NBH

11 0 0
                                    

Ngiti sa Bawat Hapdi

Sigaw dito, sigaw doon. Tila walang katapusan, paulit-ulit na umiikot sa aking isipan. 'Yan na naman sila, ang laging ganap dito sa bahay. Palaging nagtatalo ang aking mga magulang dahil sa pera na 'yan. Bakit ba nabuo pa ang pera kung ang dulot naman nito ay ang pagkawatak ng aming pamilya? Bumalik tayo, dahil nga ang ingay ng paligid, lumabas ako ng aming tahanan, nagpahangin at nagmasid-masid. Sa daan ay nakita ko ang isa sa aking mga kaklase. Siya ang pinakanakakainis sa lahat, si Farrah. Naiinis ako sa kanya hindi dahil masama siya. Naiinis ako dahil naiinggit ako sa kanya. Naiinggit ako kung paano siya ngumiti, ngumiti na para bang walang problemang dinadala. Kahit na ang lahat ng nasa paligid ay kabaliktaran ng bawat ngiti niya.

Napansin niya ako, itinaas niya ang kanyang kanang kamay at iwinagayway ito. Kaya tumalikod ako at naglakad na para bang walang nangyari. Sa pagtalikod ko ay sumigaw siya ng napakalakas, "Hoy, Trista! Hindi namamansin ah!"

Naglakad ako ng mas mabilis para hindi niya ako maabutan. Nagulat nalang ako ng may malamig na kamay ang dumapo sa aking balikat. "Hoy, grabe ka! Hindi mo talaga ako papansinin." Sabi niya habang hinahabol ang kanyang hininga dahil sa paghabol sa akin.

"Huwag ka kasing papansin." Sabi ko sa kanya.

Nginitian niya ulit ako na siya na namang ikinainis ko. "Huwag ka ngang ngumiti, naaalibadbaran ako sa ngipin mo."

Tinakpan niya agad ang kanyang bunganga at sabay sabing, "Hala, may tinga ba? Kakatapos ko lang kasi kumain ng mais." Umiling ako. "Uto-uto ka talaga kahit kailan." Sabay naglakad ulit ako.

"Oy, ito na ata ang pinakamabahang usapan natin 'no? Hindi ka kasi namamansin, tsaka lagi kang nakabusangot. Feeling mo naman pasan-pasan mo ang mundo." Sabi niya.

"Paano kung pasan-pasan ko nga ha? Ano bang pakialam mo?"

Napansin niyang seryoso ako kaya ngumiti na naman siya. "Nagbibiro lang ako! Relax lang! Maaga kang ma-tetegi niyan kasi lagi kang seryoso. Subukan mong ngumiti katulad ko." Tumigil siya sa harap ko, ngumiti ng napakalaki habang tinataas-baba ang kilay niya. Sa unang pagkakataon ay hindi ako nainis sa ngiti niya kundi ikinatawa ko. "Tigilan mo nga 'yan, kitang kita ko na 'yung gilagid mo pati na 'yung buhok mo sa ilong."

Ngumiti pa siya lalo. "Ayos lang, sa wakas, nakita din kitang tumawa! Mas lalo tuloy akong sumaya na akong ang dahilan ng pagtawa mo." Sabi niya at nagpatuloy kami sa paglalakad. Hanggang sa hindi ko namalayan na nasa harapan na pala ako ng aming bahay.

"Bakit andito ka pa?" Tanong ko kay Farrah dahil medyo gabi na din at delikado para sa isang babaeng katulad niya.

"Sinamahan lang kita pauwi sa bahay niyo para sigurado, baka mamaya kasi tumalon ka nalang bigla sa bangin dahil sa sobrang lalim ng pinag-iisip mo." Sabay tawa niya. Napatawa din ako sa sinabi niya. Dahil sa unang pagkakataon ay nakarinig ako ng pag-aalala galing sa isang tao kahit na hindi pa niya ako lubos na kilala.

"Para kang sira, umalis ka na nga." Tumalikod na ako. "Sunduin kita bukas ha! Para sabay tayo." Nagsalubong ang dalawang kilay ko sa narinig ko at napalingon ako. "Ha? Bakit? E hindi nga kita kaibigan tapos susunduin mo pa ako?"

Ngumiti siya at lumapit sa akin. Inabot niya ang kanang kamay niya sabay sabing, "Hello, ako si Farrah. Anong pangalan mo?" Nakatingin lang ako sa kanya habang naguguluhan. "Bilis! Nangangalay na 'yung kamay ko o!" Hinila niya ang aking kaliwang kamay.

"Anong pangalan mo?" Tanong niya.

"Trista?" Ani ko.

"Hello, Trista! Magkaibigan na tayo ha? Bawal tumanggi!" Sabay tawa niya. Sa pagtawa niya at natawa na din ako.

Just ReadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon