Nasa loob ng kantina si Brix nang marinig niya ang biglaang pagtunog ng batingaw ng kanilang paaralan. Nasilayan nito ang kaibigang si Krishna na nagpaalam kay Christian bago ito kumaripas ng takbo palabas ng kantina.Napanguso ang binatang si Brix dahil sa nakita. Sandali niyang inayos ang sarili bago lumakad palabas ng kantina at tumungo pabalik sa kanilang silid.
Sa gitna ng kaniyang paglalakad ay may bigla na lamang isang pamilyar na boses ang nahagip ng kaniyang tainga. Dahil sa kuryusidad ay mabilis niyang pinuntahan ang lugar kung saan nanggagaling ang tinig at doon nakita ang isang babaeng halos tumiklop na dahil sa mga kaharap na estudyanteng may kaangasan.
"Si Krishna..." pabulong nitong sambit nang makita ang kaniyang kaibigang si Krishna. Nakakuyom ang mga palad nitong pinagmamasdan at pinakikinggan ang boses ng kaibigang halata ang pagkatakot at kaba.
Nanatili lamang na nakatayo si Brix kasama ang ilang mga estudyante habang pinanonood sina Krishna at Kianna na nagbabatuhan ng kani-kanilang mga salita.
Ililigtas ko ba siya?
Napaisip si Brix kung ano ba ang dapat niyang gawin. Naroon pa rin sa kaniya ang pagka-inis sa kaibigan ngunit kakayanin ba niyang tiisin ang kaibigang nasa gitna ng kapahamakan.
Sige na nga.
Napabuga ng hangin si Brix nang mabuo ang kaniyang desisyon na iligtas si Krishna kahit pa alam niya sa kaniyang sarili na hindi niya ibig makita o mapansin ng maraming estudyante.
Tumikom ang mga mata ni Brix at nang sandali niya itong ibuka ay kaagad siyang humakbang upang pumaroon sa kinaroroonan ng kaibigan ngunit hindi niya inaasahan ang nakita. Napahinto sa paglalakad si Brix habang pinagmamasdan si Christian na dahan-dahang itinatayo si Krishna mula sa pagkakalapag.
Humigpit ang pagkakakuyom ng dalawang palad ni Brix na naglantad sa iilang ugat nito sa kamay. Hindi niya maatim na patuloy pang panoorin ang kaniyang kaibigan kasama ang hinahangaan nitong si Christian kaya agad siyang tumalikod at nilisan ang lugar na iyon.
Mabilis niyang tinungo ang nag-iisang lugar sa kanilang paaralan na hindi masyadong pinupuntahan ng mga estudyante. Lugar na lingid sa kaalaman ng maraming mag-aaral. Ito ay ang lumang gusali sa kanilang eskuwelahan na halos pamahayan na ng mga alikabok at mga ligaw na halaman dahil sa matagal na itong nakatayo at hindi ginagamit.
Siya ay pumunta sa ilalim ng nag-iisang puno roon at kaniya itong ginawadan ng isang malakas na suntok. Dahil sa sobrang pagkagalit ay hindi lang isang beses niya itong sinuntok kundi marami pang pagkakataon.
Batid niya na naguguluhan ang kaniyang kaibigang si Krishna kung bakit ganoon na lamang ang kaniyang reaksiyon at ginagawa. Kung bakit palagi na lamang niya kinukontra si Krishna pagdating kay Christian. Ngunit, kahilingan ni Brix na sana ay magkaroon ng kamalayan ang kaibigan sa nararamdaman niyang pag-ibig dito.
Hindi yung tipong pagmamahal bilang kaibigan kundi pagmamahal na hinaluan ng pagiging makasarili. Ayaw ni Brix na may kausap at kasamang ibang lalaki si Krishna. Gusto niya na siya ang laging dahilan ng pagngiti at pagtawa ni Krishna dahil sa tuwing ito ay masaya ay parang ganoon na rin ang nararamdaman niya.
Oras na ng uwian ng makita niya si Krishna na balisang naglalakad, marahil ay dahil ito sa nangyari kanina. Nakita ni Brix ang ginawang paglapit ni Christian sa kaniyang kaibigan. Kitang-kita ng kaniyang dalawang mata ang biglaang paglitaw ng malawak na mga ngiti nito. Katulad nga ng kaniyang sinabi, masaya siya kapag masaya si Krishna pero sa kabila niyon ay lubusan siyang nasasaktan dahil hindi siya ang lalaking dahilan ng kasiyahan nito.

BINABASA MO ANG
PRETTY REVENGE
Romance[COMPLETED-EDITING] NAGMAHAL. NASAKTAN. NAGHIGANTI Sa maraming tao na nagmamahal sa mundo ay siguro'y may nasaktan na rin dahil sa pag-ibig at dadaan sa proseso ng paglimot upang mawala ang sakit na iniwan ng mga lalaking mapaglaro at mapanakit pagd...