Chapter 1: Si Andy Madrid, Isang Private Investigator

5.8K 306 7
                                    

(I)

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

(I)

Napapaligiran ng malalagong mga halaman at puno ang lumang kumbento na gawa sa bato at kahoy. Gumapang na sa pader paakyat ng bubungang yero ang mga dahon. Masuwerte raw ang halamang Galamay-Amo sabi ng nakararami kung kaya't iyon ang tinanim ng mga madre simula pa noong itinayo ang Our Lady of Carmel Convent na ito sa Tarlac noong dekada Kuwarenta.

Tahimik ang kapaligiran. May kakaibang kapayapaang nananalaytay.

Sa kalsada sa labas ng kumbento, nakaparada ang isang Nissan pick-up truck. Nakataas ang hood nito, bukas ang takip ng radiator, at nilalagyan ng tubig mula sa plastik na basyo ng softdrinks ng isang may edarang lalaki. Nasa kanyang late 50s, suot ay leather jacket, maong at rubber shoes. Manipis na ang buhok sa tuktok, may kahabaan sa bandang tenga at likod, at halos puti na lahat. May edad man ay brusko pa ang kanyang pangangatawan, malalaki ang balbon niyang mga bisig, at may katapangan ang maguhit niyang mukha. Ang dating niya'y para bang iyong mga bida o kontrabida ng pinilakang-tabing noong panahon pa nina FPJ at Erap.

Nguni't malayo ang larangan niya sa mga nabanggit.

Si Andy Madrid ay isang Private Investigator. P.I. for short. Private detektib. Tiktik o batyaw naman mula sa mga beterano't nakatatanda. Old school, may reputasyon siya bilang isa sa mga matinik sa kanyang larangan. Matapang at madiskarte, bagama't kilala rin siya na gumagamit ng ibang pamamaraan, unorthodox methods kung tawagin.

If the end justifies the means, kanyang dahilan, para makamit ang kanyang layunin.

Mataas ang sikat ng araw. May banayad na ihip ng hangin. Nang mapuno ng tubig ang radiator ay inubos ni Andy ang laman ng basyo sa pagbuhos ng tubig sa kabuuan ng radiator.

Katabi niya ang dalawang mga madre—mga bata pa, mga mukhang kapapasok pa lamang sa bokasyon. Balot sila ng puti mula ulo hanggang paa at pinapanood si Andy na may pagkamangha at kuryosidad. Mga abito'y nagniningning sa sinag ng araw.

"Kailangan n'yo pa po ng tubig?" tanong ng isang madre.

Nagpunas ng pawis si Andy gamit ang Good Morning towel.

"Hindi na, iha...ah sister," sagot niya. "Okay na ito. Palalamigin ko na lang muna ang makina."

"Malayo pa ang lalakbayin n'yo, manong. Magpahinga muna kayo," alok ng pangalawang madre. "Halika po sa loob."

Manong. Hindi magandang pakinggan, muni ni Andy.

Napatingin si Andy sa kumbento. Tama naman ang mga madre. Malayo pa nga ang lalakbayin niya, at iyon ay pabalik na ng Maynila kung saan siya galing. Ang hindi niya ipinaalam sa dalawang mga madre ay ang kumbento talaga ang sinadya niya. At kunwari'y nag-overheat ang kanyang pick-up para makagawa siya ng paraan para makapasok sa loob. At ito nga, dinalhan pa siya ng tubig ng mababait na mga madre kahit na hindi naman talaga nago-overheat ang kanyang sasakyan. Ni wala ngang kausok-usok ang bukas na radiator. Pero, ano bang alam ng mga madre na ito? sa lublob niya.

Ang Bayang NaglahoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon