Peksman, una’t huli na ito
Hindi ko inisip na makakagawa ako ng isang kwento gaya nito. May kaibigan kasi akong nakapagsabi sa akin na gagawa daw sya ng kwento na tungkol sa buhay nya mula elementarya hanggang sa kasalukuyan. At inengganyo nya akong sumulat din ng kwento. Una, bakit ako magsusulat ng kwento? Wala akong maisip na dahilan kung bakit ko kailangang magsulat ng kwento. Pangalawa, tungkol naman saan at para kanino? Kung sakaling makakapagsulat nga ako o nasa mood para magsulat ng mga ilang kabanata, tungkol naman saan? Kanino ko iaalay? Sabi nya, “basta gawin mo nalang”. Naniniwala siya na may kakayahan ako sa pagsusulat higit sa paniniwala ko sa sarili ko. Masasabi kong isa syang mabuting kaibigan. Pagsusulat ang naging libangan ko noon. Dito ako dati masaya. Kaso tinalikuran ko na. At ngayon, bumabalik ako sa pagsusulat. Napilitan lang ba? Siguro. Hindi. May nakapagsabi din sa akin na palagi tayong may pagpipilian. Tama naman siya. Palaging may pagpipilian. At makikilala ka at ang pagkatao mo sa kung anong pipilin mo at gagawin mong desisyon. Anong pinupunto ko? Simple lang. Pinili ko muling magsulat. At sa kalagitnaan ng pagsusulat ko ay nasagot ang mga tanong ko kanina. Sa kabila ng mga batikos nung mga una kong naisulat, pinili ko muling magsulat. Masaya ako sa ginagawa ko. Masaya ako sa mga natatapos ko. Hindi ko kayang pasayahin ang lahat ng mambabasa ko. Hindi naman sila ang mahalaga. Ang mas mahalaga ay nagiging masaya ako sa ginagawa ko. Kung makarelate man sila. Makapulot man ng mga aral sa kwentong ito. Natuto man sila sa pagkakamali ko at sa ibang tauhan sa kwento. Binabati ko sila. Pero kung mas mapuna man nila yung mga pagkakamali ko sa ginawang kwento, problema na nila yun. Ginawa ko ang kwentong ito para lang ibuhos lahat ng nasa isip at damdamin ko. Pangalawa lang para sa akin ang mga papuri at pamumuna ng mga mambabasa ko.
Tiyak na maraming kritiko ang magtataas ng kilay dahil sa ending ng kwento. Sinabi ko sa kaibigan ko yung gusto kong maging dulo ng kwento. Bakit daw naiwang bitin yung dulo kwento? Naging masaya daw ba yung tagapagsalaysay ng kwento sa dulo? At saan napunta si Sheene, isa sa mga tauhan sa kwento. Sa tunay na buhay, may mga tao na sukat isipin ay bigla nalang darating ng hindi mo man lang alam kung saan galling at sukat din namang mawawala nalang ng biglaan ng hindi mo man lang namamalayan at kung saan na napunta. Gayun pa man, pinag-iisipan ko pa kung gagawan ko ng sariling ending yung kwento o maghihintay nalang ako sa mga susunod na mangyayari para magkaroon ng mas magandang dulo ang walang kwentang kwento na ito. Sa mga oras na ito, nasa proseso parin ng paghihintay at pag-iisip ang lahat.
Kakaunti lang ang totoong nangyari sa kwentong ito. Kung sakaling alam nyo yung mga pangyayaring nakasulat dito, maari lang po bang itaas nyo lang ang kanang paa nyo… at wag ng magsalita tungkol sa nalalaman nyo? Kung magustuhan nyo man o hindi yung kwento, nasa inyo na iyon.
Salamat.
-E