Chapter 2: Maverick P.I.

4.6K 277 5
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Ang tanawin sa Roxas Boulevard ay ang karaniwang traffic sa umaga. Ingay ng busina ay almusal. Mga taong nagkakandarapa sa pagmamadali para hindi ma-late sa trabaho. Mga bumababa at sumasakay sa kotse, taxi, grab, jeepney at bus. Tanawin sa Manila Bay nama'y mga nagjo-jogging at mga taong pinapasyal ang kanilang aso, at pasimpleng pinadudumi ang mga ito sa damuhan. Dati rati'y nagkalat ang cigarette vendors hawak kanilang mga takatak. Ngayon ay napalitan na sila ng mga nagtitinda ng cellphone charger, plastic para sa lisensya, bob heads na aso, feather duster, at kung anu-anong mga abubot-kotse.

Isang lumang office building. Bumukas ang elevator sa 9th floor at lumabas si Andy. Suot ng P.I. ang paboritong leather jacket, pero ngayon ay may bitbit siyang itim na leather briefcase. Pumasok siya sa opisina na may sign sa labas na:

Maverick Private Investigators.

9:45 AM ang sabi sa wall clock. Pagpasok ni Andy ay dinig niya agad ang kakaibang takatak—at ito'y ang keyboard ng computer ni Marissa, ang 40-something niyang sekretarya. Isang matandang dalaga. Hindi sa siya'y pihikan, malas lang talaga sa lovelife.

"Good morning, boss Andy," bati ni Marissa.

"Good morning, Marissa."

Mula sa maliit na pantry ng opisina ay sumilip si Vic, ang 30-something na messenger at over-all errand boy.

"Good morning, boss!" masigasig niyang bati.

"Good morning, Vic."

Katamtamang laki ang opisina. Isang malaking open area kung saan sa magkabilang sulok ay may cubicle para kay Andy at ang partner niyang si Tony. Sa gitna ay ang mesa ni Marissa. Siksikan ang mga kagamitan sa loob tulad ng filing cabinets, book cases, desktop computers, telepono, TV, at radyo.

"Wala pa si Tony?" tanong ni Andy habang nilapag ang kanyang briefcase sa taas ng kanyang office desk.

"Wala pa, boss," sagot ni Marissa.

Naupo si Andy at chineck ang kanyang desk calendar.

"May mga tawag ba habang wala ako?"

Isinuot ni Marissa ang kanyang antipara at binasa ang nakasulat sa kanyang steno notebook.

"Tatlo," balita ni Marissa. "Si Mrs. Pacheco, follow-up sa kaso niya. Mrs. Solis, follow-up din, at isang Colonel Greg Laxamana."

Napasandal at napaisip si Andy nang marinig iyon. Laxamana, kanyang ulit. Pamilyar kasi ang pangalan. Lumapit si Vic dala ang tasa ng kape sa platito. Typical na sidekick si Vic, maitim, payat, at may nakatutuwang ekspresyon sa mukha, hindi tulad ni Marissa na may taray ang kilay at matalas kung makatingin.

"Kape n'yo, boss."

"Salamat, Vic."

"Nag-iwan ng numero. Return call daw," basa pa ni Marissa sa kanyang steno.

Ang Bayang NaglahoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon