Chapter 1

2.2K 42 0
                                    


"Magandang araw sa lahat ng ating mga pasahero."

Mula sa pagtanaw sa labas ay binalingan ni Caille ang babeng nagsalita sa sinasakyang bus nang kuhanin nito ang atensyon ng lahat.

"Ako po si Anne at ilang minuto na lang ay darating na tayo sa probinsya ng Capogian Grande. Bago iyan, may mga bagay lamang po kaming gustong ipaalam sa inyo na isa sa mga importanteng impormasyon para mas mapadali ang pananatili niyo."

Sumenyas si Anne sa dalawang kasama nitong lalaki na katulad ng uniporme nito. Kagaya nang nasa eroplano, pumunta sa gitna at pinakahuling bahagi ang mga ito na parang naghihintay ng signal.

"Inaasahan na namin na ang karamihan sa inyo ay unang beses pa lamang nakaapak dito kaya ito ang pinaka-importanteng bagay na dapat tandaan," umpisa ni Anne. "May tatlong bahagi ang Capogian Grande Province. Ang una, ang Sentro del Sol kung saan ang market at central area ng probinsya. Kapag doon ang tungo ninyo, kulay dilaw na mini bus po ang tanging sasakyan. Exclusive po ang naturang bus sa sentro at doon lamang ang biyahe buong araw at gabi. Kaya hindi kailangang mag-alala dahil may masasakyan kahit anong oras."

Gumalaw ang dalawang lalaki at nagbigay ng brochure. Makikita doon ang mga nasa Sentro del Sol na maaaring mapasyalan. May mapa rin at schedule ng biyahe ng bus sa bawat babaan.

"Ang pangalawa ay ang Norte del Sol o mas nakasanayang tawagin ng mga matatanda na Tierra Alta. Norteng bahagi po iyon ng probinsya at kapag doon naman kayo pupunta ay malaking bus na kulay green ang tanging sasakyan." Tinanggap niya ang panibagong brochure na inaabot. "At ang pangatlo at huli, ang Bajo del Sol na katimugang bahagi. Para sa mga nais mag-beach, blue na bus po ang tanging sasakyan."

Caille scanned the brochure. Pakiramdam niya ay bakasyunistang-bakasyunista ang dating niya dahil sa pasilidad ng Capogian Grande. Sa dami nang lugar na napuntahan niya sa Pilipinas, unang beses niyang naranasan ang naturang assistance na sadyang ipinatupad para sa turismo ng probinsya.

Hindi niya tuloy maiwasang mapangiti. Sa ilang taong panunungkulan, nakapagpatayo ang taong iyon ng lugar kung saan, alam niyang yayabong pa kalaunan.





"Hmmm..."

Hindi napigilan ni Caille ang mapausal nang pagkababa ng bus ay sariwang hangin ang sumalubong sa kanya. Nag-angat siya ng mukha para tingnan ang probinsyang tutunguhin niya. Napapantasyahang lumapad ang pagkakangiti niya nang mabasang nandoon na nga siya.

"Capogian Grande..." Napailing siya. Ang lakas makahatak nang kompiyansa ng naturang pangalan. "Buti at bagay sa namumuno."

Magiliw na binati ng mga nagbabantay ang mga pumasok at itinuro sa kanila kung saan pwede magtanong. Sa unahan, may mga nakaabang na bus na ayon kay Anne ay siyang sasakyan.

Tinungo ni Caille ang bus na kulay dilaw. Excited na siyang makita ang bagong itsura ng Capogian Grande. Ilang beses rin siyang nakaapak doon noon pero malayung-malayo na ang itsura ng lugar at pribadong sasakyan pa ang gamit niya. Makikita kasi ang pagdapo ng sibilisasyon na noon ay puro bundok at kakahuyan ang kaliwa't-kanan na matatanaw.

"Ma'am, Sir, welcome to Capogian Grande Province. Ang biyaheng ito ay papuntang Sentro del Sol."

Muli na naman siyang namangha. Bawat bus yata ay may tinalagang konduktor na siyang magpapaliwanag sa klase ng transportasyon. At ang mas na nakapagpa-wow sa kanya ay ang kung paano magbayad ng pamasahe. Check-in at check-out basis na e-ta-tap lang ang card sa asul na machine na nasa entrada at labasang pintuan ng bus.

The Governor's Caille  (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon