Earlier years...
"Sige pa Ryle! Dagdagan mo pa ng kamalasan itong araw mo!" Malalaki ang aking hakbang habang panay ang linga ko sa aking paligid. "'Asan na ba ako?!" Hindi ko na binibigyang pansin ang mga taong nakakasalubong ko kahit pa nga nakikita kong nagtataka silang nakatingin sa akin dahil sa pagsasalita kong mag-isa.
When finally nakita ko ang two storey na apartment type na gusali para akong nabunutan ng tinik. Mabilis akong pumasok sa loob ng bakuran at kinuha ang cellphone sa bulsa ko. Tiningnan ko ang notes ko at nakita ko na parehas nga ang address.
Dere-derecho ako sa loob at kinuha ang susi sa kabilang bulsa ng aking pantalon. Hindi na ako kumatok. For what?! Kaya nga may susi ako eh! Pagbukas ko ng pinto, sinalubong agad ako ng katamtamang laki ng sala. May six seater na sofa at dalawang single seater. Samantalang sa gitna naman ay may isang maliit na center table na may nakalagay na plato. Pero wala namang tao.
Nagulat pa ako nang may magsalita sa aking gilid. Mukhang galing sa kusina ang babae."Hi. Bago ka?" Nakangiti siya sa akin dahilan para makita ko ang pantay-pantay nyang mga ngipin. Pati cleft chin nya parang nabanat sa pagkakangiti nya. Ang buhok nyang lampas balikat parang smooth. Hindi naman siya maliit pero hindi rin katangkaran. Kasi obvious na mas matangkad ako sa kanya. Naka shorts sya at sleeveless. Pero ang shorts nya parang panty na sa sobrang ikli. Nagmukha tuloy bestida ang suot nyang sleeveless na damit. Ang pisngi nya for sure wala siyang blush on pero mapink ang kulay nito. Pero gusto ko iyong mga mata nya, ang astig! Kulay brown. Hindi naman siguro siya naka contact lens.
Tumango lang ako at muling nagpalinga-linga sa paligid. Saan ba ang room B rito! Kesa kung ano-ano ang napapansin ko.
"Uuuyy! May bago. Saan siya?" Singit naman ng isa pang babae na may kulay ang buhok.
"Siya tanungin mo, at baka sumagot!" Biglang nag-iba ang tono ng boses ng babaeng unang bumati sa akin. Tinalikuran nya kami at nagdere-derecho sa sala. Ipinatong nya ang bitbit nyang pagkain sa mesa. "Candy halika na. Kain na tayo!" Tawag nito sa babaeng nasa harapan ko.
"Anong nangyari dun?" Nagtatakang baling sa akin nung tinawag na Candy.
Nagkibit balikat lang ako at pasimpleng sinulyapan ang babaeng nagsuplada. Problema nito? Ang rude naman nya. Nagulat pa ako ng biglang agawin ni Candy ang papel na hawak ko.
"Ahh sa room B ka pala! Ka-room ka namin. So ikaw pala si Rayli, iyong tinutukoy ni ate Badet na bagong boarder!"
Kahit medyo nainis ako sa ginawa nya hindi ko ipinahalata. Rayli! My goodness! Dagdag na naman sa mga taong iko-correct ko sa pagpronounce ng pangalan ko. Kailan ba nila malalaman na its not Rayli its Rayl. "Oo. Saka hindi Rayli ang pangalan ko. R-Y-L-E."
"Ay sorry naman! Akala ko Rayli ang pagbasa dun!"
Feeling close agad siya kung makahampas sa braso ko. Samantalang ngayon lang naman kami nagkita. Nakatingin lang ako sa kanya at naghihintay mg sunod nyang sasabihin. Mukhang wala siyang balak sabihin sa akin kung saan mismo ang room B.
"Candy kakain ka pa ba?" Muling tawag nung babae na nakaupo na sa sala. Mahihimigan mo sa boses nya ang pagkairita.
"Oo na Max! Grabe lang makasigaw, parang ang layo ko ah!" Sagot naman ni Candy na ikinatawa ng babaeng tinawag nitong Max. Bumaling siya sa akin. "By the way ako nga pala si Candy. Hindi Crush ang apelyido ko ha?"
Sabay pa kaming napalingon ni Candy kay Max dahil bigla na lang itong humalakhak. Is she crazy?!
"Cands, mukhang hindi nagets nyang katabi mo iyong joke mo! Ituro mo na lang iyong room nyo para makakain na tayo!" Iiling-iling nitong sabi.
So ano slow na ako ngayon? Ano nga bang sinabi nitong si Candy?! Hindi raw Crush ang apelyido nya! Yes Ryle Mikaelle, indeed you're slow! Don't laugh now, magmumukha ka lang tanga.
"Doon sa may dulo iyong Room B, Ryle. Dalawang double deck lang ang bed dun at isa na lang iyong vacant. So obviously 'yon ang magiging bed mo. Huwag ka ng magtaka kung bakit nasa dulo iyong room B. Matagal na naming tinanong si ate Badet bakit ang kasunod ng room A ay room C. Pero ngiti lang ang lagi niyang sagot sa amin. Ewan ko ba naman d'yan kay ate Badet bakit ganon ang gina--"
Naputol ang sinasabi ni Candy dahil biglang lumapit sa amin si Max at kinuha mula sa kamay ko ang bitbit kong maleta. "Ang dami-dami mo pang sinasabi Cands. Magkaka ulcer ako sa'yo!" Maktol nito.
Hindi ko na siya napigilan sa pagbitbit ng aking maleta dahil mabilis lang nya itong nahila at tinahak ang room B na tinutukoy ni Candy. Binalingan ko siya at nakita kong pailing-iling ito.
"Ganyan talaga 'yang si Max! Tsk tsk tsk. Huwag kang maiinlove d'yan! Machicks 'yan!"
"Narinig ko 'yon, Candy! Huwag ka ng kakain ha!" Sigaw naman ni Max.
"Joke lang Max! Love you! Alam mo 'yan!" Kinindatan ako ni Candy at ngumiti. "Ganito talaga kami dito. Wait until you meet the others! For the meantime sunod ka na dun kay Max." Marahan pa nya akong itinulak pasunod kay Max. "'Don na ako sa sala at kakain na kami. Mamaya ka na magbihis at sumabay ka na rin sa aming kumain."
Tumango lang ako at tahimik na sinundan si Max. Nagkasalubong pa kami at nagkatinginan. Mukhang naibaba na nya ang gamit ko. "Salamat." Tipid at mahina kong sabi.
"Kain tayo rito." Imbita nito.
Masyadong pormal ang ekspresyon ng mukha nya ngayon. Hindi na siya nakangiti na tulad nang kaninang unang bungad nya sa akin. What's with her? "Busog pa ako. Salamat." Mahina kong sabi.
Lumalim ang gatla sa aking noo dahil basta na lang nya akong tinalikuran at naglakad pabalik sa sala. Problema ng babaeng 'yon? Hay naku, Ryle mas mabuti pang mag-ayos ka na lang ng mga gamit mo kesa mag-isip ng kung anong problema ng ibang tao. Nagkibit balikat na lamang ako at pumasok na sa loob ng kwarto.
Mabilis kong inilibot ang tingin sa paligid ng kwarto. Kahit hindi kalakihan ang espasyo hindi naman ito crowded at masikip tingnan. Mukhang magaan lang naman ang magiging pagkilos ng bawat isa rito.
Sa right side ng kwarto ay ang dalawang double deck na higaan. Samantalang sa opposite side naman ng mga kama ay ang apat na katamtamang laki ng cabinet. Sa tapat naman ng pinto ay ang sliding door na may kurtina. Naglakad ako patungo rito at napagtanto ko na isa pala itong terasa. Not a bad choice! Muli akong pumasok sa loob at umakyat sa isang bakanteng kama. Marahan kong pinagpagan ito.
Well, well, well! Welcome to your new home Ryle! Sana this time magtagal na ko rito.
