TMH 01.1 : The Loners

78 6 0
                                    

Ilang araw na mula nang matagpuan ng mag-asawang nakatira sa liblib na bahagi ng Mt. Pulag si Katherine. Hindi pa din ito nagkakamalay. Noong isang araw ay nilagnat ito ng mataas at nagdedeliryo, may binabanggit pa ngang pangalan. Gustuhin man nilang dalhin ito sa ospital ay hindi nila magawa. Baka pag-isipan na naman sila ng masama ng mga tao sa bayan kapag nakitang may inaaruga silang isang tao. Kaya nga sila nagpakalayo layo dahil sa mapanghusgang mga tao. Ikinakalat ng mga taong walang magawa na sila daw ay mga mangkukulam at alagad ng demonyo. Wala silang mga kaibigan. Lahat ay pinandidirihan at kinatatakutan sila. Kaya napagpasyahan nilang umakyat dito sa Mt. Pulag upang hindi na sila gambalain pa ng mga tao. Wala silang anak. Baog kasi si Trining. Ngunit hindi naging dahilan iyon para iwan siya ng asawa. Bagkus lalo siyang inalagaan nito at minahal. Sa ilang taon na paninirahan ng mga ito sa Mt. Pulag, nagkaroon na sila ng mga alagang hayop kagaya ng manok at baboy damo. Hindi sila nahihirapan kung saan sila kukuha ng pagkain dahil may mga tanim silang gulay at prutas sa kanilang munting bakuran. Kahit wala silang mga kaibigan at kapitbahay ay hindi sila nalulungkot. Masaya at kuntento sila sa buhay.

Kasalukuyang nagluluto ng pananghalian si Trining nang marinig ang malakas na sigaw ni Katherine. Napatakbo siya sa kuwartong kinaroroonan nito. Nagulat siya nang makita itong nakaupo na at tila hinihingal. Wala noon si Tomas dahil nangunguha ito ng mga kahoy na panggatong.

''Ineng, kumusta ang pakiramdam mo?" Nilapitan niya si Katherine sa katreng hinihigaan nito.

Tiningnan siya nito. Mababakas sa mata nito ang takot. Umatras ito ng bahagya.

''Wag kang matakot. Ako si Trining. Nakita ka namin ng asawa ko malapit dito na walang malay at may mga sugat. Ilang araw na ang lumipas. Salamat naman at gising ka na.'' Nakangiting pagpapakilala ni Trining.

Napahawak si Katherine sa may bendang ulo at napangiwi. Tila wala itong maalala sa mga nangyari. Nagulat si Trining sa sinabi nito.

''Sino ako? Na-nasaan ako?" Naguguluhang tanong nito.

''S-sa ID mo, ang pangalan mo ay Katherine Samonte. Nandito ka ngayon sa Mt. Pulag.'' Sabi ni Trining.

''P-pwede po bang makihingi ng tubig?" Tanong ni Katherine.

''Sige. Sandali at kukuha ako.'' Nagmamadaling kumuha si Trining ng tubig. Pagbalik niya ay nakatayo na si Katherine.

''Ito na ang tubig.'' Inalalayan niya ito pagkabigay ng tubig dito. Parang uhaw na uhaw ito dahil naubos nito ang tubig. Inakay niya ito palabas ng kuwarto at pinaupo sa upuang nasa may kusina.

''Dito ka muna at tatapusin ko lang ang niluluto ko. Tiyak na gutom na gutom ka na.'' Tinungo niya ang lutuan. Tahimik lang na nagmasid si Katherine. Pinapanood niya ang kilos ng taong nagligtas sa kanya. Pero bakit wala siyang maalala? Anong nangyari sa kanya? Higit sa lahat, sino siya? Nasa ganoon siyang pag-iisip ng pumasok ang isang matandang lalaking may dalang kahoy. Ito marahil ang asawa na tinutukoy ni Trining.

''Gising ka na pala. Kumusta na ang pakiramdam mo, ineng?" Nakangiting tanong nito sa kanya habang nagpupunas ito ng pawis.

''M-mabuti na po. Salamat po sa tulong.'' Matipid na ngiti ang isinukli niya dito.

''Mabuti kung ganun. Sabihin mo sa amin kung saan ka namin ihahatid para makauwi ka na.'' Sabi ni Tomas.

''H-hindi ko po alam.'' Napayuko si Katherine dahil hindi niya talaga matandaan kung sino siya at kung saan siya nakatira.

Napatingin si Tomas kay Trining. Tumango ng marahan si Trining. Naunawaan naman ni Tomas ang ibig sabihin niyon.

''Mabuti pa mananghalian na tayo. Nagluto ako ng masarap na sinigang na hipon. Nanghuli ako kanina. Nakain ka ba nun, ineng?" Sadyang iniba ni Trining ang usapan at nagsimula ng maghain. Tumango lang si Katherine. Nagsimulang kumain ang tatlo nang hindi nag-uusap. Hanggang matapos silang kumain ay walang nagsasalita. Nagpaalam si Katherine na magpapahangin sa labas.

''Lalabas lang po ako. Magpapahangin lang po.'' Wika ni Katherine.

''Mabuti pa, samahan mo siya, Trining. Ako ng bahala sa pinagkainan.'' Suhestiyon ni Tomas na sinang-ayunan ni Trining.

Nakaalalay si Trining kay Katherine habang naglalakad sila. Alam ng matanda na mahina pa ang dalaga. Dinala ito ni Trining sa may tabing-ilog na hindi kalayuan sa bahay nila. Pinaupo niya ito sa may batuhan, naupo siya sa tabi nito.

''Wala bang nasakit sa iyo, Katherine?" Tanong niya dito.

''Wala naman po.'' Matipid na sagot ng dalaga sa tanong niya.

''W-wala ka ba talagang maalala? Kahit ano?" Nagaalangan man sa kanyang sumunod na tanong, hindi naman niya alam kung paano ito matutulungan.

''A-ang huling natatandaan ko lang po ay nalaglag ako at gumulong sa hindi naman kataasang bangin. Bukod po doon ay wala na.'' Malungkot na sagot ni Katherine.

''Noong nakita ka namin ay wala kang sapatos, tanging bag lang ang dala mo. Nakita namin ang ID mo sa wallet mo. Nandon lahat sa bahay ang mga gamit mo. Baka makatulong iyon sayo para maalala mo ang nangyari.'' Wika ni Trining.

''Pasensya na po kayo. Nagiging malaking abala po ako sa inyo.'' Paghingi ng paumanhin ni Katherine.

''Wala iyon. Dadalawa lang naman kami ni Tomas dito. Mabuti at nakita ka namin agad, hindi kami naunahan ng mababangis na hayop.'' Nakangiting biro ni Trining. Nagtagumpay naman siyang mapangiti ang dalaga. Maganda talaga ito lalo na kung nakangiti.

''Wala po ba kayong mga anak?" Si Katherine naman ang nagtatanong ngayon sa matandang babae.

''Wala kaming anak ni Tomas. Hindi kami biniyayaan ng mga anak.'' -Trining

''Ako po kaya? May mga magulang kaya ko na kasing-bait ninyo?" Tanong muli ni Katherine habang nakatingin sa malayo.

''Sigurado iyon, ineng. At siguradong kasing-ganda mo ang nanay mo. Pero habang hindi mo pa naalala ang mga nangyari sayo, kami muna ni Tomas ang tatayong nanay at tatay mo dito.'' Nakangiting sabi niya kay Katherine.

''Salamat po. Napakabait ninyo sa akin. Hayaan niyo po, tutulong na lang ako sa inyo para di ako maging pabigat.'' Wika ni Katherine. Napangiti naman si Trining sa sinabi ng dalaga. Hindi sila nagkamali ng pagtulong dito dahil napakabait nito. Tiyak na napalaki ito ng maayos ng mga magulang nito. Hindi na sila malulungkot ni Tomas sa mga susunod na araw. Nahiling ni Trining na sana matagalan ang pagbabalik ng alaala nito upang maranasan nila kung paano magkaroon ng anak...

The Missing HeiressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon