Chapter 12: Silang mga Espiritu sa Simbahan

3.1K 231 16
                                    

(I)

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

(I)

Usap-usapan pa rin ng mga sundalo ang tungkol sa nakita ni Private Torres na multo sa may gate ng headquarters. Isang matandang lalaki na nakapamburol na aniya, bigla na lamang naglaho sa kanyang harapan. Dahil doon, babalik sina Andy sa simbahan kung saan naman, ayon kay Jang-Mi, ay may naramdaman siyang mga spirits. Nahaharap sila ngayon sa panibagong kababalaghang may kinalaman sa paranormal—na maaaring may presence ng mga multo sa bayan ng Callejon, nguni't anong koneksyon nito sa mga aliens? Determinado si Colonel Laxamana na makakuha ng mga kasagutan.

Nagpalipas muna ng oras si Andy sa loob ng War Room at binalikan ang mga dokumento na nasiyasat na niya, naghahanap ng mga bagong clue, ng mga detalye na maaari niyang na-miss. Sa loob ng War Room ay abala pa ang ibang miyembro ng task force. Tumakbo ang oras. At nang dumapo ang alas-onse kuwarenta ng gabi, nakaramdam ng pagod si Andy, napasandal sa kanyang upuan, napapikit, at nakatulog.

At siya'y nanaginip.

Panaginip ng matagal na taon nang lumipas.

1979, sa Callejon. Sa tahanan ni Andy at ng kanyang ama't ina. Isang simpleng, katam-tamang laki na bahay. Simentadong pader na hindi pinturado. Barnisadong mga furnitures. Karaniwang mga gamit na plastic. Tulad ng karamihan sa Callejon, ang kabuhayan ng ama't ina ni Andy ay nasa pagbubukid.

At sa kanyang panaginip, si Andy ay 17 years old pa lamang at tinutulungan ang kanyang ina sa paghahain sa hapag-kainan.

"Anak, tawagin mo na ang tatay mo, kakain na," utos ng ina ni Andy.

"Opo, 'Nay."

Nagtungo sa likurang bakuran si Andy kung saan ang tanawin ay malawak na palayan. Pasado alas-otso ng gabi at madilim na ang paligid, bukod sa liwanag ng buwan na tumatama sa bukid, ang mga bundok ay mga anino na lamang sa kalayuan. Alam ni Andy kung saan hahanapin ang ama. Ugali nitong magtungo sa likod ng bahay tuwing sasapit ang gabi.

"Tay!" tawag ni Andy.

Kita ni Andy ang ama na nakatayo roon sa may bukid lampas ng malaking puno ng mangga.

"Tay, kakain na daw po..." pagtawag muli ni Andy.

Nguni't hindi siya sinagot ng ama.

Naglakad si Andy papalapit sa kanyang ama na ang suot ay ang paborito nitong checkered na polo, ang pang-ibaba ay maong. Nakatalikod ito sa kanya, at napansin ni Andy, ay nakatingala ito sa kalangitan.

Ang malawak na kalangitan ay napupuno ng mga bituin. Maging si Andy ay saglit na napatingala at namangha, pagka't 'di tulad ng ibang gabi, may kakaibang kislap ang mga bituin na kanyang nakikita. Tinawag niyang muli ang ama nguni't ito'y nanatiling parang poste na hindi natitinag. Nakatutok pa rin sa kalangitan.

"Nakahain na po, 'tay, tawag na kayo ni 'nay," sabi ni Andy.

Nang hindi pa rin sumagot ang ama'y hinawakan siya ni Andy sa balikat, at tumayo sa gilid nito, at nagulat si Andy na makitang tila nagsasalita ang kanyang ama. Bukas-sara ang bibig nito at may sinasabi sa wikang hindi niya naiintindihan. Wari ni Andy, ay parang may kausap ang kanyang ama. Walang kurap. Parang kinakausap ang mga bituin.

Ang Bayang NaglahoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon