"Magandang umaga po, Kuya Jim," isang pagbati kalakip ang isang matamis na mga ngiti ang iginawad ni Krishna sa kanilang drayber na si Jim. Bitbit niya ang isang puting supot at iyon ay naglalaman ng mga proyektong ipinagawa sa kaniya ni Chris, na lubos niyang pinagpaguran at binuhusan ng labis-labis na pagsisikap.Nang magsimulang paandarin ang makina ng kanilang kotse ay napapangiti na lamang si Krishna habang pinagmamasdan ang puting supot na iyon. Siya ay nasasabik sa magiging reaksyon ni Chris sa sandaling makita nito ang mga proyektong ipinagawa.
Hangad ni Krishna na mapasaya ang nobyo sa unang pagkakataon bilang isang magkarelasyon kaya nang huminto ang kanilang kotse sa prontera ng kanilang paaralan ay kaagad na lumabas si Krishna upang pasukin na ang kanilang eskuwelahan.
Naghahari sa kaniyang mukha ang hindi matatawarang mga ngiti sa kaniyang labi dahil sa kasiyahan at pananabik. Naging malikot ang mga mata ni Krishna habang nilalandas ang daan patungo sa hindi malamang lugar. Sinisikap niyang makita ang nobyo mula sa napakaraming studyante sa kaniyang paligid.
Patuloy na naglakad si Krishna ngunit sa pagkakataong ito ay kaniyang tinatahak ang daan patungo sa kanilang gymnasium dahil malaki ang posibilidad na naroon si Chris.
Si Chris ay isa sa mga varsity player sa isport na basketball sa kanilang paaralan at simula sa araw na ito, sila ay araw-araw nang mag-eensayo para sa nalalapit na laro nila laban sa iba't ibang paaralan.
"Chris!" pagtawag ni Krishna kay Chris na naging sanhi upang siya ay lingunin nito. Kapuna-puna ang mga iilang pawis na makikita sa kaniyang mukha habang siya ay lumalapit kay Krishna dulot ng labis na pagsasanay. Maging ang kaniyang suot na jersey ay basa na rin ng kaniyang pawis at ito ay naging dahilan upang bahagyang lumitaw ang magandang hugis ng katawan ni Chris.
Natural na para sa isang manlalaro ang pagkaroon ng abdominal muscles na siyang nagiging pangunahing atraksiyon ng mga kababaihan.
"Kamusta, Natapos mo ba lahat?" kaagad na tanong ni Chris nang makalapit ito sa kinaroroonan ni Krishna.
"Oo naman. Ito, o," tugon ni Krishna at saka bahagyang itinaas ang supot na dala.
Agad itong iniabot sa kaniya ni Krishna at nang makuha ni Chris ang puting supot na iyon ay agad niya itong inusisa at siniguro kung ito ba ay talagang maayos na natapos ni Krishna.
"Salamat, Krish," pasasalamat ni Chris.
Nasilayan ni Krishna kung paano lumitaw ang isang ngiti sa labi ni Chris habang ito'y nananatili pa ring nakayuko. Tila ba lahat ng pagod na kaniyang naramdaman noong isang gabi ay malakas na tinangay ng isang marahas na hangin, para bang naglaho na lamang ito bigla sa pamamagitan ng isang ngiti mula sa pinakamamahal niyang nobyo na si Chris.
"Sige na. Pupunta na ako sa room namin," untag ni Krishna bago siya magsimulang humakbang palabas ng gymnasium.
"Sandali lang," sambit ni Chris at saka ipinagkaloob sa nobya ang isang halik na pumanaog sa noo nito at mahigpit na yakap dahilan para maramdaman ni Krishna ang namamasang katawan ni Chris.
Nang sila ay magbukod, mabilis nang naglakad si Krishna patungo sa kanilang silid-aralan habang si Chris ay bumalik na at muli nang nakisama sa kapwa niya manlalaro.
Habang si Krishna ay naglalakad papalapit sa kanilang silid, kaniyang nadidinig ang tinig ng kanilang guro galing doon. Nagsimulang kabahan si Krishna dahil ito ay nagbigay na ng babala na kapag siya ay muling nahuli sa klase, magkakaroon siya ng karampatang imposisyon.
Ngunit kahit na ganoon ay lakas loob parin na hinarap ni Krishna ang kaba na kaniyang nadarama. Dahan-dahan siyang sumilip sa nakabukas na pinto at doon ay kaniyang nasilayan ang gurong nagsisimula nang magbitiw ng mga salita sa harapan.

BINABASA MO ANG
PRETTY REVENGE
Romance[COMPLETED-EDITING] NAGMAHAL. NASAKTAN. NAGHIGANTI Sa maraming tao na nagmamahal sa mundo ay siguro'y may nasaktan na rin dahil sa pag-ibig at dadaan sa proseso ng paglimot upang mawala ang sakit na iniwan ng mga lalaking mapaglaro at mapanakit pagd...