CHAPTER FOUR

515 19 6
                                    

HABANG naglalakad pabalik ng bahay nila, napapaisip si Nessie sa mga sinabi ni Mecca. Oo nga naman, hindi niya malalaman ang sagot sa mga tanong sa isip niya kung hindi siya magtatanong kay Marcio. Although, may naiisip naman siyang dahilan, ayaw rin naman niyang mag-assume lang. Mahirap na.

Nang maalala uli niya ang best friend ay bahagya siyang napatawa. Parang nakalimutan na nito ang ginagawang paghahanap ng mga damit, sa halip ay inilagay talaga siya nito sa hot seat. Kung ano-ano ang pinagtatanong nito. At siyempre, hindi nawala ang pagbibigay nito ng advice raw.

Pero nawala ang ngiti niya nang makita ang lalaking nakaupo sa sofa nila sa sala. Agad siyang nakaramdam ng pagkailang nang magtama ang mga mata nila.

Tumayo ito nang makita siya. "Hey," bati nito.

"Hey," bati rin niya. "Ano'ng ginagawa mo dito? Ahm... are you with Kuya?" tanong pa niya sa pinakaswal na tono.

"No. Actually, I'm here for you," sagot ni Marcio na nakatitig pa rin sa kanya.

"H-ha? B-bakit? Anong kailangan mo sa akin?" nauutal pang tanong niya. Lalong bumilis ang tibok ng puso niya.

Sa halip na sagutin ang tanong niya, lumapit lang ang binata sa kanya at hinawakan siya sa braso.

"Come, sumama ka sa akin," sabi nito.

"'Oy, t-teka, sandali lang. Saan ba tayo pupunta?" natatarantang tanong niya. Pero hindi na siya sinagot nito. Sa halip, pinasakay na lang siya sa sasakyan nitong hindi niya napansin nang umuwi siya galing kina Mecca.

Wala silang imikan habang nasa sasakyan. Akala nga niya ay may kalayuan ang pupuntahan nila. Pero nang mapatapat sila sa basketball court ng village, itinigil ni Marcio ang sasakyan at inalalayan siya na makababa. Nakakapagtakang walang mga kabataan na naglalaro doon nang mga sandaling iyon. Pero mabuti na rin iyon, walang maingay sa paligid.

Inalalayan siyang maupo ni Marcio sa isa sa mga benches doon pagkatapos ay saka siya tinitigan. Sa ginawa nito, nakaramdam na naman ng pagkailang si Nessie. May iba kasi sa mga titig nito ngayon dahilan para kabahan siya.

Tumikhim siya at nag-iwas ng tingin nang hindi na niya matagalan ang mga titig nito. "So, ano'ng ginagawa natin dito? Don't tell me, tuturuan mo akong mag-basketball?" Pinilit na lang niyang magbiro para mabawasan ang tensiyon na nararamdaman niya.

"No. Nec... about the other day," sabi nito. Naging pet name na nito sa kanya ang "Nec." Noong una, si Marcio nlang ang tumatawag sa kanya nang ganoon. Pero hindi nagtagal, nakigaya na rin ang pamliya at mga kaibigan niya.

Lalong bumilis ang tibok ng puso ni Nessie. This is it!

Bigla niyang naalala ang mga sinabi ni Mecca. "Kung naguguluhan ka kung bakit ba talaga niya ginawa 'yon, ask him directly."

Ito na nga ba ang tamang pagkakataon para tanungin si Marcio? Paano kung ang hindi niya inaasahang sagot ang sabihin nito? Makakaya kaya niya?

Huwag ka nang mag-isip ng kung ano-ano. Just ask him!

Mula sa pagkakatingin sa ring ng basketball, unti-unti siyang tumingin kay Marcio. Lihim pa nga siyang napalunok nang makita ang kaseryosuhan sa mukha nito.

"What about it?" tanong niya.

"Katulad ng sinabi ko, hindi ako magso-sorry na ginawa ko 'yon. Actually, matagal ko nang gustong gawin 'yon," sagot nito saka lalong lumapit sa kanya.

Napaawang ang bibig niya sa narinig. "B-bakit—"

"Bakit? Its because I love you," putol nito sa itatanong pa sana niya.

Marcio, The Marksman (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon