Dahil sa labis na pagkalumbay ni Krishna ay hindi niya napansin ang pagtulo ng mga luha mula sa kaniyang nagtutubig na mga mata dulot nang nabasang mensahe galing sa lumisang kaibigan na si Brix. Agad na humakbang ang kaniyang dalawang paa palabas ng kaniyang kwarto't sunod na tinawag ang kanilang drayber na pikit ang mga matang naka-upo sa isang upuang gawa sa plastik.
"Kuya Jim..." Isang tapik sa braso ang ginawa ni Krishna sa kaharap na lalaking may katandaan; iyon ang kanilang drayber.
Bahagya munang kinusot ni Jim ang kamumulat palang nitong mga mata bago tumugon sa dalagang nasa kaniyang harapan at kaniyang napansin ang pagiging hindi nito mapakali dahil sa pabago-bago nitong puwesto. "O, Krishna. Nandiyan ka pala."
"Kuya Jim, nagmamadali po ako. Pwede niyo po ba akong ihatid sa Airport?" mabilis na pagtatanong ni Krishna kay Jim.
Base sa nabasang mensahe mula sa kaibigan ay alas otso ng gabi ang oras nang paglipad nito patungo sa bansang Espanya at ang kasalukuyang oras pa lamang ay alas syete tatlumpu't lima ng gabi. Dalawampu't limang minuto na lamang ang nalalabing oras bago lumipad ang eroplano na sasakyan ng kaibigan niyang si Brix.
"Maaari niyo po bang bilisan, kuya Jim?" suhestiyon ni Krishna habang pasulyap-sulyap sa kaniyang telepono upang malaman ang oras dahil sa pagkakataong ito ay importante sa kaniya ang bawat pagdaragdag ng segundo at minuto. Nais niyang maabutan si Brix, nais niyang pasiyahin ang kaibigan at pawiin ang naging tampuhan nilang dalawa bago ito umalis.
Kung saan-saang daan na ang binagtas at siningit ng kanilang kotse para lamang mapabilis ang kanilang pagpunta sa nasabing aiport.
Umupo ng ayos si Krishna at sandaling pinatahan ang sarili mula sa pagiging irita. Hindi siya makakapayag na hindi niya man lamang maka-usap si Brix kahit na kaunti. Hindi man niya mapipigilan ito sa pag-alis, basta't makausap lamang niya ito ay makakapagpakalma na ng kaniyang kalooban.
Nang tumigil ang sinasakyang kotse ay agad na lumabas si Krishna rito at patakbong pinasok ang Airport. Hindi nito alintana ang nasa paligid at tanging ang kaibigan lamang nito ang kaniyang nasa isipan. Sinubukan niyang lumingon-lingon sa paligid ngunit hindi niya pa rin maaninag si Brix kaya kaagad niyang tinungo ang boarding area dahil siguradong naroon ang kaniyang kaibigan.
Nagsisimula nang muling magtubig ang kaniyang mga mata. Nakarating na siya sa boarding area ngunit walang Brix ang nasilayan ng kaniyang paningin. Napayuko na lamang si Krishna dulot ng kalungkutan at doon pinahid ang mga luha.
Kaniyang nadama ang panghihina ng kaniyang tuhod. At sa isang sandali siya'y napaupo dahil sa dinadalang umaalab na pighati sa kaniyang puso. Ang kaniyang mga mata ay binalot ng mga luhang puno ng kalumbayan at pagsisisi, pilit na iniinda ang sakit na nadarama. Nangangatal ang kaniyang mga daliri at maging ang kaniyang mga mata ay namumula na't unti-unti nang namamaga dulot ng labis na pag-iyak.
"Krishna..." Isang may kalalimang boses ang narinig ni Krishna mula sa kaniyang tabi at iyon ay talagang pamilyar sa kaniyang pandinig.
Biglang napamulat ang namamasang mga mata ni Krishna at mabilis itong gumapang patungo sa kinaroroonan ng lalaking nasa kaniyang tabi. Tikom ang labi nitong pinagmasdan ang kaibigang hawak ang isang bote ng tubig.
"Brix..." kaniyang pagtukoy sa kaibigan.
Sumipot ang isang matamis na ngiti sa labi ni Krishna nang tuluyang maaninag ang imahe ni Brix. Dagli siyang tumayo at ginawadan ang kaibigan ng isang mahigpit na yakap. Kasing-higpit ng paninikip ng kaniyang puso kanina lamang.
Ang mga luha na ngayo'y tumatahak sa namumulang pisngi ni Krishna ay ang resulta ng kagalakang nararamdaman niya nang makita ang kaibigang ngayon ay gulat pa rin sa kaniyang pagdating.

BINABASA MO ANG
PRETTY REVENGE
Любовные романы[COMPLETED-EDITING] NAGMAHAL. NASAKTAN. NAGHIGANTI Sa maraming tao na nagmamahal sa mundo ay siguro'y may nasaktan na rin dahil sa pag-ibig at dadaan sa proseso ng paglimot upang mawala ang sakit na iniwan ng mga lalaking mapaglaro at mapanakit pagd...