REVENGE TWO

2.8K 143 7
                                    

     "Brix!" malakas na pagtawag ni Krishna sa kaniyang kaibigan ngunit kahit na ano pang sigaw ang gawin niya ay tila ba walang naririnig ito. Bumilis ang bawat hakbang ng mapuputing biyas ni Krishna dahil naisip niya na baka sa paraang iyon ay maabutan niya ang kaibigan.

     "Pasensiya na, Brix," halos pabulong na sabi ni Krishna sa kaibigang salubong ang dalawang kilay. Nakakuyom ang mga palad nito dahil sa pagkasuya sa inasal ng kaibigang si Krishna.

     Hindi na natiis pa ni Brix ang kaibigan kaya ito'y nagsimulang magsalita. "Sumama ka roon sa Christian mo," masungit na sambit nito.

     "Bakit ka ba ganyan?" nagtatakang tanong ni Krishna. Bakas sa mukha nito ang hirap sa pagsubaybay sa kaniyang kaibigan dahil makikitang mas mahaba ang mga binti nito kumpara sa kaniyang maiksing biyas.

     "Sandali nga, Brix," untag ni Krishna kasabay ng pwersahang paghinto ni Brix mula sa paglalakad dahil sa mahigpit na pagkapit ng kaibigan nito sa kaniyang braso.

     "Kausapin mo naman ako," pakiusap ni Krishna. Hindi magtagpo ang mga mata ng magkaibigan dahil pilit na iniiwas ni Brix ang kaniyang paningin sa mga mata ni Krishna na punong-puno ng katanungan.

     "Bakit ba kasi lubusan kang nahuhumaling diyan sa Christian na yan? E, sasaktan ka lang niyan!" pigil ang bawat pagbanggit ni Brix ng bawat salitang kaniyang sasabihin ngunit bawat diin at bigat niyon ay talagang dama ni Krishna.

     "Hindi mo pa siya kilala, Brix. Saka kaibigan kita! Dapat sinusuportahan mo ako," sambit ni Krishna. Nagsisimula nang magtubig ang tila ba bulsa sa kaniyang mga mata dahil sa kaninang sinabi ng kaibigan nitong si Brix.

     "Sa tingin mo ba, kilala mo na siya? Ni hindi mo pa nga siya nakakausap ng harap-harapan. Baka nga hindi pa nagawang dumapo ng mga paningin niya sa iyo, tapos kung makapagsalita ka ay parang talagang kilala mo na siya," tugon ni Brix sa kaibigan na siyang tuluyang nagtulak sa mga luha nito palabas sa kaniyang mga mata.

     Doon na nagsimulang umiyak si Krishna. Bawat wika ni Brix ay talagang tagos at nagpapabigat sa kaniyang damdamin. Hindi nito mabatid kung bakit ganoon ang kinikilos ng kaniyang kaibigan.

     "Pasensiya na kung ganoon ako kung magsalita, Brix," iyon ang huling pangungusap na binitawan ni Krishna bago ito tumakbo patungo sa kasilyas ng paaralan at doon inilabas lahat ng mga luha dulot ng sama ng loob.

     Wala siyang pakialam kung pagtinginan o husgahan siya ng mga babaeng naroon sa loob ng palikuran. Nais lamang nitong ituon ang kaniyang atensiyon sa sarili. Binuksan niya ang kulay-kapeng pintuan ng isa sa mga cubicle roon at tuluyan itong pinasok.

     Nang maupo siya sa inidoro ay hinilamusan niya ang kaniyang mukha gamit ang sarili niyang mga palad at dumeretso ito patungo sa anit.

     Hindi na nagtagal pa roon si Krishna nang marinig niya ang malakas na pagtunog ng batingaw sa kanilang paaralan. Hudyat iyon na kailangan nang bumalik ang lahat ng estudyante sa kani-kanilang mga silid upang simulan ang mga susunod na asignatura.

     Kapansin-pansin ang pagiging balisa ni Krishna sa loob ng silid-aralan. Hindi niya maiwasang paulit-ulit na isipin ang mga pangyayaring naganap kanina sa pagitan nilang dalawa ni Brix.

     Wari ba ay naging bingi na ang magkabilaan niyang tainga dahil hindi na nito marinig ang mga sinasabi ng kanilang guro sa pilipino na nasa harapan. Tanging mga sinasabi lamang ng kaniyang isipan ang naririnig niya at wala ng iba.

     Habang matamlay na naglalakad palabas ng school si Krishna ay kaniyang nakita ang kaibigang si Brix na mag-isang naglalakad. Gusto man niyang sabayan ito ngunit hindi niya magawa dahil maaaring naroon pa rin ang inis na naramdaman ng kaibigang lalaki.

PRETTY REVENGETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon