Ikaw Ano ang Iyong Talento?

1.1K 2 0
                                    

Bawat isa sa atin ay may natatanging talento o kakayahang nagbibigay pagkakakakilanlan sa ating personalidad. Maaaring ito ay sa larangan ng musika, literatura, sayaw, drama at kahit sa propesyon na ating pinili. Noong bata ako, pangarap ko ang maging artista pero alam ko na malabong mangyari yun dahil dito sa bansa natin hindi gaanong tinatangkilik ang may mga talento lang. Hindi sapat na magaling kang umarte o sumayaw, hindi ka papatok sa masa kung wala kang itsura kaya hanggang sa panaginip ko na lang natutupad iyon. Pangarap ko ring maging isang tanyag na mangaawit, kaso ang problema hindi naman ganoon kagandahan ang aking boses. Boses palaka ika nga ng mga mapanglait kong kaibigan (pero totoo naman). Naalala ko nga noong isang beses na narinig ako ng kaibigan ko na kumakanta, biniro nya ako na, " Bong Bong (nick name ko nung bata ako) ok lang na kumanta ka pero alamin mo naman sana ang pagkakaiba ng marunong kumanta sa naghuhumimig"  sabay tawa ng malakas. Kaya simula noon hindi na ako kumanta sa harap ng maraming tao. Pero noong tumuntong ako sa kolehiyo, doon ko nadiskubre na maari ko pa lang bigyang katuparan ang aking mga pangarap na iyon sa pamamagitan ng theater company ng unibersidad na aking pinasukan. Doon malaya kong naipapahayag ang aking talento at sa tulong na rin ng aking mga mentor at kasamahan ay nahubog ang aking personalidad. Naranasan ko ang makapagtanghal at mapalakpakan ng mga manonood at higit sa lahat ang kahit papaano ay makilala ng iilang kapwa estudyante. Noong ako ay makapagtrabaho, hindi nawala sa akin ang hilig ko sa dula. Ginamit ko ang  teatro sa peptalk upang makapagbagi ng iilang istorya na maaring kapulutang aral ng aking mga kasamahan at magamit sa araw araw na gawain sa trabaho. Tuwing may aktibidad sa aming kumpanya hindi nawawala ang aking presensya at masigasig na nakikilahok lalo pa kung ito ay programang may kinalaman sa sayaw o kahit anong klaseng pagtatanghal. Maniniwala ba kayo na noong nakapagtrabaho ako (mga 21 years old ako noon) ay at saka ko lamang nadiskubre na nakakasayaw pala ako (hip hop pa ha). Hidden talent ang tawag doon, talentong hindi ko alam at hindi rin alam ng ibang tao. Kaya simula noong una akong makasayaw ay hindi ko na pinalampas ang bawat programa na kinakailangan naming sumayaw (pero di ko na yata kayang sumayaw ngayon dahil sa taba ko..heheheh). Naaalala ko noong 2003, nagpa audition ang ABS-CBN sa mga nagnanais maging script writer at  isa ako sa libo libong pumila sa labas ng kanilang istasyon. Nagpunta ako noon hindi para maging isang script writer, ang intensyon ko ay mapilli at ng sa ganoon ay makapagtrabaho sa kanilang kumpanya. Kumbaga wala sa aking puso ang pagpunta roon, kaya marahil ay hindi ako pinalad na mapili. Hindi ko siniseryoso ang pagsusulat noon. Kahit pa ilang tula na ang aking naisulat (di ko na nga alam kung nasan yung mga tula na iyon) hindi ko pa rin binibigyang pansin ang paghawak ng papel at ballpen. Maraming istorya ang tumatakbo sa aking isipan ngunit sa tuwing ako ay magsisimulang humawak ng panulat ay hindi ko na makayang umpisahan o di kaya'y aking sisimulan pero hindi ko na magawang tapusin. Kumbaga maraming unfinished stories na naghihintay na marugtungan ng katapusan. Paminsan minsan kung wala kaming magawa sa trabaho ay ginagawan ko ng nakakatuwang istorya ang mga tao na nakapaligid sa amin. Nariyan yung bigyan ko ng karakter ang bawat isa sa amin na kunwari ay ako ang bida at syempre may kontrabida. Na kunwari ay may aksyong nagaganap, darating ang mga kalaban at hindi magpapatalo ang mga tagapagligtas. Ginagawa ko lang isang laro ang mga istorya na tumatakbo sa aking isipan. Kalimitan ay ito na ang aming libangan kung walang magawa. Subalit, makalipas ang ilang araw ng puro kalokohan ay aking naisipan na bakit di ko nga ba seryosohin ang pagsusulat. Bakit hindi ko linangin ang aking kakayahan na pagdugtung dugtungin ang bawat salita upang makabuo ng isang pangungusap, ang bawat pangungusap upang makabuo ng isang talata, ang bawat talata upang makabuo ng isang istorya na matagal ko ng gustong ilahad. Ilang linggo na ang nakakaraan ng aking isulat ang "Proud to be Filipino"  at "Bakit sila ang Pinaka Nakakainis na Tao sa Balat ng Lupa". Madaling araw ng parehas kong isinulat ang dalawang salaysay na iyon, oras kung saan tulog na ang lahat. Sinadya  kong sa ganoong oras pagdugtung dugtungin ang bawat titik upang sa ganoon ay maipost ko kaagad sa Facebook at kinaumagahan pagbukas  ng aking mga kaibigan ng kanilang account ay umaasa ako na ito ay kanilang bibigyang oras para basahin.  May ilan ng nakabasa nito at may mga nagbigay opinyon sa ideya na gusto kong iparating. Tumatak sa akin ang isang komento na sana ay dagdagan ko pa ang aking mga sinusulat dahil ito ay nagbibigay inspirasyon sa kanya upang muling magsulat. Naging hamon para sa akin ang sinabi niyang iyon at ito ang nagudyok sa akin upang isulat ang binabasa mo ngayon. Hindi na ako magdedeny, aangkinin ko na, ang pagsusulat ay aking talento. Talentong hindi pinagtuunang pansin. Marami akong sinayang na panahon upang isulat ang mga istorya na siguro ngayon ay ilang libo na ang nakabasa ngunit binaon ko lang sa limot. Nakakapanghinayang na kung kailan handa na akong sumulat ay hindi ko na maalala ang mga pangyayari na gusto kong ilahad. Pero alam kong hindi pa huli para isapuso ko ang pagsusulat at akoy nangangarap na balang araw, ako'y makakabuo ng isang istorya na mailalathala. Kahit hindi masyadong organisado ang aking sulatin hindi na ako mahihiyang sabihin na ako ang sumulat nito. Bakit nga ba ako mahihiya kung sa aking sarili alam kong ito ang aking talento. Naniniwala ako na ang ating talento ay naiimpluwensyahan ng ating mga tinitingala at ito ay nahuhubog sa ating pakikilahok sa ibat ibang gawain na maaring makapaglinang rito. Sa aking sariling opinyon,  hindi sapat ang apat na sulok ng silid aralan upang malinang ang talento ng bawat isa sa atin. Ngunit ito ay kinakailangan natin upang tayo'y bigyang gabay.  Kinakailangan ding tayo mismo ang dumiskubre at humasa sa kakayahang ipinagkaloob sa atin ng sa ganoon ay maging inspirasyon tayo sa iba. Hindi dapat tayo magpapigil sa ano mang balakid upang maipamalas ang ating talento. Dahil ang ating talento ang magbibigay karangalan sa ating pagkatao. Sa aking tingin, kung ang bawat isa sa atin ay mabibigyang pagkakataon upang maipamalas ang talento ay hindi malabong makilala ang ating bansa hindi lang sa mga negatibong bagay kundi sa mga taong nakatira dito, tayong mga Filipino. Ikaw, ano ang iyong talento?

Paglalayag ni PagibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon