(I)
Ng gabing iyon, ay hindi gaanong nakatulog si Andy. Alas-dos na ng madaling araw bago siya dinapuan ng antok. Mula nang mapanaginipan niya ang kanyang yumaong ina ay nanatili lamang siyang nakahiga sa kama at nakatitig sa kisame.
O napanaginipan nga ba niya talaga?
Napaka-vivid kasi ng kanyang panaginip. Parang tutoo. At hindi pa rin maalis sa isipan niya ang nakitang hitsura ng kanyang ina. Ang madumi nitong kasuotan. Mga kuko't daliri at paa na puro putik. Na tila ba siya'y gumapang sa lupa.
Pero ang mas iniisip ni Andy ay ang mensahe ng yumaong magulang. Paparating na sila! Sino ang paparating na?
Hindi superstitious na tao si Andy. Hindi siya relihiyoso, kung siya man ay may relihiyon. Anong iyong sinabi niya sa dalawang mga madre sa kumbento? Ang tanging pinaniniwalaan niya'y iyong nakikita niya. Bigyan mo ako ng proof, at saka ako maniniwala, ang palagi niyang argumento. Bata pa lang si Andy ay magulo at malaro na ang kaniyang isipan. Marami siyang mga katanungan. Saan ba tayo galing? Sino ba talagang may likha ng lahat? Bakit ba tayo naririto? Mga tanong na hindi sa libro niya hinahanapan ng kasagutan. May mga nakita at naranasan na siyang hindi pangkaraniwan, at hindi siya nakukuntento sa paliwanag ng nakararami. Tulad na lamang ng panaginip niya ng kanyang ina.
Sabihin na nating may multo. Pero, ang tanong pa rin niya ay bakit?
Sa labas, tumagal ang ulan hanggang alas-tres ng umaga, at nang sumikat na ang araw ay iniwan nitong basa ang lupa.
Umaga. Nagising si Andy sa paulit-ulit na doorbell.
Sa sala na siya madalas matulog, malambot naman ang sofa. Hindi na niya makayang matulog sa kuwarto pagka't may pakiramdam iyon ng pagkaulila. Inabot niyang relo na nasa side table at tinignan ang oras. Pasado alas-sais. Wala namang sinabi si Colonel Laxamana na tiyak na oras sa umaga na siya ay susunduin. Pero, bilang militar, ay inaasahan niyang mas maaga pa nga.
Dahan-dahan siyang bumangon at nakaramdam ng pananakit sa kanyang likuran gawa ng kanyang edad. Nakapambahay pa siya nang buksan niya ang pintuan at nakitang mayroong unipormadong sundalo sa labas.
"Good morning, sir, akong sundo niyo," magalang na sabi ng lalaki. "Lieutenant Danny Esguerra."
Mapungay pa'ng mata ni Andy lalo na't nasilaw sa sumalubong na araw.
"Pasok ka muna, magbibihis lang ako," alok ni Andy.
"Antayin ko na lang kayo sa sasakyan, sir," sabi ng tinyente.
Sa harapan ng bahay, nakaparada sa unahan ng pick-up truck ni Andy ang itim na Toyota Revo na heavily tinted, pero dahil sa liwanag ng araw, aninag n'ya na may mga nakasakay sa loob.
May commanding presence ang 30-something na si Lieutenant Esguerra. Maayos ang hitsura, magalang, pero may tapang at kasiguraduhan sa pananalita na alam mong hindi mo dapat abusuhin ang kabaitan niya. At sa tono ng boses niya'y alam mo ring final na iyon at hindi ka na dapat humirit pa, kung kaya't napatango na lamang si Andy.
BINABASA MO ANG
Ang Bayang Naglaho
ParanormalSa isang hindi maipaliwanag na pangyayari, ang mahigit limang daang mamamayan ng maliit na bayan sa Quezon Province ay naglaho na parang bula. Isang Private Investigator ang ni-recruit ng military upang imbestigahan ang pangyayaring ito, sa tulong n...