Normal lang sa bawat isa sa atin ang makaramdam ng paninibago kung may bagong lugar tayong mapupuntahan. Lahat tayo ay dumadaan sa adjustment period na kadalasan ay tumatagal ng ilang araw at kung minsan inaabot ng isang buwan o taon bago tayo maging komportable sa bagong kapaligirang ating ginagalawan. Madalas tayong namamangha kapag ang nakikita natin ay mas maganda o di kaya ay hindi maiwasang ikumpara ang mga bagay bagay mula sa kasalukuyan at sa ating pinanggalingan. Ito ay ilan lamang sa unang reaksyon na ating nararamdaman kapag tayo ay nagiging estranghero sa isang komunidad.
Sa sitwasyon ng mga kagaya kong OFW, lubhang napakalaking pagsubok ang maging dayuhan sa isang bansa na iba ang relihiyon at kultura gaya ng UAE. Dahil sa aking mga karanasan sa araw araw na pakikisalamuha sa ibat ibang nasyonalidad na may kanya kanyang personalidad, kinakailangan kong matutunan kung paano yakapin ang kanilang kultura at irespeto ang kanilang paniniwala bago ko masabi sa aking sarili na hindi ako nagkamali sa aking desisyon na lumabas ng bansa at makamit ang tagumpay sa banyagang bansang ito.Naalala ko pa noong unang tumapak ang aking mga paa sa Dubai, muling nauso sa akin ang mga katagang “First time mo?” na kung minsan ay pabiro nating sinasabi sa mga sa unang pagkakataon ay nakasubok gumawa ng isang baya. Para kasi akong ignorante noon at manghang mangha sa kanilang paliparan na kahit saan ko ibaling ang aking paningin ay mistulang may nagsasabi sa akin ng “WELCOME TO UAE”. Napaka laki at lawak ng kanilang paliparan at napakarangya ng mga pasilidad, libre ang WIFI at talagang maayos ang pagkakadisenyo ng bawat istraktura. Higit na mas advance ang teknolohiya ng kanilang immigration na ini-a-eye scan ang mga dayuhan para sa seguridad ng kanilang mamamayan. Pag labas mo ay wala kang makikitang mga fixer na nagaalok ng taxi at hindi gaya sa atin ay tatagain ka sa mahal ng singil sa pamasahe. Napaka laki ng pinagkaiba ng paliparan ng Pilipinas at ng Dubai pero sabi ko noon sa aking sarili ”Hindi bale, darating din ang panahon na mamamangha rin ako sa paliparan ng Pilipinas”.
Ito ay simula pa lang ng aking paninibago at ang mga sumunod na araw ay panibagong karanasan na kinakailangang ikayaman ng aking kaalaman tungkol sa bansang iikutan ng aking mundo sa loob ng mahabang panahon.Hindi mawawala sa ating mga Filipino ang pagkahilig sa pagkuha ng larawan. Usong uso ngayon ang tinatawag nilang “selfie” o ang pagkuha ng sariling larawan sa ibat ibang pose. At dahil bago ako sa Dubai, aaminin kong ako rin ay hindi nagpahuli sa pagkuha ng aking mga unang larawan. Nariyan ang unang pagkaing aking kinain, unang mall na napasyalan, unang larawan kasama ang kamaganak at mga taong nakikilala, unang sakay sa Metro at bus at lahat nang unang bagay na ginawa ko na sya namang iniaupload ko kaagad sa aking facebook account. First time eh....
Maswerte ako noong dumating ako dito sa Dubai dahil patapos na ang summer. Pero kahit patapos na pala ang summer ay mainit parin ang tubig na lumalabas sa gripo. Natutunan ko na magimpok ng tubig sa timba na may kalahating laman. At kapag maliligo ako ay hahaluan ko ito ng tubig galing sa gripo upang maging maligamgam dahil kung ang iimpukin ko naman ay isang buong timba magiging sobrang lamig naman nito dahil sa aircon sa bahay. Noong nagtoothbrush kasi ako mistulang humigop ako ng mainit na sabaw dahil sa tubig na umuusok usok pa. Hindi ko alam ganoon pala kainit ang tubig sa Middle East. First time eh.....
Kung baguhan ka sa isang bansa, una mong inaalam ang currency at rate ng exchange nito sa piso. Isang palatandaan na ang isang Filipino ay baguhan sa Dubai ay kung ikinoconvert pa niya sa piso ang value ng kanyang bibilhin. Maging ako ay ganoon din noong una akong ipinasyal sa mall ng aking kapatid. Lahat ng aming bilhin ay kinokonvert ko pa sa piso maging ang kinain namin sa McDonalds sabay sabing ang mahal naman. Kulang na lang ay magdala ako ng calculator para hindi mahirapan sa simpleng matematika. Pero kinalaunan nawala rin sa akin ang pagkocompute dahil unti unti binabase ko na ang bawat halaga sa kung magkano ang pera sa UAE. First time eh.....
BINABASA MO ANG
Paglalayag ni Pagibig
Short Storymga nalikom na sulating di pormal sa aking pananatili sa ibayong dagat