[7] Kabilugan ng Siopao | Pre Italiko

122 7 2
                                    

KABILUGAN NG SIOPAO

© iammokang

"H-hoy!" Naririnig ko ang sigaw nung lalaking may malaking tiyan at mahabang bigote. Tinanaw ko siya ulit mula sa likod at nakita kong naiiling nalang 'to.

Lagi ko nalang silang nauuto, hanggang kailan kaya sila magiging bulag sa mga kailangan ko. Mag-iisang buwan na nung nagsimula akong kumuha sa kanila, gustong-gusto kasi 'to ni Erpats.

Masakit na ang paa ko sa kakatakbo dahil hinahabol na naman ako ng mga anak nung may-ari - ni walang mga laban 'to kumpara sa kung ano ang kaya ng mga paa ko.

"T-talio! L-lagi ka nalang nagnanakaw ah!" Sigaw nung isa na mas matanda pa sa'kin ng baka limang taon. Ni hindi ko siya nilingon at mas lalong binilisan ang pagtakbo na para bang ang hangin na ang tumatangay sa'kin. Isang kanto, dalawa hanggang sa nakaabot na ako malapit sa bahay pero sa kabilang daanan ako lumiko para 'di nila ako masundan. Ang napakaliit na eskinita nito ang magiging daan para 'di nila ako masundan - sa nipis kong 'to, 'di nila makakaya.

"Walang'ya kang bata ka! 'Di mo na kami mauuto ulit!" Sigaw nung isa pa na mas matanda ng tatlong taon sa'kin. Paki ko ba sa sasabihin niyo, 'di naman 'yan makakatulong sa'kin e.

Takbo, takbo hanggang umabot na ako sa dulo ng napakasikip na eskinita. Walang lingunan dahil kahit anong gawin ko, ginusto ko rin naman ang ginawa ko. Kahit di ko man ginusto ay kailangan kong gawin para kay Erpats.

Pinataas ko ang sando kong basang-basa na sa pawis at mantsado na sa kakasiksik sa mabaho't maduming eskinita. Pinunas ko 'to sa mukha kong mas basa pa kesa sa katawan ko. Mabuti at benteng piraso lang ang kinuha ko, pasalamat sila at 'di 'to gaanong malaking kawalan sa mas lumalago nilang pamumuhay.

"Walang'ya!" Napamura ako nang biglang naputol pa ang tsinelas kong binili pa limang taon na ang nakakalipas. Kinuha ko 'to at inayos, konting rugby lang kailangan nito.

Nakapaa na akong dumating ng bahay at binuksan ang pintuan naming yero lang. "E-erpats, andito na po ako," sigaw ko at nilapag ang dala-dala kong tsinelas sa gilid ng upuan naming gawa pa sa kahoy at narurupok na.

Pinuntahan ko siya sa kwarto at pagkatingin ko ay wala siya. Asan na naman kaya 'yun nagsususuot? Baka kina Aling Bibang na naman 'yun.

Hinintay ko nalang siya't inayos ang higaan niyang napakagulo na. Kumuha ako ng dalawang karton sa higaan ko't pinailalim sa kumot niya. Magiging maayos rin ang pagtulog mo Erpats.

"Asan na ba kasi 'yung lapis?" Pagmamaktol ko sa aking sarili habang pabalik-balik na sa pagbukas sara 'nung sira ko nang bag. Inilabas ko ang mga naipon kong papel na may iba't ibang klase - may kalendaryo at meron ring makukulay na bigay pa ni Erpats sa'kin.

Hinanap ko 'to sa higaan niya pero nabigo ako, wala pa rin. Sa higaan ko sa may sala ang sunod na pinunterya ko at kung sinuswerte ka nga naman ay andito nga. "Salamat naman," saad ko sa aking sarili at inipit ko sa aking tenga.

Kinuha ko ang nag-iisa naming upuan at nilapag ang papel at lapis sa mesa. Ngayon ko lang napansin na ilang pako na pala ang nagamit namin sa pagpapatayo nito, mabuti nga dalawang buwan na itong di nasisira. Matibay, kagaya ng paniniwala kong magkakaroon pa si Erpats ng mahabang buhay.

Sinimulan ko na ang kumpas ng lapis sa aking kamay at gumuhit ng mga linya. Sa aking pagliliwaliw, narinig ko ang mga yabag mula sa labas. Marahil si Erpats na siguro 'yun kaya pinabayaan ko nalang at pinagpatuloy ang paguhit ko.

Bumukas ang pintuan sabay sambit ko ng "Erpats, may siopao diyan. Kumain na po kayo baka malipasan ho kayo ng gutom. Saan po pala kayo nanggaling? Er--" napatigil ako sa pagsasalita nang makita ko ang kalagayan niya "A-anong nangyari?!" Tanong ko sa kanya habang nahihirapan na 'to sa pagtayo.

Kaibigan (Shots)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon