecillo?" Sandali siyang natigilan. "Kung gayon siya ang..." Doon luminaw ang lahat kay Alfredo. "Si Miss Laura Montecillo--siya ang totoong may kinalaman sa nangyaring nakawan sa jewelry store?"
"Tama ang nasa isip mo, Alfredo. Si Laura ang nag-frame up sa 'yo. And not only that. Kasabwat niya si Ricardo Ayez." Napakibit-balikat ang doktor saka patuloy na nagsalita. "Walang kaalam-alam si Shelvin na magkalaguyo ang dalawa. Kawawa naman. Pinalaki kasing spoiled kaya 'yan ang napala niya. Tama nga ang sinabi nila, hindi siya nagmana sa talino ng kaniyang amang si Don Marco—oops, well. Kung 'yong matalino ngang ama niya ay napaikot din, siya pa kaya?"
Pakiramdam ni Alfredo ay lalong nanuyo ang kaniyang lalamunan. Napailing siya at walang maapuhap na salita habang pilit pinoproseso ng kaniyang utak ang mga nalaman.
Si Laura Montecillo, na kasintahan ni Shelvin, ay kalaguyo ng kanang kamay ni Don Marco Villagracia? Hindi niya ito mapaniwalaan. At paanong nagawang lokohin at pagnakawan ni Ricardo Ayez ang Don na halos nagsilbi na nitong ama? Paano nito naatim na traidurin ang mga taong naging mabuti rito?
Kumirot ang braso ni Alfredo. Namalayan na lang niyang may itinurok pala sa kaniya ang doktor.
"Anong itinurok n'yo sa akin?" Unti-unting nanlalabo ang kaniyang paningin. Nasapo niya ang kaniyang ulo, kumurap-kurap upang pigilan ang paghila ng pagka-antok. "Anong... binabalak ninyong gawin..."
"Sabihin na lang nating ang mga nangyayari sa 'yo ngayon ay bahagi ng isang kuwento."
Naririnig niya ang sinasabi ng doktor ngunit papahina nang papahina iyon sa kaniyang tenga.
"At sa kuwentong ito, isa ka sa mga importanteng karakter, Alfredo Lanora. Pero hanggang dito na lang muna ang eksena mo..."
Tuluyan na siyang nawalan ng malay.
*****
#PEARLySHEL
BINABASA MO ANG
The Face Behind (PUBLISHED)
ActionPreview Chapters available [#action-mystery-romance] Ang tingin ni Pearl kay Shelvin ay isang Prince Charming na lumabas mula sa pahina ng fairy tale books. At siya ang princess? Ang huling naisip niyang iyon ay tila malamig na tubig na nagpagising...