CHAPTER FOURTEEN

434 21 10
                                    

"KUNG kailangan mo talagang pumunta sa ganitong lugar, bakit hindi ka magsama ng kakilala? Alam kong isa sa mga gusto mong gawin ay ang magpunta ng bar at pumarty mag-isa, pero ngayon mo ba talaga kailangang gawin 'yon?"

Mula sa iniinom na margarita ay nag-angat ng tingin si Nessie nang marinig ang boses na iyon. Kahit pa kilalang-kilala na niya kung sino iyon, bahagya pa rin siyang nagulat nang makita sa harap niya si Marcio.

"What are you doing here?" tanong niya sa walang emosyon na tono.

"May nakapagsabi sa akin na nandito ka raw at nagpapalunod sa alak. At parang tama nga siya," naniningkit ang mga matang sagot nito.

"Wow! Parang napapadalas ang tsika ng kung sinumang 'yan sa 'yo tungkol sa akin, ah," sarkastikong sabi niya. "Ano pa ang sinabi sa 'yo? Ayos ding magbalita, ah." Nakita pa niya ang pagkunot ng noo ni Marcio.

"May problema ba?" tanong nito sa tonong kababakasan ng pag-aalala.

Nag-iwas ng tingin dito si Nessie saka blangko ang tonong sumagot. "Wala. At kung sakaling meron man, its none of your business." Pagkatapos ay inubos niya ang laman ng hawak na baso.

Narinig niya ang walang buhay na pagtawa ng binata. "Wow, ang sakit naman n'on. Akala ko ba okay na tayo?" sabi nito.

"Oo nga, okay naman," hindi pa rin tumitinging sagot ni Nessie.

"'Yon naman pala, eh. So, anong problema?" parang naguguluhan talagang tanong uli nito.

Hindi siya sumagot. Itinuon niya ang mga mata sa basong hawak pa rin kahit wala ng laman. Mayamaya pa, naramdaman niyang hinawakan ni Marcio ang braso niya at pilit siyang pinaharap. Nang magtama ang mga mata nila, nakita niya ang confusion sa mukha nito. Nahihirapan man siyang makita iyon, kailangan niyang tiisin.

Hinawakan nito ang mukha niya at hindi hinihiwalayan ang tingin niya na nagtanong uli. "Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano ang problema."

"Gusto mo talagang malaman?" malamig ang tonong tanong din niya.

Kahit medyo kinakabahan, pilit na pinatatag ni Nessie ang boses. Hindi dapat mahalata ni Marcio na magkasalungat ang talagang nararamdaman sa ikinikilos niya.

"Ikaw. Ikaw ang problema ko," dagdag niya pagkatapos ay tinanggal ang mga kamay nito sa mukha niya, pero deretso pa rin ang tingin niya sa binata. "O, ngayong alam mo na, puwede bang layuan mo na ako?"

Bumalatay ang kung anong hindi niya maipaliwanag na emosyon sa mukha ni Marcio. "Bakit? Anong problema sa akin?" tanong nito.

Mabuti na lang at may kalakasan ang tugtog sa bar na iyon at busy sa pagsasaya ang mga tao kaya hindi masyadong pansin ang tensiyong namamagitan sa kanila ng binata. Ipinagpapasalamat din ni Nessie na nananatiling kalmado si Marcio nang mga oras na iyon.

"Ikaw ang problema ko dahil masyado ka nang makulit! Ipinipilit mo na maibalik pa rin tayo sa dati, pero hindi na mangyayari pa 'yon. Engaged na ako, 'di ba?" sabi niya.

Sarkastikong tawa ang ibinigay ni Marcio sa kanya. "Alam ko. Alam na alam ko na engaged ka na. Paulit-ulit ko pa ngang sinasabi na gagawin ko ang lahat para maibalik sa akin ang pagmamahal mo at hindi na matuloy ang kasal mo sa iba, hindi ba? Noong una, sa totoo lang, parang gusto ko ng sumuko na lang. Pero noong mga nakalipas na araw na magkasama tayo, nakikita at nararamdaman ko na mahalaga pa rin ako sa 'yo kahit na parang napipilitan ka lang noong una na sumama sa akin. And heck, we even kissed! Ayokong mag-assume na mahal mo pa rin ako, pero ramdam ko 'yon. Ramdam ko sa mga halik mo nang gabing 'yon! So bakit ngayon, biglang ganito na ang pakitungo mo sa akin? Para bang inis na inis ka na hindi ko naman nakita noong mga nakaraang araw?"

Marcio, The Marksman (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon