Laging balisa ang puso kong umiibig sa ngayon
Gusto ko’y lagi kang kausap kahit na sa maghapon
Di maubusan ng kwento mapa-rito,mapa-roon
Kuwentuhan at tawanan ang ginawa lang maghapon.
Minsan ko nang sinubukan na ika’y huwag pansinin
Para iwasan ka, sa iba ibinaling ang tingin
Di lang maibulalas ang laman ng puso’t isipan
Nandito parin tayo nananatiling magkaibigan.
Ano bang magneto mo at ‘di kita makalimutan
Lahat ginawa ko na para ikaw ay kalimutan
Hindi ko maalis, pangalan mo sa aking isipan
Yon pala na-“in-love” na ako sa’yo nang tuluyan.
Pagnakikita ka ligaya ang nadarama
Pagkasila’y sa iyo,puso ko’y nabihag mo, sinta
Hiling ko sana ika’y makasama ka sa tuwina
Sa buhay kong payak ikaw ang nagbigay- kulay pa.
Kahit man lang sa pagtulog at paggising sa umaga
Magaganda mong larawan hindi ko maipinta
Hindi mawaglit kahit minsan sa aking alaala
Maaamo mong mukha ang palagi kong nakikita.
Kaibigan nga lang ba ang dapat lang nating turingan?
Kahit alam nating pareho tayong nagmamahalan
Samahan natin tila nawala sa isang iglap lang
Damdaming pagmamahal turing ay kaibigan lamang.