[5] My Protector | Tsong Billy

144 8 7
                                    

MY PROTECTOR

© iammokang

Sa tuwing kabilugan ng buwan, lumalabas kami para maghanap ng makakain - ang aking ama, ina at nakakatandang kapatid. Sa pamumuhay namin sa isang madilim ngunit magarbong kagubatan, kailanman ay hindi kami nakaramdam ng gutom.

Kahit saan kami magpunta ay merong nakahandang pagkain - kahit kailangan man naming gamitin ang matutulis naming kuko at pangil.

Masarap, walang katulad ang laman lalo na 'pag sariwa 'to. Katulad ngayon, nag-aagawan sila sa pagkain ng nakuha naming kuneho. Maliit ngunit malinamnam. Kailangan pa naming maghanap ng iba dahil hindi ito sapat para busugin ang gutom naming kalamnan.

Isa-isa kaming kumalas sa pag-aagawan at diretsong naglakad palayo para pumunta sa ibang direksyon. Maraming punong-kahoy, malalaki at mahahaba. Ang tanging nagsisilbing gabay namin sa gabi ay ang ilong at tenga naming sensitibo sa lahat ng bagay.

"May usok," sabi ni Ama habang sinisinghot ang hangin gamit ang kanyang ilong. Nakatapak ang apat nitong paa sa mabato at maputik na daanan. Napatingin siya sa'min at ganun rin kami sa kanya. "Sa wakas, marami na ring makakain."

Sa pagkasabi niya 'nun ay itinaas nito ang matutulis niyang pangil at tumuon ang atensyon sa lugar kung saan niya sinasabing may usok. Doon kami papatungo at sa sobrang bilis ng pagtakbo ng aming mga paa ay nakarating kami agad 'dun.

Nakayuko kaming nagmamasid sa mga taong abala sa pagtatawanan at pagluluto ng sarili nilang pagkain. Hindi nila alam na sa bawat halakhak nila ay ang pagsisimula ng aming bilang.

Tumingin ako sa aking Ina na nasa kaliwa ko at sa laman lang 'to nakatoon. Ganun na rin si Ama at ang aking kapatid. Nakababa pa rin ang aming mga buntot at nakasayad 'to sa maberdeng damo.

Pang-apat na halakhak na't dalawa nalang, mabubusog na kami. May sampung tao na nakaupo sa sahig at isa sa kanila'y nakatayo habang ngingisi-ngisi. Lasapin mo na 'yan dahil mamaya'y kapalit na nito ang buhay mo.

Panglima.

Nakatapak ako ng kahoy, hindi ko sinasadya pero naging dahilan 'yun para magkaduda sila sa presensya namin.

"S-sino 'yan?" Tanong nito habang nakataas ang itim na bagay sa kanyang mga kamay. Dahan-dahan ring tumayo ang mga taong dati'y nakaupo't pumwesto sa likod.

"I'm so scared, what's in here?"

"Sir, bumalik na tayo sa camp."

"Shh! Manahimik kayo!" Sigaw nito sa kanila at nagpatuloy sa pagtutok ng itim na bagay sa direksyon namin.

Dahan-dahan kaming umatras dahil papalapit na sila. Nakatingin sa akin ang mapupulang mata ng aking kapatid. Galit siya, galit na galit.

Tumayo si Ama't tumalon sa isa sa kanila. Sumunod si Kuya tsaka si Ina. Narinig ko ang bawat sigaw nila at ang pagputok nung bagay na itim na nakatuon kay Ina. Ubos lahat, dugo't laman ang purong nakikita ko. Kasama na 'dun ang naghahabol na hiningang Ina namin habang nakahandusay sa sahig. May tama siya, sa bandang tagiliran.

Naubos namin lahat, walang natira kundi mga buto nalang. Pero si Ina ay ganun pa rin.

"Ikaw!" Sigaw ng aking kapatid at sinugod ako. Kinagat niya ako sa may leeg at unahang paa pero hindi na ako lumaban pa.

Naghihikahos, napagod na rin siya sa paghihiganti.

"Tama na 'yan!" Sigaw ni Ina sa'min dahilan para mapatigil na siya. Dahan-dahan 'tong tumayo sa sarili nitong mga paa. Kahit may tama ay dinilaan niya lang 'to. "Magiging maayos rin ako."

Kaibigan (Shots)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon