BULIMIC
© iammokang
Rinig na rinig ko ang tinig ng mga palaka na animo'y nagsasagutan sa labas. Tahimik na ang bahay, ni walang kahit isang salitang maririnig.
Ang salamin naming gawa sa puno ng narra ay ilang taon nang nakatengga lang sa kwartong 'to. Subalit ngayon, gabi-gabi ko na 'tong kasangga. Napapalibutan ng alikabok ang mesa nito pero hindi 'to naging hadlang sa akin.
Kitang-kita ko ang aking sariling mukha - puno ng dugo ang bibig at nilalasap ang katiting na lamang natitira sa kinakain ko.
Dahan-dahan ko 'tong nilunok at pawang kasiyahan lang ang aking nadarama. "Gusto ko pang kumain, gusto ko pa. Masarap na pagkain," sabi ko at pilit na itinayo ang aking sarili.
Binuksan ko ang pintuan at malakas na hangin ang bumungad sa akin kaya nagmistulang sabog na bulkan ang buhok ko. "Putek!" Napasigaw ako ng di oras sa sobrang inis.
Idinilat ko ang aking mga mata at laking gulat ko nang makita si Nanay na may dala-dalang elisi. Takte, naging dahilan yun para matakpan ko ang aking bibig. Hindi ako pwedeng magmura sa loob ng bahay.
"Eyrin! Ang bibig mo! Gusto mong mapalo?!" Galit na sambit ni Inay kaya naitapon niya sa akin ang dala-dala niyang bentilador. Tyempo namang nakailag ako kaya di ako nasaktan.
"N-nay, pasensya na po. Di na po mauulit. Na-nagulat lang po ako sa sobrang lakas ng hangin. P-patawad po I-inay," dire-diretso kong sabi sa kanya habang lumuluhod sa kanyang harapan at yakap-yakap ang kanyang paanan.
"Isa nalang, isang puntos nalang at tiyak, hindi ka na makakailag. Naiintindihan mo?!" Tanong niya sa'kin kaya tumango nalang ako. Ayoko pa namang magalit 'to dahil siya ata ang itinuturing na dragon ng lahi namin.
Kinuha ko yung bentilador at pinwesto sa aking silid.
"Maghugas ka ng bibig, masyado akong naaalibadbaran diyan sa kinain mo!" Sigaw ni Nanay sa'kin kaya ginawa ko na lang. Ba't kasi ang haba ng wire nitong elisi? Yan tuloy, kahit saang parte ng bahay pwedeng dalhin.
Pinunasan ko na ang mukha kong maamo pa sa tinatawag nilang aso at mas maganda pa sa sinasabi nilang prinsesa. Binuksan ko ang aking bibig at inilabas lahat ng kinain ko. Hindi ko 'to mapigilan kahit na kumain man ako nang kumain.
Sinalampak ko ang aking sarili sa kama na sobrang laki. Kahit anong anggulo pa ako matulog ay hindi abot ang dulo nito.
Malakas na birit ng bentilador na para bang kumakanta. Umusog ako sa dulo hanggang bumaligtad ang paningin ko. Hinayaan ko lang ang ulo ko na nakatapak sa sahig. Ang sarap ng ganito.
Tumilaok ang manok ng kapitbahay at sunud-sunod na ang ingay na siyang dahilan kung bakit nagising ako. "T-tak-- Take me wherever you go," napakanta ako ng di oras dahil muntikan na akong mahuli ni Nanay na magmura.
"Ano ang ginawa mo kagabi?" Pataas na kilay nitong tanong sa akin habang nakapamewang 'to. Kahit malayo ay naririnig ko ang haka-haka ng mga kapitbahay namin na may nawawala na naman.
Hindi ko siya pinansin at binuksan ang aparador na siyang sisidlan ko ng damit. Pumili ako ng isa sa mga puting blusa rito at nilapag ko sa higaan. "Maliligo na po ako Nay," sabi ko tsaka kinuha ang tuwalya na nasa balikat niya lang. Sinundan niya ako ng tingin pero hindi na ako umimik at pinabayaan ko na lang siya.
"Eyrin, may alam ka rito at huwag mo akong basta-bastang utuhin. Mag-iingat ka sa susunod kundi patay tayong lahat," ani niya. Naligo na ako ng limang minuto at nagbihis na para sa aking pagpasok.
Kumain lang ako ng katiting ng hinain na manok ni Inay tsaka ako umalis. Dinig ko sa aking likuran ang mga tsimosa naming kapitbahay na kung ano-ano na ang pinuputak. Hindi na ako nagsalita pa kundi tinignan lang sila gamit ang nanlilisik kong mga mata.
"Eyrin!" Biglang kalabit ng kaklase ko sa'kin "psst," sabi niya tsaka ko lang siya nilingon.
"Ano?" Tanong ko sa kanya. Nakakainis nga dahil sumasagot pa ako ng pasulit na bigay ni Ma'am sa amin. Imbis na sumagot ay ngumiti lang 'to. Sarap dakmalin ng taong 'to, kung pwede nga lang.
"Eyrin!" Tawag niya naman sa'kin nung pinasa na namin ang mga papel namin sa harap. Hindi ko na siya pinansin dahil alam kong ginagago lang ako ng lalaking 'to.
Kinuha ko lang yung papel ko tsaka gumuhit ng kahit anong simbolo.
"Date tayo mamaya ah," nagulat ako nang magsalita 'to sa gilid ko. At jusmiyo, napakalapit lang ng mukha niya sa'kin dahilan para masuntok ko ang tiyan niya "A-a-rayyy."
Ilang araw rin yun at ganun ang laging bungad niya sa'kin. Nakakainis nga't baguhan lang siya sa paaralang 'to pero ako ata 'tong laging inaaway ng mga kaklase ko.
"Ey!" Tawag niya naman sa'kin habang nililinis ko ang classroom ng mag-isa. Pinagawa sa'kin 'to ng mga kaklase namin dahil kinain ko raw ang binigay na keyk nitong si Enrique noong isang araw. Sinamaan ko lang siya ng tingin at pinagpatuloy ang pagpupunas ng blackboard.
"Uy, ano sasayaw ako dito o haharap ka?" Tanong niya pero di pa rin ako natitinag at nagwalis nalang. "A-ayaw mo ah," dagdag niya.
Wala na ba atang nagagawang iba 'tong lalaking 'to at bakit ako ang laging bukambibig? Napailing nalang ako sa labis na pag-iisip.
"H-hoy!" Sigaw ko ng bigla niyang sinipa palayo ang walis at kinuha ang kamay ko. Takte. Nakabusangot lang ako sa ginawa niya. Isa nalang at makakatikim ka na talaga sa'kin Enrique.
Baliw ba 'tong taong 'to? Bigla kasing sumayaw ng wala namang tugtog maliban nalang sa nakasaksak atang ewan sa tenga niya. Tinaasan ko lang siya ng kilay at sinundan ang bawat galaw niya.
Kinuha niya ulit ang kamay ko at pinaikot. Nakakahilo nga dahil dalawa yun. Sayaw na para bang wala nang bukas, kahit pinagpapawisan na nga siya ay di pa rin tumitigil.
"Tumigil ka na nga diyan at tatapusin ko na 'to. Malapit nang gumabi oh," sabi ko pero bingi ata siya dahil walang bahid ng rekasyon. "H-hoy?!" Sigaw ko pero wala pa rin. Sa sobrang inis ko ay pinilipit ko yung kamay niya sa likod, dahilan para mapatigil siya.
Mangiyak-ngiyak na 'to sa sobrang sakit pero imbis na magsalita ay hinarap niya ako't niyakap. "T-tama na," pagmamakaawa niya sa'kin habang binubulong 'to sa aking tenga. Isang halik rito na siyang ikinagalit ko. Hindi ko alam kung ba't nakaramdam ako ng ganun kaya binitawan ko siya at tumakbo palayo.
Ganito na lang ba palagi ang mararamdaman ko? Yung parang gustong-gusto kong pumasok ulit sa isang relasyon ngunit hindi ko magawa dahil alam kong sa hinaharap ay kailangan ko rin itong bitawan? Yung para bang sakit ko - bulimia nervosa - na kahit anong kain mo ay maya-maya'y isusuka mo rin. Hindi mo yun maiiwasan, di ba?
Paano nalang kung isang araw malaman niya ang katotohanan? Na ako ang naging dahilan kung bakit namatay si Paul na butas ang dibdib. Kailangan ko siyang bitawan o dapat siya ang kusang lumayo.
Kung pwede lang magmahal muli Enrique, ikaw na sana 'yun. Kaso, alam kong 'pag dumating na naman ang gabing katulad nun ay tiyak ang puso mo naman ang kasunod na hahanapin ko.
**
Mga natutunan ni Mokang:
Kapag may sakit kang ganyan, maglagay ka nalang ng skyflakes sa bulsa mo. Yan, busog ka na nga, tipid pa. Hahaha. At tsaka, kung takot ka magmahal ulit, eh di iwasan mo. Neknek ng tipaklong naman oo.
PS: Nakakaawa po ako dahil 'di ako marunong magsulat ng ganitong genre. Horror pa ba ito? Parang halo-halo na ewan. Hahaha. Bahala na. Salamat sa pagbabasa. XD
►UP NEXT: Pogi Problems (Paul)
BINABASA MO ANG
Kaibigan (Shots)
Short Story{ filipino } Walang kwentang one shots, mga may kwentang tao sa buhay ko.