Hawak ni Hilda sa kanyang kanang kamay ang kanyang cellphone. Sa totoo lang ay wala siyang ibang magawa roon kundi titigan lamang ito. Gustuhin man niyang tawagan ang lahat ng gusto niyang tawagan, wala namang signal na rumerehistro doon. Ang tanging silbi na lang sa kanya noon ay isang orasan.
2:14 ang nakatitik sa taas na bahagi ng screen niyon. Napakaraming oras na pala ang lumipas. Madaling-araw na. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubusang maintindihan ang lahat ng nangyayari sa paligid nila. Kung paano nauwi ang mga iyon sa ganito sa loob ng isang iglap lang. Sobrang daming tanong ang paulit-ulit na nahahabi sa kanyang isipan ngunit wala ni isa man roon ang mayroon nang kasagutan. Dahil nga roo’y hindi man lang siya dalawin man lamang ng antok. Paano nga ba siya makakatulog sa gitna ng ganoong sitwasyon?
Nagawi ang tingin niya sa gilid ng tent. Nandoon si Andrew. Walang suot na pang-itaas habang natutulog. Nasilat ng kanyang paningin ang hubog na katawan ng binata. Dahil doo’y hindi niya maiwasang magpantasya ng kung anu-ano. Masuwerte na nga ang sinumang babaeng magmamay-ari kay Andrew. Dahil kung susumahin, nasa kanya na ang lahat. Ngunit nangibabaw sa kanya ang pagtataka sa binata. Paano nagagawang matulog nito sa gitna ng ganoong sitwasyon? Bakit parang wala lang sa kanya ang lahat ng naganap?
Nakita niya ang kanang kamay nito na may nakapulupot na tela na may mga kaunting dugo. Baka nga kumikirot lamang ang sugat na iyon ni Andrew kaya nakuha nitong matulog upang mabawasan ang nararamdaman nitong kirot. Ang sugat na siya ang may dahilan.
Nagpadalus-dalos siya sa kanyang mga desisyon at nakuha pa niyang pagbintangan ang isang kaibigan. Pero, masisisi ba niya ang kanyang sarili? Mahal niya si Peter.
Nakuyumos ni Hilda ang kumot na kanyang inuupuan. Doon niya inilabas ang nararamdamang galit at hinagpis. Gusto niyang humagulhol upang maubos ang lahat ng kinikimkim niyang sama ng loob. Pero kung gagawin niya iyon, may garantiya bang mawawaksi ang lahat ng sakit? Na kahit anong gawin, may mga bagay talagang hindi na kayang ibalik pa ng pagsisisi.
Gaya ng buhay ni Peter.
“Pangako ko, pagbabayarin ko ang tunay na gumawa nito sa’yo, Peter. Kahit pa…kahit pa kaibigan ko siya.” Bulong ni Hilda sa sarili. Kahit kaibigan pa niya. “Oo, si Lyndon nga ang itinuturo at sinisisi nilang pumatay sa’yo, pero bakit wala akong maramdamang galit sa kanya?. Bakit hindi ako naniniwalang siya ang may kagagawan ng mga ito?”
Naramdaman niya ang isang kamay na humahaplos sa kanyang likod. Paglingon niya rito’y si Andrew. Nahanap na lang niya ang sariling humahagulhol sa dibdib nito. Nasa ganoong ayos sila nang tila nag-iba ang ihip ng hangin. Kung kanina’y diniligan niya ng luha ang mga dibdib ni Andrew, ngayo’y laway na ang pinaulan niya rito. May bahagi ng utak niyang nagsasabing mali ang kanyang ginagawa, ngunit hindi na niya nagawa pang paglabanan ang nag-iinit na mga haplos at halik sa kanya ng binata. Hanggang sa kapwa na sila mahulog sa ekstasiya ng pagniniig.
Iniwan ni Hilda ang walang saplot na si Andrew sa loob ng tent. Pagkatapos ng kanilang ‘ginawa’ ay tuluyan na itong nakatulog. Siya naman ay lalong naging balisa. Nakaramdam siya ng kirot sa kanyang pagkababae dahil sa pagpapakasasa roon ni Andrew. Napunan na nga niya ang pagnanasa para sa binata, pero parang lalo lang niyang dinagdagan ang kanyang sakit na nararamdaman, sa halip na bawasan ito. Yinakap niya ang malamig na bangkay ni Peter. “Pata…warin mo ako…Sorry, Peter…”
Nakaramdam siya ng matinding pagkauhaw. Literal na pagkauhaw. Sa dami ng mga pangyayari’y nakalimutan na pala niya ang sarili. Nakalimutan na niyang uminom man lang ng tubig. Natuyot na siya dahil sa dami ng luhang ibinuhos niya.
Bumalik siya sa tent upang maghanap ng tubig. Hinalungkat na niya ang lahat ng tupperware roon pero wala man lamang siyang nahanap na tubig. Binuksan niya ang water jug ngunit wala nang laman. Pinagbubuksan niya ang mga bag roon at napangiti siya nang may matagpuang bote sa mga gamit ni Andrew. Wala na siyang pakialam kung alak pa rin iyon basta mabawasan lang ang kanyang uhaw.
Dinampot niya ang bote at binuksan iyon. Sa isang iglap ay nilaklak niya ang laman at walang pinatawad. May mga tumapon pa nga sa kanyang suot na damit. Sa pag-inom niya noon ay parang nagliyab ang kanyang lalamunan sa sobrang init. Pakiramdam niya’y masusuka na siya dahil sa matinding hilo. Nasapo na lang niya iyon dahil biglaang umikot ang kanyang paningin. Kung hindi nga naman siya tanga at ginawa niya iyon. May kakaiba kasing sarap ang alak na iyon na ngayon lang niya natikman. Natuon ang mga mata niya sa mga letrang nakatatak sa bote.
“M-T-H-S?”
BINABASA MO ANG
Night
Mystery / Thriller(Unedited) Anim na kabataang pinagbuklod ng pagkakaibigan. Isang pagkakaibigang wawasakin ng mga nakatagong lihim. Lihim na pasisiklabin ng poot at paghihiganti. Mabubunyag sa loob ng isang gabi. Isang gabing babalutin ng misteryo, dugo, at kamataya...