Chapter Six-The Hallucinations

108 4 2
                                    

Halos mabingi si Cielo dahil sa lakas ng pagkabog ng kanyang puso na dumaig pa sa katahimikan ng gubat. Sa kawalan ng mapupuntahan ay napaupo na lamang siya sa isang damuhan. Wala na siyang pakialam kung anong hayop pa o makating halaman ang naroon. Kusa nang bumigay ang kanyang katawan dahil sa walang tigil na pagtakbo na halos magkasugat-sugat na ang kanyang paa sa mga naapakan.

Wala na siyang nakikitang bakas pa ng liwanag na nagmumula sa bonfire. Malayo na siya sa mga kaibigan at hindi niya alam kung nasaan siya. Para iyong isang dagat ng mga puno at sari-saring nilalang sa gitna ng kadiliman. Hindi niya naisip ang dahilan kung bakit siya napunta roon at kusa siyang dinala ng kanyang mga paa. Kahit na nakakapangilabot ang paligid ay pakiramdam niya’y mas ligtas siya roon. Lalo pa’t hindi na niya maintindihan kung ano na ba talaga ang nangyayari.

Minabuti na rin niyang patayin ang liwanag ng kanyang flashlight. Napapakahalaga niyon kaya kailangan niyang tipirin ang baterya. Likas siyang matatakutin, pero kailangan niyang gawin ang sa tingin niya ay tama. Kung makakalikha siya ng liwanag, tiyak na magiging banta iyon sa kanyang kaligtasan sa kung anuman o kung sinumang mananakit sa kanya.

Matipid ang paghinga niya sa bawat pagpintig ng segundo. Hindi niya alam kung anong oras na ngunit alam niyang lumampas na ang hatinggabi. Napansin niya ang sariling humihikab.

“No. No. Hindi puwede. Hindi ako puwedeng makatulog. Hindi ko alam kung anong puwedeng mangyari sa akin dito. Hindi ko na alam ang gagawin ko! Hindi ko na maintindihan ang nangyayari rito! Hindi ko na alam kung sino na ba ang dapat kong paniwalaan! Hindi ko na alam kung ano na ba ang tama at totoo! Hindi ko alam kung sino na ba ang dapat kong pagkatiwalaan at katakutan!” ani Cielo sa sarili habang kinagat-kagat ang daliri upang labanan ang nararamdamang antok.

Ngunit nang gawin niya iyon ay biglang sumabog ang kanyang suka. Nanikip ang kanyang dibdib at kumulo ang kanyang sikmura. Pakiramdam niya’y umiikot ang buong paligid kahit na wala siyang nakikita. Sa pagdaan ng suka sa kanyang lalamunan ay parang asido iyong sumusunog sa kanyang kabuuan. Napaluha na lang siya dahil sa sakit.

“Hindi ko inasahang ganito ang mangyayari sa pagpunta namin dito. Sa akin…sa aming lahat… Hindi ko akalaing sa araw na ito, masisira ang pagkakaibigan namin sa isang iglap. Yung…yung dapat na masaya ako. Pero, nandito ako ngayon…naghihirap…takot na takot…gulong-gulo ang isip…” Sumabog na naman ang kanyang pagsuka. Hindi na niya iyon nakontrol pa at pati ang suot niyang damit ay nalagyan na rin maging ang hawak niyang flashlight. Binuhay niya iyon para makapitas ng dahon at malinis na rin niya ang sarili.

“Buwisit! Buwisit talaga! Nakakainis…” napapamura na lang si Cielo nang makita ang nangyari sa kanya. Hindi niya alam kung kaawa-awa nga ba siyang matatawag o katawa-tawa. Natuon ang tingin niya sa flashlight na nalagyan niya ng suka.

“Tingnan mo nga naman oh? Hindi ko alam na flashlight na ito pala ang nadala ko. Hindi ko alam kung paano ka napunta napunta dito pero…wala naman akong pakialam kung ikaw ang nadala ko eh…” tila nababaliw si Cielo na kinakausap ang flashlight na tulad ng isang tao. Dala na marahil ng halo-halong emosyong nararanasan niya. Kinakausap niya ang flashlight na parang ang may-ari ang kaharap niya. Kay Lyndon iyon.

“Nasaan ka na ba, Lyndon? Bakit ba bigla kang nawala kung kailan kailangan kita! Napakarami kong gustong linawin sa’yo! Gusto kong itanong kung may kinalaman ka ba sa lahat ng mga ito! Ikaw ba talaga ang pumatay kay Peter o nagpakamatay lang siya? O…baka naman si Hilda ang pumatay sa kanya…si…Migz..o si…Andrew…? Bakit ngayon ka pa nawala?”

Kusa niyang idinidikdik ang flashlight sa lupa dahil sa bugso ng kanyang damdamin. Hanggang sa muli na naman siyang lumuha. “Nagtatago ka nga lang ba? Please…Lyndon…bumalik ka na…”

Hindi na siya babalik dahil patay na siya.

“No! Hindi! Hindi! Hindi pa siya patay! Alam kong buhay pa siya at alam kong babalik siya!”

Huwag ka nang umasang babalikan ka pa niya dahil matagal ka na niyang iniwan!

“Hindi! Hindi!” pumailanglang ang malakas na sigaw ni Cielo. Ngunit matapos iyon ay nahimasmasan na siya. Bumalik na siya sa katinuan, kung katinuan pa nga bang matatawag ‘yon. “Hahanapin ko si Lyndon. Alam kong siya ang sagot sa lahat ng nangyayaring ito…Hindi ako susuko hangga’t wala akong napapatunayan!”

Inayos na ni Cielo ang kanyang sarili at tumayo. Alam niya sa sariling walang kasiguraduhan ang lahat. Pero sa pagkakataong iyon ay isa lang ang alam niya. Kailangan niyang kumilos. Muli siyang naglakad sa gubat na walang patutunguhan hanggang sa isang tinig ang kanyang marinig.

“Cielo, nasaan ka? Cielo!”

Sa pagkakataong iyon ay tumibok muli ang puso niya at nabuhayan siya ng dugo. Hindi niya alam kung sino nga ba ang tumatawag sa kanya. Ngunit hindi niya mapigilang mapangiti ng bahagya.

“Lyndon, ikaw ba ‘yan? Lyndon? Nandito ako…nandito ako!” isinigaw na niya iyon para marinig siya nito.

“Cielo!”

Bagama’t madilim ay naaninag niya ang imahe ng isang binata ngunit bigo siyang makilala kung sino iyon dahil sa matinding hilo na nararamdaman niya. Lalapitan na niya ito ngunit bumigay na ang kanyang tuhod at napasalampak na lang siya sa damuhan. Manhid na ang kanyang katawan kaya’t di niya naramdaman ang sakit ng pagbagsak ngunit naramdaman naman niya ang kamay nitong humawak sa kanya.

“Lyndon?” ngunit hindi na niya naisatinig pa iyon dahil sumuko na ang talukap ng kanyang mga mata.

NightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon