“Anong sabi mo?” gumagaralgal ang tinig ni Cielo habang nakatitig kay Migz. Bakas sa mukha ng dalaga ang pagkabigla sa ipinagtapat sa kanya ni Migz at may naiwan pa roong luha na naikubli ng kadiliman. Umakyat ang dugo niya sa utak at animo’y may halimaw na kumain sa kanyang naghihingalo nang pagtitiwala.
“Patay na si Lyndon.” Binigyang diin ni Migz ang mga salitang iyon matapos nitong makalapit sa kanya. “You’re wasting all your time. Bumalik na tayo sa camp.” Marahas na ang paghablot ni Migz sa kanyang mga braso kaya’t hindi na siya nakapagtimpi pa. Hindi na nakaandam pa si Migz at sumagapak na sa kanyang pisngi ang nagliliyab na sampal ni Cielo. Sa lakas niyon ay pakiramdam ng binata ay dagliang kumawala ang kanyang kaluluwa mula sa kanyang katawan. Napansin rin niya ang panginginig ng mga palad ni Cielo dahil sa sakit.
Mahahalata sa boses ni Cielo ang paghihikbi-hikbi dahil sa pagpipigil na umiyak. Nangibabaw sa kanya ang matinding galit na hindi na napigilan pang sumabog. “Paa—no mo…paano nasasabi ang lahat ng ito ha, Migz? Bakit parang ang dali lang sa’yong tanggapin na wala na si Lyndon? ‘Di ba kanina sabi mo nagtatago si Lyndon. Tapos…tapos ngayon…” patuloy pa rin ang paggaralgal ng tinig ni Cielo at may makakapal nang luha na nagbubutil-butil sa kanya. Ngunit ikinubli niya iyon sa pamamagitan ng pagsigaw.
“Tapos ngayon, bigla mong sasabihing patay na siya! Puwede ba, Migz? Huwag mo akong gawing tanga! Hindi mo ba alam kung gaano kasakit ‘yong nararamdaman ko? Sa dami nang nangyayari ngayon, hindi ko na alam kung ano ba ‘yong totoo o hindi. Hindi ko na alam kung sino ba ang dapat kong paniwalaan at pagkatiwalaan sa mga kaibigan ko!”
Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Cielo kasabay nang paghampas niya sa dibdib ni Migz. Hindi nito pinigilan ang kanyang mga suntok bagkus ay sinalo lang niya lahat ito at sinubukan pang palubagin ang kanyang loob sa pamamagitan ng pagyakap. “Migz, huwag mo…akong gawing tanga…huwag mo akong gawing tanga…” gumagaralgal at sumisirok na ang tinig ni Cielo dahil nasasapawan na ito ng kanyang pag-iyak.
Lalong hinigpitan ni Migz ang pagkakayapos sa dalaga. Alam niyang siya ang dahilan ng pagdurusa ng dalaga, at isa siya sa dahilan kung bakit ito nasasaktan. Ngunit hindi niya puwedeng pabayaan si Cielo, dahil sa pagkakataong ito, nag-iisa na lang ang dalaga. At kailangan nito ng isang kaibigan. “Just calm down, Cielo, please…Ikukuwento ko na sa’yo ang totoong nangyari…Just calm down…”
“Anong totoo? Ibig mong sabihin may kinalaman ka talaga dito?” hihikbi-hikbi pa si Cielo ngunit matapang na muli ang kanyang boses.
“Wala akong kinalaman sa lahat ng nangyari!”pagtatanggol ni Migz sa kanyang sarili. “I admit, nagsinungaling ako sa inyong lahat for not telling the truth at pilit kong idinidiin si Lyndon. Tama ka, hindi nga si Lyndon ang pumatay kay Peter.”
“Kung gano’n sino?” mataas na naman ang boses ni Cielo na siyang ikinairita ni Migz.
“Pwede ba pakinggan mo muna ako!” suway nito. “Nakita ko si Lyndon noong umalis siya sa gitna ng party. Nagpanggap lang akong maninigarilyo pero palihim ko siyang sinundan. Pero nagulat ako sa nakita ko. Madilim sa lugar na iyon pero sigurado ako sa nakita ko. May dalang baril si Peter. Akala ko babarilin niya si Lyndon…pero hindi niya nagawa. Ang nakita ko, pinukpok niya sa ulo si Lyndon at mabilis itong bumulagta. Noong una narinig ko pang humahalakhak si Peter habang kinakaladkad niya ‘yong katawan ni Lyndon. Inihulog niya si Donz sa bangin! Tapos…maya-maya narinig ko na lang na umiiyak na siya. Natakot akong malaman ni Peter na nandoon ako at patayin rin niya ako kaya mabilis akong bumalik sa camp na parang walang nangyari. Tapos, ‘yon, maya-maya, sabay-sabay na lang nating narinig ‘yong putok ng baril.”
Pagkatapos magsalita ni Migz ay isang mapang-asar na ngiti pa ang isinukli ni Cielo. Sa kabila ng pagpapaliwanag ng binata ay nagdududa pa rin ito sa katotohanan. “Nagpapatawa ka ba talaga Migz? At nakuha mo pang magtahi-tahi ng kwento? Puwes hindi mo ako napaniwala sa kasinungalingan mo!”
Tumayo na muli si Cielo ngunit nahawakan siya nito. “Maniwala ka sa’kin, dahil ‘yon ang totoo! Nagsasabi ako nang totoo!”
“Huwag mo akong piliting paniwalain sa mga kasinungalingan mo! Tigilan mo na ako Migz puwede ba? Noong una, sinisisi mo si Lyndon na siya ang pumatay kay Peter. Tapos ngayon binaligtad mo na ang kwento? Aminin mo na ang totoong ikaw ang may pakana nito!” nasaktan si Migz sa pagtaplig sa kanyang braso. “Umalis ka na dahil hindi ako sasama sa’yo. Hahanapin ko si Lyndon dito sa gubat at sa kanya ko aalamin ang buong katotohanan!”
“Cielo, makinig ka naman sa akin, kahit minsan lang. Please? Maniwala ka naman sa akin kahit ngayon lang.” may hapdi sa sinabing iyon ni Migz. “Sana naman makuha mo rin akong paniwalaan dahil kaibigan mo rin naman ako. Hindi lang naman si Lyndon ang kaibigan mo rito. Nandito pa ako…”
Natigilan sa paghakbang si Cielo ngunit nagmatigas pa rin siya. “Sige, Migz. Sige. Sabihin mo sa akin kung saan ako magsisimulang magtiwala sa kwento mo. Alam nating lahat na bago pa man tayo magkakila-kilala, bestfriends na si Peter at Lyndon. Magkapatid na ang turingan nila. So, tell me, how could I believe you?” anas ni Cielo. “Stop this nonsense. Umalis ka na dito, iwanan mo na ako! Hahanapin ko si Lyndon at hindi mo ako mapipigilan!”
“Kung sasamahan kita sa bangkay ni Lyndon, maniniwala ka na ba sa aking patay na siya? Patay na siya…” dumagundong iyon sa buong ulirat ni Cielo. Nagpaulit-ulit iyon sa kanya hanggang sa tuluyan na siyang mamanhid sa pagkabingi. Pakiramdam niya’y may higanteng embudo na lumamon sa kanya, at hinigop nang lahat ang natitira pa niyang pag-asa. Nanghina ang mga tuhod niya kaya’t napabagsak siya sa damuhan. Nadakot at nakuyumos niya ang lupa habang dinidiligan niya iyon ng sariling luha.
Dahil sa nararamdamang awa ay hindi na rin napigilang lumuha ni Migz. Dinamayan niya si Cielo sa paghihinagpis nito sa pamamagitan ng pagbibigay-init sa yakap. Baka kahit papaano’y mabawasan niyon ang lamig na bumabalot sa buong pagkatao nito. Ngunit ikinagulat niya ang biglaang pagtulak na naman nito sa kanya. Huminto ito sa paghagulhol sa kanyang balikat at isang nanlilisik na titig na naman ang ibinato nito sa kanya.
“Ano ba talagang problema, Cielo? Hindi na kita maintindihan!” saad ni Migz na napipikon na rin sa mga ikinikilos ng kausap.
“Ikaw ang problema ko! Huwag kang umastang parang totoo kitang kaibigan. Dahil kung totoo kang kaibigan, hindi mo hahayaang mangyari ang mga ito! Dahil kung totoo kang kaibigan, pipigilan mo sana si Peter na patayin si Lyndon!”
“Dahil mahal kita!”
“Anong sabi mo?”
Itinodo ni Migz ang pagsigaw at nilamon niyon ang buong atensyon ni Cielo. “Mahal kita!”
Napatahimik si Cielo dahil sa kanyang narinig. Parang natuyot bigla ang kanyang lalamunan at naubos lahat ng kanyang boses dahil sa gulat sa ipinagtapat nito. Gusto niyang linawin ang lahat pero isang titig lamang ang naibalik niya. Hindi niya alam kung paano ba sasagutin ‘yon.
“Mahal kita, Cielo. Nagawa ko ‘yon…dahil, alam ko pag hinayaan ko siyang patayin ni Peter, mawawala na si Lyndon sa buhay nating lahat. Mawawala na siya sa buhay mo! Makakalimutan mo na siya…at…at..pag nangyari ‘yon, matutunan mo na akong mahalin. Ako na ang magugustuhan mo at hindi siya. Kaya—
Naputol ang pagsasalita ni Migz nang kumaripas ng takbo si Cielo papalayo sa kanya. Ngunit hindi ito maaari pang umalis. Dahil hindi pa niya nasasabi ang buong katotohanan.
“Cielo, bumalik ka rito!”
BINABASA MO ANG
Night
Mystery / Thriller(Unedited) Anim na kabataang pinagbuklod ng pagkakaibigan. Isang pagkakaibigang wawasakin ng mga nakatagong lihim. Lihim na pasisiklabin ng poot at paghihiganti. Mabubunyag sa loob ng isang gabi. Isang gabing babalutin ng misteryo, dugo, at kamataya...