"ANAK, gising na. Nasa baba si Marcio at hinihintay ka." Pagkasabi niyon, naramdaman ni Nessie ang bahagyang pagyugyog sa kanya ng mommy niya.
Pero dahil antok na antok pa, sa halip na bumangon ay nagtalukbong pa ng kumot si Nessie. "Mayamaya na, Mom. Antok na antok pa ako, eh. Hayaan n'yo siyang maghintay."
Pero hindi siya pinakinggan ng kanyang mommy. Lalo pa siya nitong niyugyog para bumangon na siya. "Ano ka ba naman, Nessie! Mahiya ka naman doon sa tao. Ang aga ka na ngang pinuntahan 'tapos hindi mo pa lalabasin agad!"
Kakamot-kamot sa ulong napilitang bumangon si Nessie. "Kasi naman, Mom, wala pa ako halos tulog. May tinapos akong requirements sa isang major subject ko kaya naman antok na antok pa ako."
"Kung ganoon palang may tinapos kang project, sana sinabihan mo si Marcio. Nakakahiya doon sa tao."
"Eh, nakalimutan ko na po kasi," napangiwing sagot niya.
"Kasalanan mo 'yan. Hala, mag-ayos ka na at bumaba. 'Wag mo nang paghintayin nang matagal ang boyfriend mo," sabi pa ng mommy niya bago tuluyang lumabas ng kuwarto niya.
Gusto man niyang bumalik pa sa pagtulog ay napilitan nang mag-ayos si Nessie. Nahihiya rin naman siya kung paghihintayin niya si Marcio. Alam niyang busy din ito kaya naman hindi dapat niya sayangin ang oras at effort ng binata.
Mahigit isang taon na ang mabilis na lumipas. At sa loob ng isang taon na iyon, mas tumibay pa ang samahan nila ng binata. Fourth year college na siya at si Marcio naman ay naka-graduate na at ngayon ay player na sa PBA.
Sobrang proud siya sa nakukuhang tagumpay ngayon ni Marcio. Nang ma-draft ito sa PBA, nagpakitang gilas agad ang binata kaya naman nakuhaw nito ang award na Rookie of the Year at kasama pa sa mythical five. Hindi maikakaila na isa na agad ito sa mga magagaling na players ng bansa.
Kasabay nang pagpasok ni Marcio sa PBA ay ang pagkuha naman sa Kuya Olsen niya para maging head coach ng isang team sa PBA. Nakitaan kasi ang kapatid niya ng galing sa pag-handle ng team sa SJA. Suwerte naman na iisang team lang ang napuntahan ng dalawa kaya naman todo ang pagsuporta ni Nessie sa mga ito.
Hindi naman nagkulang si Marcio sa pagpaparamdam ng pagmamahal sa kanya. Kahit pa matagumpay na professional basketball player na ang binata, lagi pa rin itong may oras para sa kanya. Kilala na rin siya ng karamihan bilang romance writer at bilang girlfriend ni Marcio. Pero as much as possible, pinapanatili nila ang privacy sa relasyon nila.
Halos hindi na rin niya namalayan ang mabilis na paglipas ng mga araw dahil sa dami ng ginagawa. At parang hindi pa rin siya makapaniwala na dalawang buwan na lang at ga-graduate na siya ng Journalism.
Napapangiti pa si Nessie bago nagdesisyong lumabas ng kuwarto. Pagbaba niya, sinalubong siya ng nakangiting mukha ni Marcio.
God! Bakit ba tuwing makikita niya ang binata ay mas gumuguwapo ito sa paningin niya? He was so perfect in her eyes.
"Hey! Good morning. Naistorbo ko yata ang tulog mo," bati ni Marcio bago humalik sa pisngi niya.
"'Morning. Nah, its okay. Pasensiya na rin at pinaghintay kita," sagot niya.
"Huwag na kaya muna tayong lumabas? Bumawi ka na muna ng tulog. Sabi ni Tita may tinapos ka raw na requirements sa school," sabi nito.
Gusto sana ni Nessie ang idea na iyon pero agad rin siyang tumanggi. Nagi-guilty na rin kasi siya dahil laging siya ang dahilan kung bakit hindi sila natutuloy sa mga lakad nila. Lagi na lang si Marcio ang nag-a-adjust para sa kanila to think na busy rin ito.
BINABASA MO ANG
Marcio, The Marksman (Completed)
RomantizmStory between a basketball player and a romance novelist. Ex-lovers na pinagtagpo uli nang panahon. Mabalik pa kaya ang dati nilang magandang samahan? Find out here.