Pangalawang araw ng nakaburol si papa.
Palaisipan parin sa aming lahat ang tawag na ginawa niya ngunit wala naman kaming paliwanag dito.
Sa bawat gabi ay ako lagi ang nakatoka na magbabantay.
Hindi ko kabisado ang paniniwala na iyon ngunit kailangan daw ay mayroong kahit isang gising sa gabi upang magbantay sa patay.
Dahil sanay na akong nagpupuyat at dahil pang gabi ang trabaho ko ay tanging ako lang ang puwedeng maiwan na gising hanggang kinabukasan para magbantay.
Gising pa ang mga tao ng gabi na iyon.
Nakaupo ako sa labas ng bahay sa tabi ng mga naglalaro ng baraha.
Katulad ng laging nangyayari ay ka-chat kong muli ang boyfriend ko.
Kinuwento ko ang tawag sa kanya at pati siya ay hindi makapaniwala sa sinasabi ko.
Madami pang tao sa bahay ng mga oras na iyon at may mga naglalaro pa nga.
May tinatype ako sa ipad noon ng natigil ako dahil hindi ako mapakali.
Pakiramdam ko ay parang may nakatingin sa akin sa bandang kanan sa gilid ng aking mga mata.
Tinigil ko ang pagtatype at saka ko nilingon sa bandang kanan ko.
Masyado kasing madilim kaya hindi ko maaninag pero alam kong may nakatayo malayo sa akin sa labas at tapat ng CR ng lola ko malapit sa kwarto niya.
Antagal kong inaninag kung ano iyon.
Tila ito nakalutang na malaking tela na pula.
Naisip ko na baka may nagsampay lang doon.
Ang tagal tagal kong tinititigan kung ano iyon.
Nagsitayuan ang mga balahibo ko nung mapagtanto ko na walang sampayan sa banda roon at naaninag ko na isa itong bulto ng babae na nakatayo.
Ang pagkapula ng damit nito ay hindi mismong kulay na pula kundi parang puting damit na nabuhusan lamang ng dugo na siyang nagbibigay ng kulay pula rito.
Sa pagkakaalam ko ay maikli ang buhok nito at dahil madilim ay hindi ko maaninag ang mukha niya ngunit alam kong titig na titig ito sa akin.
Nanginig ang kalamnan ko sa takot na mapagtantong nakikipagtitigan na pala ako sa isang multo o kaluluwa o kung anu pa man iyon.
Sa takot ay binawi ko ang aking tingin at ibinaling sa ipad ang paningin ko.
Nang makabawi ako sa takot ay muli kong nilingon iyon ngunit mas nagimbal ako ng wala na ang babaeng nakapula na naroon.
Nanlaki ang mga mata ko sa takot.
"Ano yun? Ano ba yung nakita ko?" sabi ko ng malakas.
Hindi ko namalayan na nakatayo na pala sa tabi ko ang kuya kong pari at nakita ang takot sa mga mata ko, narinig nito ang sinabi ko.
Mas lalo akong natakot ng sabi niya:
"Bakit? Ano yun? Nakita mo rin ba yung babaeng nakapula na maikli ang buhok at nakatayo sa likod ng bahay sa tapat ng CR ni mamang?"
Nanlaki ang mga mata ko at hindi ako makapagsalita.
Mamang ang tawag namin sa lola ko.
Wala akong sinabi pero natakot ako dahil alam na alam ng kuya kong pari ang nakita ko kahit wala pa akong napagsasabihan na kahit sino.
Papano niya nalaman na maiksi ang buhok nito?
Papano niya nalaman na may nakapulang babae at alam na alam niya mismo kung nasaan ito?
Nakita siguro ng kuya ko ang aking pagtataka kaya sinabi niya na nung isang araw ay nakita niya din daw ang nakita ko nung magpunta siya malapit doon upang umihi.
Sa unang pagkakataon ay hindi ko maipaliwanag ang mga nangyayari.
Hindi ko pa nasubukang makakita ng multo sa tanang buhay ko.
Nakakaramdam man ako at nakakakita ng mga anino ng mg multo o may naririnig man ako ngunit ngayon ko lang naranasan na makakita mismo.
Oo matagal ko ng inasam na makakita pero sa sobrang takot ko at isipin na ako lang mag-isa ang gising magdamag upang magbantay sa patay ay hindi ko alam kung kakayanin ko.
Buong magdamag ay pinilit kong kausap sa telepono ang boyfriend ko upang mabawasan ang takot ko.
Bakit ako biglang nakakakita ng multo?
May gusto bang sabihin ang babaeng nagpakita sa amin?
Hindi ko alam kung bakit parehas na nagpakita sa amin ng kuya ko ang babaeng nakapula ngunit hindi ko nalang din inisip kung ano ba ang ibig sabihin niyon.
Hindi naman puwedeng sabihin na ang papa ko iyon dahil sigurado naman kami na babae ang nakita namin pareho.
Ayoko namang isipin na may ibig sabihin nga iyon.
Siguro ay nagkataon lang kaya hindi ko nalang pinansin.
Ayoko ding takutin ang sarili ko lalo pa at alam ko na ako lamang ang maiiwan na gising buong magdamag para magbantay sa patay.
Agad ko ding pinabiyahe ang boyfriend ko na agad namang bumiyahe ng gabing iyon.----------------
Please do not forget to Vote, Leave a Comment and Share. 😘❤️
BINABASA MO ANG
Pamana (Completed)
HorrorNangarap ka na ba na sana magkaroon ka ng third-eye? Yung tipong makakakita ka ng mga kaluluwa? Mga bagay na hindi makikita ng pangkaraniwang tao? Mga bagay na hindi maipaliwanag ng siyensiya? Para kasing ang astig no? Dahil ako oo. Inasam ko na...