Nakakainis. Hindi ko na naman mapigilan ang mga luha ko sa pagpatak. Ayan at unti-unti na silang dumadaloy sa aking mga pisngi.
Sa tuwing manonood ako ng makabagbag-damdaming telenobela o pelikula, ganito ang nangyayari sa 'kin.
Lalo na yung mga temang pag-ibig, maging ito man ay pag-ibig ng dalawang magkasintahan o pag-ibig ng isang tao sa kanyang alagang hayop- walang pinagkaiba yan sa aking emosyon.
Isama mo pa ang pag-ibig ng magulang sa kanyang anak, ang pag-iibigan ng mga magkakaibigan, at ang pag-ibig ng isa sa kanyang bayan.
Nakakatawa. Kilala ako ng marami bilang masungit at isnaberang babae. Naninigaw pag galit at matapang kapag naninindigan. Nakakatawang isipin na sa kabila ng pagkakakilala sa akin ng iba'y hindi nila nalalamang mababaw rin pala ang luha ko.
Di ko tuloy maiwasang alalahanin yung nabasa ko sa dyaryo kamakailan lamang. Ang nalalapit na pagtatapos ng mahigit limang buwan na giyera sa Marawi.
Maraming ari-arian ang nasira. Maraming buhay ang kinitil. At maraming pangarap ang naglaho.
Nakakakilabot ang bawat sulok ng naturang bayan. Laganap ang karimlan saan ka man sumulyap. Tadtad ng bala ang bawat tahanan, patunay kung anong klaseng hirap at krisis ang pinagdaanan nito sa kuko ng ASIS at ng militar.
Batid kong hindi lamang ilang beses lumuha ang mga sanggol at bata sa mga evacuation centers. Maaaring palihim din ang naging pagluha ng mga magulang- sa pag-iisip kung ano pang buhay ang nakalaan sa kanila sa hinaharap.
Na isip ko tuloy, ano ba talaga ang pinaglalaban nila? Inapakan ba ang kanilang karapatan at dignidad at gumanti sila sa napakarahas na paraan?
Hindi nila alintana ang pader na kanilang binabangga at administrasyong kanilang tinutuligsa. Ito ba'y kahanga-hanga?
Marahil ay hindi ko magagawang sagutin ang tanong ko kung napapaiyak rin ba ang mga taong ito ng mga makabagbag-damdaming programa tulad ko. Na kung ang luha ba nila ay kasimbabaw ng sa akin.
Lumuluha rin kaya sila?
![](https://img.wattpad.com/cover/124537430-288-k486957.jpg)
BINABASA MO ANG
DYURASIK
AléatoireSamu't saring ideyas, komento at opinyon ukol sa mga pangyayari sa paligid na humulagpos sa pamamagitan ng isang masining na komposisyon.