Silang mga Asal Talangka

104 1 0
                                    

Aminin nating mga Filipino, marami tayong negatibong komento sa ating mga kasamahan sa trabaho na ibang lahi. Nariyan ang mababang kalidad ng kanilang trabaho, ugaling mahirap pakisamahan at isama na rin natin ang kanilang personal na pangangalaga sa kanilang pangangatawan (alam nyo na kung ano ang tinutukoy ko). Madalas rin nating ipagmalaki ang ating mga katangian bilang mga Filipino, na tayo ay masisipag, magaling makisama, masayahin, mataas ang antas ng trabaho, mapamaraan o madiskarte at halos lahat na yata ng positibong adjective ay puwede nating banggitin. Subalit, hindi natin maikakaila na tayo ay may mga kapintasan rin sa ating mga sarili at kapwa Filipino na maari nating ituring na malubhang karamdaman at mahirap hanapan ng lunas dahil ang gamot nito ay nasa ating sarili mismo. 

Ang susunod na aking sasabihin ay base sa aking obserbasyon at personal na opinyon. Hindi ko nais na batikusin ang kapwa natin na nagtataglay ng ganitong karamdaman. Ngayon, kung ikaw ay matatamaan, ako ay humihingi ng paumanhin. Layunin ko ang imulat ang kamalayan ng bawat isa hinggil sa ating nagiging paguugali sa ating organisasyong kinabibilangan at kapwa Filipino. Mula ng dumating ako dito sa UAE ay maiging pagoobserba ang aking ginagawa hindi lamang sa kapaligiran kung hindi pati na rin sa bawat tao na nagpapatakbo ng ating komunidad. Sa trabaho, sa bus at tren, sa kalsada, sa mall at mga pasyalan at kahit saan pa ako mapunta. Sobrang dami pala talaga ng ibat ibang lahi na nakikipagsapalaran dito at isa ang ating lahi sa may pinaka maraming bilang. At hindi maaalis sa aking listahan ng obserbasyon ang paguugali ng ilang Filipino. 

Una, marami sa ating mga kababayan ang tumaas ang ere o sabihin na nating YUMABANG mula ng makatungtong sa ibang bansa. Kadalasan, kapag sila ay naguusap ay pinapangalandakan kung ano ang mayroon sila, mga nabili o naipundar, anong trabaho nila, magkano ang sahod, kahit lugar na napuntahan at pati kung saan at ano ang kinain nila na may pagka eksaherada. Sa bus ko karaniwang napapansin ang ganitong eksena at napapatawa na nga lang ako dahil tama ba na pagusapan ang sahod? O di kaya ay ipangalandakan na nakakain na sila ng ganitong pagkain at ang kausap nila ay hindi pa. Madalas ko rin makita ang ganitong paguugali sa Facebook. Mga nagpapaskil ng kung anu anong larawan at ipinagmamalaki na may bago silang gadget, pagkain na kinain, damit at sapatos na nabili pero utang naman pala at halatang walang katotohanan at pagyayabang lang ang lahat. 

Ikalawa, masakit mang isipin pero numero unong TSISMOSA ang mga Filipino. Siguro mali ako, pero alam ko na may sasang ayon din sa akin. Subukan mong makipagusap sa kasamahan mo panigurado ako na may masasabi at maikukwento sila tungkol sa iba ninyong kasamahan (tayo pa naman mahilig sa segway). At kung dati mga babae lang ang binabansagang tsismosa ngayon wala na itong pinipiling kasarian. Kadalasan ay kung anu ano ang ikukwento sa usapan may masabi lang. Hindi nila namamalayan ay nakakasira na sila ng pagkatao ng kanilang kapwa. Isa ito sa dahilan kung bakit nagkakaroon ng samaan ang mga magkakasama sa trabaho. Paano ba naman kasi lahat ng kilos ng ibang tao ay binabantayan at magiging topic kinabukasan. Kawawa dito ang mga madaling magtiwala at nagbabahagi kaagad ng buhay nila sa akala nila ay kaibigan yun pala ay tinitira ma sila patalikod at ito ang ikatlo, TRAYDOR na pinsan ng mga TSISMOSA.

 Ikaapat, INGGITERA/INGGETERO na kapatid ng mga tsismosa. Ito ang isa sa dapat mong iwasan o bantayan. Pinaka matinding pinsala na maidudulot nito ay ang pagkawasak ng iyong pagkatao. Sa isang kompanya hindi mawawala ang ganitong klase ng isang tao. Sila yung mga naiinggit sa accomplishment ng iba imbes na maging masaya ay kamumuhian nila ang kasamahan na may parangal o papuri na natanggap. Hindi kuntento sa kung ano ang meron at akala siguro nila ay magaling sila sa lahat ng bagay. Dahil kadugo nya si Inggit at Traydor ay aatake sila patalikod at sisiraan ang mga walang kamalay malay makuha lamang ang atensyon ng lahat at maging sentro ng atraksyon. 

Ikalima, ang mga SAKIM, maihahalintulad natin sila sa mga hayok sa laman. Sila yung mga katrabaho mo na SABIK o gutom sa papuri. Lahat ng magagandang gawa ay aangkinin o di naman kaya ay makikisawsaw kahit wala naman silang naitulong makakuha lang ng magandang komento mula sa inyong amo. Ang masama nito, sa oras ng kagipitan ay lulusot at lulusot sila malinis lang ang pangalan kahit alam naman nilang sila ang may mali ay pilit pa ring magdedeny huwag lang mapagalitan at ang nakakatawa pa nito ay kahit huling huli na ay halata naman na nagsisinungaling.  Kung ating susumahin, maihahalintulad natin ang mga gaya nila sa mga talangka.

Hindi naman siguro bago sa inyo ang kasabihang ito. Dahil gaya ng mga talangkang inilagay sa balde, ay naguunahan silang makaakyat sa itaas upang makawala ngunit walang nagtatagumpay dahil sila sila ay naghihilahan pababa. Hindi ko alam bakit kailangang magyabang sa kung ano ang mayroon  tayo. Siguro nga nature na nating mga tao ang paguugaling ito upang hindi mapahiya. Pero sabi nga ng Boss ko dati sa Pilipinas, kung gaano ka kataas ngayon ay sya ring dapat mong maging mapagkumbaba. At sa tingin ko ay tama naman siya, dahil iyon ang kanyang sikreto kung bakit sya naging matagumpay sa kanyang propesyon. 

Hindi ko rin maintindihan kung bakit kailangan pang gumamit ng ibang tao upang maging sikat o mapansin ng iba. Kung ating itsitsismis ang ibang tao, nagkakaroon ng negatibong impresyon ang ating mga kaibigan at kakilala na ganoon ang iyong paguugali. Ang resulta, hindi ka nila magagawang pagkatiwalaan ng kahit anong maliit na bagay tungkol sa kanilang buhay at ang kalalabasan ay paplastikin ka na lang ng iyong mga kaibigan at katrabaho para lang hindi kayo magkasamaan ng loob at marahil sasama lang ang iyong loob pag nalaman mong pinaplastik ka lang nila. Dahil nga akala mo ay tama ang iyong ginagawa ay kikitid ang iyong pang unawa at ikaw na mismo ang lalayo at iiwas sa kanila hanggang sa mawalan ka ng kaibigan. Masarap kaya sa pakiramdam na pagkatiwalaan ka ng ibang tao tungkol sa kanilang buhay at mga sikreto. 

 At bakit may mga tao na hindi nakukuntento sa kung anong mayroon sila sa kanilang estado. Bakit hindi nila magawang maging masaya para sa accomplishment ng kanilang kapwa. Dahil ba sa paghahangad ng papuri at mataas na posisyon ay ipapahamak natin ang iba. Aanhin mo ang lahat ng iyon kung nakasagasa ka naman ng ibang tao. Sabi nga sa kanta ni Miley Cyrus "It's the Climb". Masarap maabot ang ating tagumpay kung alam nating pinaghirapan natin ito. Ayun siguro ang puwede mong ipagmalaki sa lahat dahil wala kang inargrabyado. Kaysa naman sa umangat kaya nga pero alam naman ng lahat na nag "cheat" ka, hindi patas ang laban kung ganoon. Ang lahat ng bagay ay nangyayari sa tamang panahon. Luma na itong kasabihan pero sasabihin ko ulit, "kung para sa iyo, para sa iyo". Kung hindi man mangyari agad agad ay maghintay ka lang. Kung sa tingin mong hindi ka nakikita o hindi nila napapansin na magaling ka o capable sa isang posisyon, ako na ang nagsasabi sayo makikita at makikita ka rin nila. Matuto lang tayong maghintay, marahil hindi pa sapat ang iyong ginagawa ibig sabihin kaunting effort pa. Hindi mo namamalayan may growth na nangyayari sayo, hindi lang sa propesyonal na aspeto kung hindi pati sa iyong personal na pagkatao.   Gaya ng ginagawa sa mga talangka, pag sila ay nahuli tinatalian sila lalo na ang kanilang sipit/panipit (di ko alam tawag sa parte ng katawan nila na iyon) upang hindi na makasakit. Gugustuhin mo bang ganito rin ang maging self defense ng mga taong iyong sinasagasaan?

Paglalayag ni PagibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon