Nakatayo ako sa labas ng campus habang inaantay ang sundo ko. Pinapanood ko ang iilang sasakyang paroo't parito.
Napakagat ako ng labi ng maalala ko si kuya. Ikinurap ko ng ilang beses ang mga mata para pigilan ang mga luhang nagbabanta.
"Nagcocommute ka ba?" Napalingon ako sa nagsalita.
"Hindi. Naghihintay ako ng sundo." Tumango lang siya. "Ikaw?" tanong ko bilang respeto sa pagkausap niya sa akin.
Madami siyang kaibigan at mga kaklase naming may gusto sa kanya pero mas kinakausap pa niya ako.
"Commute lang ako. Malapit lang naman kami."
"Oh hi Lance! Sumabay ka na sa amin. Nanjan na ang sundo ko. Sa Yuico din pala nakatira itong si Eunice." Pareho kaming napalingon sa nagsalita. Ni isang sulyap ay wala itong ibinigay sa akin. Na tila ba hindi ako nag-eexist sa mundo nila. Ang kasama naman niyang transferee din na kagaya ko ay nakatingin lang sa lalaking kasama ko. Na tila ba umaasang pansinin siya nito.
"Sige lang Shan. May hinihintay pa ako." Mabilis na tanggi niya samantalang kasasabi niya lang sakin na magcocommute daw siya.
"Ayaw mo lang talagang sumabay. Hmp!" Napaismid ito sabay hila sa kasama palayo sa amin.
Hindi naman umimik ang katabi ko.
Matagal na kaming nakatayo doon pero walang nagsalita sa amin. Ilang beses siyang lumingon sa akin pero diretso lang ang tingin ko. Hindi ko alam kung may gusto ba siyang sabihin or may tinitingnan lang sa gawi ko.
"Abi!" nakangiting tawag ni kuya Nilo nang tumapat ang sasakyan sa amin.
Nilingon ko siya ng bahagya. "Una na ako. Nandito na ang sundo ko."
Tumango siya. "Bye. Ingat ka."
"Ingat din." Kumaway ako bago naglakad papunta sa van.
"Kumusta ang school?" Nagmano ako pagkalapit ko sa kanya.
"Okay lang naman, la."
"Masasanay ka din."
Tumango lang ako at nagpaalam na aakyat na.
Nakatitig lang ako sa bagong cellphone ko. Dalawa lang ang contacts na nakasave. Isa kay lola para sa emergency at isa kay kuya Nilo na tinitext ko lang kapag pauwi na ako.
Nagdeactivate din ako ng account sa social media para maiwasan na din ang masasakit na salitang pinopost nila sa wall ko. Kaya din siguro kinuha ni mommy ang dati kong cellphone pati na ang laptop ko.
Simula nang dumating ako sa Santa Isabel ay wala na rin akong narinig kahit man lang kay mommy. Kahit isa sa kanila ay walang nagtanong kung ayos lang ba ako.
Alam kong kasama ko si lola, pero naroon pa rin ang pakiramdam na nag-iisa. Walang karamay, walang nakakaunawa.
Pagpasok ko ng gate ng Hale University, masayang magkakasama ang mga magkakaibigan papasok sa kanya-kanyang classroom. Naalala ko na naman si Aila. Hindi ko alam kung ayos lang ba siya o kung may kasabay ba siyang naglalakad sa campus o kung nagkaayos na ba sila ni Ronald.
Kumurap-kurap na naman ako. Sa bawat memoryang naaalala ko hindi ko maiwasang hindi maluha.
Pagkapasok ko ng classroom ay masaya ding nag-uusap-usap ang mga kaklase ko.
"May assignment ka sa Filipino?"
"Wala. Si Aryan meron. Bilis kumopya ka na."
"Ako din, pakopya."
Agawan ng notebook. Hingian ng papel. Tinginan ng sagot sa assignment. Lahat nagkakagulo. Habang ako ay nasa sulok at nagmamasid lang sa kanila.
