"HOY, BABAE, totoo bang masama ang pakiramdam mo kahapon? Ang intense ng laro kagabi, sayang hindi mo napanood," sabi ni Celestine. Saglit itong tumigil sa pagsusulat at tumingin sa kanya bago muling ibinalik ang pansin sa papel na nasa harap nito. May ilan kasing eksena sa collaboration series nila ang kailangan nito kaya nandoon ito sa kanila ngayon.
"H-huh? A-ah, oo. Nakakainis nga, eh, kung kailan umpisa na ang laro nila saka naman ako n-nagkasakit," nauutal niyang sagot.
Nang mabanggit ng kaibigan ang naging laro kagabi, naalala na naman niya ang naging pag-uusap nila ni Micha. Nahirapan siyang makatulog dahil sa pag-iisip sa huling sinabi ng babae. Gulong-gulo na ang isip niya sa mga bagay-bagay. Hindi niya tuloy napigilan ang mapabuntong-hininga.
Tuluyan nang tumigil sa pagsusulat si Celestine. Naniningkit ang mga matang tumingin uli ito sa kanya. "Okay ka na ba? Uminom ka na ba uli ng gamot? Dapat, mapanood mo na talaga ang laro mamayang gabi," sabi nito. "At kapag sinabi kong dapat, sisiguruhin ko talaga na makakapanood ka na para naman ma-inspire si Marcio."
Lalo naman siyang natigilan nang marinig ang pangalang iyon. Hanggang ngayon kasi, hindi pa niya naikukuwento kay Celestine ang naging pag-uusap nila ni Marcio. Para namang oblivious sa reaksiyon niya ang kaibigan dahil patuloy lang ito sa pagkukuwento.
"Alam mo bang ang daming sablay na tira ni Marcio kagabi? 'Tapos, panay ang tingin niya sa puwesto namin. Feeling ko nga, hinahanap ka n'on, eh. At nang 'di ka makita, pumangit na ang laro. 'Buti na lang at panalo pa rin sila kagabi."
Handa na sanang ikuwento ni Nessie ang napag-usapan nila ni Marcio nang may biglang sumingit sa pag-uusap nila ni Celestine.
"Babe!"
Sabay silang napatingin ng kaibigan sa pinanggalingan ng boses. At parehas din silang nagulat nang makita si Kiel na may dalang bulaklak at paper bag.
"B-babe!" sabi niya. Hindi pa man siya nakakakilos ay mabilis na itong nakalapit sa kanya at niyakap siyang mahigpit. Wala naman siyang nagawa kundi ang gumanti ng yakap dito.
"I miss you, babe," sabi pa ni Kiel nang umalis ito sa pagkakayakap sa kanya. Tumingin ito kay Celestine at bumati. "Hi, Tin."
"H-hello, Kiel. Nakauwi ka na pala. Walang nababanggit si Nessie sa akin," sagot ni Celestine bago makahulugang tumingin sa kanya.
Lalong lumapad ang ngiti ni Kiel. "Well, hindi rin alam ni Nessie na nandito na ako. Ang sabi ko, bukas pa ang flight namin. Actually, kauuwi lang namin ngayon at dito na ako dumeretso galing sa airport. Sobra ko kasing na-miss si Nessie. Besides, gusto ko rin siyang i-surprise." sabi nito.
"For sure, na-surprise mo talaga itong kaibigan ko," makahulugan pa ring sabi ni Celestine. Palihim tuloy niya itong pinandilatan.
Pinilit niyang mag-relax at huwag ipahalata kay Kiel ang tensiyon na nararamdaman dahil sa pagbalik nito. Nagawa naman niyang pakalmahin ang sarili. Mabuti na lang at nakahalata na rin yata si Celestine kaya nakisama naman ito. Pagkatapos ibigay ni Kiel ang pasalubong nitong flowers and chocolates ay nagkuwento na ito tungkol sa naging bakasyon nito sa ibang bansa. Paminsan-minsan ay sumasali sa pag-uusap nila si Celestine na noon ay nagsusulat pa rin.
"Oo nga pala, Tin... Abay ka sa kasal namin, ah," masayang sabi ni Kiel.
Gulat na napatigil sa ginagawa si Celestine saka tumingin kay Kiel pagkatapos ay sa kanya. "K-kasal?" tanong nito.
"Yes," ngiting-ngiti pa ring sabi ni Kiel. Bumaling naman ito sa kanya at nagtanong. "Okay lang naman siguro na sabihin na natin sa kaibigan mo, 'di ba?" nakangiting tanong nito pagkatapos ay tumingin na uli kay Celestine.
BINABASA MO ANG
Marcio, The Marksman (Completed)
RomanceStory between a basketball player and a romance novelist. Ex-lovers na pinagtagpo uli nang panahon. Mabalik pa kaya ang dati nilang magandang samahan? Find out here.