Unang araw ng Abril at dahil day off ko kinabukasan, pagkatapos ng trabaho ay nagkita kami ng aking kaibigan sa isang mall upang kahit paano ay magkaroon ng oras sa isa't isa. Pasado alas diyes ng kami ay maghiwalay at mapagpasyahang umuwi sa kani kaniyang tirahan. Dahil sa Al Nahda 1 (boundary ng Sharja at Dubai) pa ako umuuwi Metro at Bus ang aking sinasakyan upang makatipid. Pagkababa ng Metro ay halos 30 minuto ang aking hinintay bago makasakay sa feeder bus papuntang Al Nahda. Maya maya ay isa isang nagtaka ang mga pasahero kung bakit pagka lagpas sa opisina ng Ministry of Labor ay hindi lumiko pakaliwa ang bus at ito ay dirediretsong tinahak ang Doha Road. Hanggang sa isang babaeng kabayan ang naglakas loob magtanong sa driver, "Friend why you did not turn left after the signal? Aren't you going to stop at NMC Hospital?" na siya namang mabilis na sinagot ng Indianong drayber, "We are following new route for this bus starting today. We will no longer pass by to Amman St and Al Nahda 2." na siya namang ikinagulat ng pasaherong ang destinasyon ay sa binanggit na lugar ng drayber. Dahil dito lahat kaming papunta ng Al Nahda ay nagbabaan sa sumunod na bus stop at kani kaniyang isip kung paano makakauwi sa mabilis na paraan.Nakita ko na ang susunod na kalsada ay ang Amman St at maari kong lakarin ngunit may kalayuan nga lang. Hindi pa ako nakakalayo sa bus ay napansin ko ang isang babae na mukhang problemado at halatang di malaman ang gagawin dahil panay ang kamot sa ulo. Nilapitan ko sya at sinubukang kausapin, "Kabayan, nagbago na pala ng ruta ano hindi man lang natin alam."Sinagot naman niya ako ngunit halata pa ring nagiisip ng malalim, "Oo nga eh, ang layo pa naman nito sa NMC."sabay kamot sa ulo na may pagka yamot. "Ah eh...pagpinasok ko naman siguro ang kalsadang ito tagos din naman siguro sa NMC di ba?" tanong niya sa akin. "Hindi ko kasi kabisado sa kalsadang iyan, kung gusto mo dun ka sa Amman St dumaan diretso lang yun tapos makikita mo na ang NMC o kaya ayun oh, F8 na bus pwede kang sumakay diyan tapos hihinto yan malapit sa NMC." pagpapaliwanag ko sa kanya. "Ah, hindi, lalakarin ko na lang wala na kasing laman ang bus card ko eksakto lang pauwi." medyo may hiya sa kanyang tono ang sagot niya sa akin. "Gusto mo sabay ka na lang sa akin kasi doon din naman ang daan ko?"alok ko sa kanya. "Ah sige pero maglalakad ka lang ha wala na kasi akong pamasahe eh" sagot niyang medyo nakampante na sa akin.Tumawid kami sa kabilang kalsada pero halata pa rin sa kanya ang pagiisip dahil may kalayuan naman talaga ang kanyang patutunguhan kaya naman tinanong ko ulit siya,"Sigurado ka ba na lalakarin mo lang hanggang sa inyo? Masyado kasing malayo yung uuwian mo mula dito",napatingin siya sa akin sabay sabing, "Wala na kasing laman ang card ko, ayos lang naman sa akin kung maglalakad ako pauwi. Kung alam ko lang na nagiba sila ng ruta di sana hindi na ako naghintay sa bus na yun, naglakad na lang sana talaga ako" paninisi niyang sagot sa akin. Napaisip ako kung paano ko siya matutulungan dahil kahit ako alam ko na kawawa siya kung maglalakad lang siya at isa pa gabi na ng mga sandaling iyon. "Ah alam ko na! Akin na yung bus card mo?", sabay lapad ng aking kamay sa kanya. "Bakit anong gagawin mo?"halatang may pagdududa sa kanyang tono at itsura."Basta akin na yung card mo", nagaalinlangan man ay ibinigay din niya sa akin ang hinihingi ko sa kanya. Pagka abot niya sa akin ay kinuha ko naman sa aking clutch bag ang isa pang bus card na hiniram ko sa aking kapatid at mabuti na lamang ay naloadan ko ng kaunti bago ako sumakay sa metro kanina. "Oh ito, palit tayo ng card, tapos doon sa bus stop na madadaanan natin dumadaan doon ang F22 at 13D pwede kang sumakay doon." alok ko sa kanya at nahihiya niyang tinanggap."Naku! Sigurado ka ba? Nakakahiya naman sayo. Teka magkano ba laman nitong card mo?" mga tanong niya sa akin na sinagot ko ng pabiro, "Huwag ka magaalala maihahatid ka ng laman niyan sa bahay ninyo," sabay ngiti ko sa kanya. "Hindi nakakahiya lang pera mo kasi yung niload mo dito at baka kailanganin mo pa ito", mga salitang alam kong nagmula sa isang taong labis labis ang pasasalamat sa kabila ng hiyang nararamdaman."Ok lang yan, kaya nga kinuha ko itong card mo para may kapalit iyang card na ibinigay ko sayo", sagot ko sa kanya upang mapawi ang kanyang pagka hiya. "Salamat talaga ha.." sabay ngiti sa akin at nadama ko na napalagay ang loob niya sa akin.Habang binabaybay namin ang kalsada patungo sa susunod na bus stop ay sinubukan kong ibahin ang aming usapan. Nagsimula akong magtanong tungkol sa kanya. Rubielyn ang kanyang pangalan, nagtatrabaho bilang office girl sa isang bangko malapit sa Mamzar Park at sa likod ng NMC Hospital ang building kung saan siya nakatira. Laking Aklan si Rubielyn at laking gulat at tuwa niya ng malaman na doon din ang aming probinsya pero doon lang ako pinanganak at hindi na muling nakabalik hanggang sa napadpad ako dito sa UAE. Galing siya ng Marina Mall ng araw na iyon upang ipasabay sa kanyang kakilalang uuwi sa Pilipinas ang kaunting bagay para sa kanyang pamilya. Nagtanong din siya ng kaunting detalye tungkol sa akin, saan ako nakatira, ano ang trabaho, ilang taon na sa UAE at iba pang bagay na karaniwang itinatanong ng dalawang tao na sa unang pagkakataon lang nagkakilala.Narating namin ang bus stop kung saan sya maaring makasakay patungo sa kanyang destinasyon. Nagpasalamat siya sa akin dahil sa card na ipinalit ko sa kanyang bus card. "Fil sige na salamat ha, hihintayin ko na lang yung bus number na sinabi mo sa akin",pagpapaalam niya sa akin. "Ano ka ba? Ako ang nagdala sayo dito kaya samahan na lang kita maghintay at malapit na lang naman yung bahay namin dito", sabay turo sa building kung saan ako tumutuloy. Halata kasi sa kanya na hindi niya alam kung nasaan kami nakapalagayan ko man siya ng loob ay kinakabanahan naman siya dahil first time niyang mapadpad sa lugar na aming kinatatayuan. "Basta para sure ka pang apat na bus stop yun na yung NMC", pagpapaalala ko sa kanya. At maya maya ay dumating na ang bus. Nagpaalam kami sa isa't isa na may kasamang pagkaway ng mga kamay. Pero natawa ako sa kanya dahil para makasigurado ay nagtanong pa siya sa drayber ng bus kung talagang hihinto nga sa kanyang bababaan ang bus na kanyang sinakyan at saka naghanap ng bakanteng upuan.Nagpatuloy na ako sa aking paglalakad, at muling nagbalik tanaw ang aking mga nagawa ng gabing iyon. Ang sarap talaga sa pakiramdam ang makatulong sa iyong kapwa lalo na sa ating kababayan. Higit na mas malaking karangalan para sa akin ang mabigyan ng pagtitiwala ng isang estranghero na hindi naman lubos na kilala ang aking pagkatao. Kahit na ang card na ibinigay ko sa kanya ay hindi naman talaga sa akin at hiniram ko lang naman sa aking kapatid, alam kong ang pagtulong na iyon ay magmamarka sa aming isipan na sa oras ng kagipitan kapwa Filipino mo pa rin ang isa sa higit na makakatulong sa iyo. Kahit pa sabihin nating hindi dapat tayo basta basta magtiwala sa ating kapwa kahit sa ating mga kabayan dahil kung minsan sila pa ang magbibigay kapahamakan at mangaabuso, may iilan pa rin naman sa atin ang may magandang intensyon at hangarin. Mga kababayan nating handang iabot ang kanilang mga kamay sa mga taong nangangailangan ng tulong ng walang hinihintay na kapalit maliit man o malaki ang kanilang nagawa. Mga Filipinong nagpapakita ng kabayanihan sa kanilang munting paraan. Hindi na ako mahihiyang ipagmalaki ang ginawa kong ito, dahil hindi lang naman ito repleksiyon ng aking pagkatao kung hindi pati na rin ng mga taong nagmulat sa akin ng kabutihang asal. Kaya nga kung may magpapakita sa atin ng kabutihang loob isa dapat sa ating pasalamatan ay ang mga taong naghubog sa kanilang pagkatao, ang ating mga MAGULANG.
BINABASA MO ANG
Paglalayag ni Pagibig
Historia Cortamga nalikom na sulating di pormal sa aking pananatili sa ibayong dagat