Isang spirit medium ang papa ko.
Ano nga ba ang spirit medium?
Ewan. Hindi din ako masyadong sigurado sa totoo lang basta sila yung tipong nakakakita o nakakaramdam o nakakapag communicate sa mga spirits.
I'm not really sure of the details pero nagsimula iyon sa papa ko nung bata pa ako at hindi ko alam kung ilang taon man ako noon.
Basta ang kwento sa akin ay na-stroke ang papa ko at matagal din siyang walang malay pero nung nagkamalay na siya ay may mga kung anu-ano na siyang nakikita o nararamdamaman.
At lalo pa itong lumalala nung may nakilala siyang isang kaibigan na nagturo sa kanya ng pagtatawas.
Iyon bang ginagamit nila ang kandila na tutunawin sa kutsara at saka ibubuhos sa tubig upang bumuo ng imahe na titignan nila kung anong nangyare sa isang tao at papaano niya nakuha ang sakit na iyon.
Minsan ay gumagamit din siya ng dahon ng saging na nilagyan ng langis at ipapahid sa taong may sakit o nabalian ng buto o kung anuman at kapag hindi dadaan ng deretso ang dahon ng saging na may langis sa pinahirang parte ng katawan mo ay ibig sabihin ay may bali ka.
Hindi ko din alam kung papaano talaga ang proseso niyon pero nakikita ko lang na ginagawa ni papa.
Minsan, dahil sa kakaibang nararamdaman o nakikita ni papa ay parang nakakahiya na din siyang isama sa ibang bahay dahil bigla bigla nalang niyang sasabihin na may namatay na bata doon dati o may pinatay sa lugar na iyon o may nakikita siya sa lugar na iyon.
Noong una ay hindi kami naniniwala sa kanya.
Pinagtatawanan lang namin kapag may sinasabi siya o may ginagawa siya na hindi namin maintindihan.
Hanggang sa andami dami naman ng tao na dumadayo sa bahay namin.
Galing pa sila sa mga malalayong baryo para lamang magpatingin kay Papa.
Naniniwala sila na napapagaling sila ni Papa.
May mga bata na dinadala upang ipahilot at ganoon din ang mga matatanda.
May mga kung anu-anong sakit at ang iba naman ay nakulam daw.
Hindi nila kailangang magbayad basta kailangan ay may ibigay lang daw sila na kahit na anong kapalit upang ang sakit nila ay hindi daw mabaling kay papa.
May mga magbibigay ng bigas, gulay at kung anu-ano pa.
Naaalala ko na may isang magandang babae na tiga baryo malayo sa amin ang pumunta sa bahay at nagulat ako ng makita siya na halos hindi ko na makilala dahil sa sobrang laki ng pagbabago sa itsura nito.
Tumubo ang kung anu-ano sa mukha ng babae na nagpapangit sa kanya.
Alam kong maganda ang babaeng iyon dati dahil kapag dumadaan sa may kanto ay tumitingin lahat sa kanya kasi sadyang maganda siya ngunit parang ibang babae ang nakita ko ng araw na iyon.
Pagkakita sa kanya ni papa ay hindi ito umimik ngunit ng hawakan niya yung babae ay bigla nalang nagalit si papa.
"May lalake na galit na galit sa iyo dahil niloko mo siya!! Sa sobrang galit niya sayo ipinakulam ka niya!"
Natatandaan kong galit na galit na sabi ni papa dito habang umiiyak ang babae.
Titignan ni papa ang palad nito at iihipan ganon din ang noo niya, pupunta sa kwarto at magdadasal sa altar niya, babalik na may dalang langis o kung anu pa, didikitan ng medalyon ang babae, iihipan at dadasalan ulit.
Hindi ko maintindihan pero pagkatapos ng mga ginawa ni papa ay umuwi ang babae na sobra ang pasasalamat at nakita ko nalang muli na bumalik na ang dating itsura nito na maputi at makinis ang magandang mukha.
Dumating ang araw na ako naman ang nakaranas na magkasakit.
Hindi nila maintindihan dahil hindi bumababa ang lagnat ko kahit nakailang inom na ako ng gamot at pahid ng bimpo ay hindi talaga nababawasan ang lagnat ko.
Hanggang sa lumapit sa akin si papa at kinuha ang kamay ko.
Ibinuka niya ang mga palad ko at nagulat.
Hindi ko alam basta hindi daw pantay yung dalawang daliri ko sa kamay at malay ko ba kung ano yun.
Nagdasal ulit siya sa altar niya, kukunin ang kamay ko at ididikit sa medalyon at sasakit dahil para akong napapaso sa medalyon na hawak niya tsaka ako iihipan.
Kumuha ng kandila at tinunaw.
Itinapat ang nabuo at tinunaw na kandila sa ilaw at saka nagalit sa akin.
"Pumunta kayo sa may ilog malapit sa isang malaking puno ng kahoy!"
"Nagsunog kayo doon at nagalit ang nilalang na nakatira doon! Anong ginagawa niyo doon?!" galit na galit na sabi niya sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa araw bago ako magkasakit ay nagpunta kami ng mga pinsan ko sa ilog at sa tabi ng napakalaking puno ay doon kami nag-ihaw ng kasoy.
Alam kong hindi ako mapapayagan kaya inilihim ko iyon sa kanila.
Bawal kasing mag-ihaw ng kasoy sa mga malalapit na bahay dahil magkakasakit o mamamatay ang mga manok nila kaya sa malapit sa ilog namin iyon ginawa.
Gulat na gulat ako dahil nalaman ni papa na nagpunta kami sa ilog at nag-ihaw ng kasoy ng wala naman siya doon.
Isang nilalang o laman loob daw ang nakatira sa malaking puno kung saan kami nag-ihaw at nabulabog namin sa ingay at pagpapausok na ginawa namin.
Ako lamang ang nagkasakit dahil ako siguro ang pinakamaingay at pinakamagulo sa aming magpipinsan.
Pagkatapos nya akong madasalan ay agad na bumaba ang lagnat ko.
Magmula noon ay naengganyo na ako sa ginagawa ni papa.
Bata pa kasi ako noon kaya minsan nga ay nahuli pa ako nila mama na ginagaya ang ginagawa ni papa.
Nagsindi ako ng kandila at kumuha pa ulit ng isa pa saka pinutol ang dulo nito.
Inilagay ko sa kutsara at saka itinapat sa apoy upang matunaw ang kandila.
Pagkatapos matunaw ay saka ko ibinuhos sa tubig ngunit natawa lang ako dahil wala namang korte na lumabas.
Hindi ko din maintindihan noon kung bakit ko ginagaya si papa.
Nakikita ko lang siya na nagdadasal lagi ng di ko alam kung anumang dasal at may altar siya sa loob ng kwarto niya.
Pangalawang beses na napatunayan niya ang bisa ng pagtatawas.
Nagkasakit ang pamangkin ko at hindi tumitigil ang iyak at mataas ang lagnat.
Nang gabing iyon ay natakot ako dahil tila siya nakikipaglaro sa hindi nakikita habang buhat buhat ko siya.
Titingin siya sa ibaba at biglang parang may hahabulin ang mata niya na sisilipin sa kaliwa, haharap sa kanan at biglang tatawa mag-isa.
Sanggol pa lamang ang pamangkin ko noon.
Matatakot nalang ako dahil nakatingin siya sa kaliwa na akala mo may naglalaro sa kanya ngunit kung titignan ko ay wala namang tao roon.
Pabaling-baling ang ulo niya na tila may kalaro at may hinahanap.
Pagdating ng gabi ay hindi na ito tumigil sa pag-iyak at tumataas lang ang lagnat nito.
Tinawas ito ni papa at ito ang mga sinabi niya pagkakita sa natunaw na kandila.
"May babaeng naglalaro sa kanya. Parang magtatago yung babae at magpapakita sa kanya kaya siya biglang tatawa. Mahaba ang buhok, basa ang buhok niya, parang bagong ligo. Sinong naglaro sa kanya na basa ang buhok at bagong ligo?!"
Doon ko napagtanto na parang ako ang tinutukoy ni papa.
Mahaba ang buhok ko.
Katatapos kong maligo ng hapon na iyon ay nilaro ko siya habang buhat-buhat siya ng hipag ko.
Naglalaro kami ng Peekabo.
Magtatago ako sa likod ng hipag ko at saka siya gugulatin kapag humarap siya sa kaliwa.
Magtatago ako at haharap siya sa kanan upang hanapin ako.
Napagtanto nila na ako nga ang naglaro sa pamangkin ko.
Hindi ko alam kung papaano nangyari basta dahil gutom daw ako nung nilaro ko yung bata at nausog ko siya.
Sinabihan akong lagyan ng laway ko ang noo ng pamangkin ko.
Ginawa ko nga at labis na nakakapagtaka na pagkatapos kong gawin iyon ay agad na tumigil sa pag-iyak ang pamangkin ko at bumaba ang lagnat niya.
Mas lalong nadagdagan ang kagustuhan ko na sana ay maging katulad ko si papa.
Lagi kong tinatanong si papa kung papaano niya ginagawa ang mga iyon ngunit ngiti lamang ang sagot niya sa akin.
Masyado kasi akong na-curious sa mga ginagawa niya at pakiramdam ko parang ang astig na nakakagamot ka ng sakit at nakakakita ng mga espiritu o multo.
Sinabi ko kay papa na gusto ko ring magkaroon ng third eye katulad niya.
Gusto ko ring makakita ng mga multo.
Pero ang sagot ni papa sa akin ay hindi ko daw kakayanin ito dahil masyado pa akong bata at hindi daw magandang regalo ang makakita ng multo at kung anu-anong espiritu dahil sa oras daw na makakita ako ay hindi na nila ako titigilan.
Kahit na ganon ang mga sinabi sa akin ni papa ay hindi ko padin matanggal sa isip ko na gusto ko talagang magkaroon ng third eye.Hanggang sa una akong makaranas ng multo.
Grade Five ako nang mamatay ang uncle ko.
Pinagbabaril ito ng labing apat na beses sa iba't-ibang bahagi ng katawan at saka pinaso gamit ang mainit na dulo ng baril na pinangtama sa kanya upang bilangin kung ilang beses itong natamaan ng bala.
Ilang araw din bago matagpuan ang bangkay niya.
Walang bahay ang uncle ko noon.
Dahil ilang araw ng patay at naaagnas na ang bangkay ay hindi na magawang dalhin pa ito sa funerarya kaya doon mismo siya sa loob ng bahay namin, sa sala, binalsamo.
Tandang tanda ko ang araw na iyon dahil amoy na amoy sa buong bahay hanggang kapitbahay ang naaagnas na katawan ng uncle ko.
Ilang beses akong nagsusuka at hindi makakain dahil sa tindi ng amoy isama pa ang kemikal na ginagamit sa pag-embalsamo sa kanya.
Kitang kita ko din na tinatanggal ang mga laman loob niya.
Ilang araw, ilang linggo at umabot ang buwan ay hindi padin nawawala ang amoy hanggang sa nasanay nalang ata kami at dumating ang araw na nawala na nga ang amoy.
Isang taon makalipas ay umuwi ang kapatid ko sa amin.
Seminarista pa ang kuya ko noon.
Nagulat nalang kami na sa hatinggabi ay nagising si papa at nagsisigaw na tinakbo sa kwarto ang kuya ko.
Takot na takot ito at natigilan dahil hindi niya makontrol ang kamay sa panginginig.
Tila ito gumagalaw mag-isa na akala mo may tao sa harap na niyuyogyog ang kamay niya ngunit wala kaming makita.
Isinara lahat ng pinto at binatana.
Patay sindi ang mga ilaw.
Pinatay ng papa ko lahat ng ilaw sa kusina at sa mga kwarto.
Lahat maliban sa sala.
Sa sala kung saan naembalsamo ang uncle ko.
Tinipon kaming lahat ni papa doon.
Takot na takot ako dahil katabi ko ang kuya ko ngunit ang amoy niya ay akala mo naembalsamo na patay.
Biglang huminto ang pagpatay sindi ng ilaw.
Tumigil ang pagyugyog ng kamay ng kuya ko at nawala ang matinding amoy ng magdasal si papa.
Nang magkaroon ng katahimikan ay nagtanong si mama kung anong nangyayari.
Ang sagot ni papa: "Nandito si Paquito."
Nanginig kaming lahat sa sobrang takot na halos umiiyak na ako at hindi ko alam ang gagawin ko.
Paquito ang pangalan ng pinatay na uncle ko.
Ang pangalawang bunso sa kanilang magkakapatid nila mama.
"Paquito? Nandito ka ba? Bakit? Anong gusto mong sabihin?"
Umiiyak na sigaw ni mama habang nakatingin sa itaas na akala mo may inaantay na sagot.
Kung ano ang sagot nito ay sasabihin ni papa.
"Nakatayo siya sa tabi ng sofa at maglalakad papunta dito."
Nagimbal ako ng sinasabi ni papa iyon.
Sa kaliwa bandang pinakadulong sofa ay si mama, kasunod ang kuya kong isa pa, ako, ang kuya kong seminarista at ang papa ko.
Pagkasabi ng ganun ni papa ay itinuro niya ang dulo ng sofa at tumingin kaming lahat doon.
Wala akong makita. Wala kaming makita ngunit nagsitayuan ang mga balahibo ko dahil amoy na amoy ang mabahong amoy ng patay sa banda roon kung saan itinuro ni papa.
Parang sumama sa hangin galing kaliwa papunta sa kung nasaan ang kuya ko.
Ipinikit ko ang mata ko ng maramdaman kong lumamig at nagsitayuan ang mga balahibo sa katawan ko ng maamoy ko na dumaan ito sa harapan ko.
Tila nilipad ng hangin ang amoy ng patay galing sa bandang kaliwa papuntang kanan kung nasaan ang kuya kong seminarista.
Kahit na wala akong nakikita ay alam kong nasa harapan ng kuya ko ang patay na uncle ko dahil sa amoy nito.
Napag-alaman namin na gustong makausap ng uncle ko ang kuya ko dahil nag-aalala ito sa mga iniwan niyang naulila na mga anak at nais na sana ay gabayan sila ng kuya ko.
Kaya gumagalaw mag-isa ang kamay ng kuya ko dahil sa hawak ito ng uncle ko at niyuyogyog habang nagmamakaawa.
Natapos ang gabing iyon ng matinding iyakan at sa pangako ng kuya ko na alagaan ang nga naulilang kong mga pinsan.
Patunay na kaya nga ng papa ko na makausap at makakita ng mga patay.
Ang pinakaunang beses na napatunayan kong totoo nga ang mga multo at hindi gawa-gawa lamang ng mga taong may malikot na imahinasyon.----------
Please do not forget to Vote, Leave a Comment and Share. 😘❤️
BINABASA MO ANG
Pamana (Completed)
HorrorNangarap ka na ba na sana magkaroon ka ng third-eye? Yung tipong makakakita ka ng mga kaluluwa? Mga bagay na hindi makikita ng pangkaraniwang tao? Mga bagay na hindi maipaliwanag ng siyensiya? Para kasing ang astig no? Dahil ako oo. Inasam ko na...