"Gab, pakopya naman akong assignment." Tawag ng kaklase namin sa katabi ko.
Binigay lang niya ang notebook pero hindi na nagsalita pa.
Bibihira ko lang siyang marinig magsalita. Hindi ko rin nakitang ngumiti siya sa iba maliban kapag kausap niya paminsan-minsan ang mga kaibigan.
Nakapatong sa desk niya ang isang notebook kaya nabasa ko doon ang pangalan niya. Lance Gabriel Dy.
Madalas ay Lance ang tawag ng kaklase ko, pero kapag mga kaibigan niya ay Gab ang tawag sa kaniya.
Mag-iisang linggo na ang klase pero mabibilang sa kamay ang pagkakataon na kinakausap niya ako. Madalas ay kapag wala ang mga kaklase namin sa paligid.
Nakalabas na lahat ng mga kaklase namin nang ilabas ko din ang sandwich na baon ko.
Ngayon ko lang naranasan kumain mag-isa. Ang maglakad sa school mag-isa. Ang walang kausap kapag breaktime.
Nang maubos na ang baon ko ay lumabas na ako ng room.
"Hindi ka kakain?"
Nagulat ako nang makitang nakatayo siya sa labas ng room.
"Kumain na ako." Nagtatakang tiningnan niya lang ako. "Sandwich lang ang baon ko."
Tumango lang siya.
"Alis muna ako, Lance." Napatitig siya sa akin. Yun ang unang beses na tinawag ko ang pangalan niya.
Hindi ko na hinintay ang sagot niya at umalis na.
Pinili ko ang pinakasulok na bahagi ng library at doon naupo. Binuksan ko ang librong dala-dala ko. Ito nalang ang ginagawa kong pampalipas oras.
Mahirap mag-adjust lalo na at estranghero ka sa lugar pero alam kong mas mahirap para sa mga taong nasaktan ko ang magmove-on.
Gusto kong sisihin ang sarili ko sa mga nangyayari pero hirap na hirap na din ang kalooban kong tanggapin ang sitwasyon ko.
Maaga kaming nakalabas kaya nagpaalam ako kay lola na hindi na ako magpapasundo. Nagpunta ako ng sakayan at nagpahatid patungong simbahan.
Mag-isa lang akong nasa loob ng Adoration Chapel. Hindi pa man ako nakakapagsimulang makipag-usap sa Kanya ay tuloy-tuloy na naglandas ang mga luha sa pisngi ko.
Napakabigat po ng dinadala ko sa ngayon. Pakiramdam ko ay nag-iisa lang ako. Pakiramdam ko ay iniwan ako ng mundo. Pakiramdam ko kahit ang sarili ko ay pinagtaksilan ko.
Isang malaking kasalanan ang nagawa ko. Hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap ko sa mundo lalong-lalo na Sa'yo. Pero wala din akong ibang matakbuhan. Walang ibang makausap. Alam kong Ikaw lang din ang makikinig sa akin.
Kung parusa man ang mapunta ako dito, tatanggapin ko. Kung parusa man ang bigat na nadarama ko, hindi ako magrereklamo. Alam ko pong deserve ko ito. Pero sana po, tulungan po Ninyo ang kaibigan ko. Kayo nalang po ang inaasahan kong tutulong sa kanya, magcocomfort at aalis ng sakit na nararamdaman niya.
Kayo na po ang bahala sa lahat.
Pinunasan ko ang luha sa mga mata nang maramdamang may pumasok sa loob. Saglit akong naupo at inayos ang sarili bago tuluyang lumabas.
Gumaan panandalian ang nararamdaman ko sa dibdib. Sana ay gumaan din ang pakiramdam ng taong nasaktan ko pati na rin ng pamilya ko.
BINABASA MO ANG
Confessions Of A Broken Heart
Teen FictionRejection. Pain. Acceptance. Paano nga ba malalagpasan ang sakit na pinagdadaanan? Paano nga ba ang lumimot sa masalimuot na nakaraan? Piksii ❤ All Rights Reserved 2017