Tawag sa Cellphone

1.5K 53 0
                                    

Dumating kami sa bahay ng mga bandang madaling araw na.
Sinundo kami ng kuya ko na ngayon ay pari na.
Tama nga ang nakita ko.
Hindi ako basta namalikmata lang.
Hindi ko na nadatnan pang buhay si papa dahil pagdating namin ng bahay ay nasa funerarya na siya at inaayos nalang ang bahay namin para sa pagbuburol.
Magang maga ang mga mata ko.
Ni hindi kami naguusap ng matino ng pamilya ko.
Nalaman ko nalang na kaya hindi sinasagot nila mama ang text at tawag ko ay upang hindi na ako masyadong mag-alala pa habang nasa biyahe.
Dumating na ang kabaong ni papa ng mga bandang umaga na.
Umuwi na rin ang boyfriend ko pabalik ng Baguio dahil hinatid lang talaga ako pag-uwi.
Sa unang gabi ng pagkaburol ni papa ay may isang grupo ng mga guro na nagpunta sa bahay upang makiramay sa amin.
Nakabantay ako sa harap ng kabaong kaya pagdating ng mga guro ay naiwan ko ang cellphone ko sa lamesa sa gitna kung saan sila umupo.
Gamit ko ang ipad ko at ka-chat ko ang boyfriend ko ng biglang nagsalita ang mga guro at hinahanap kung kanino ang cellphone na nagri-ring.
Agad kong kinuha ang cellphone ko sa kanila.
Tinignan ko kung sino ang tumatawag ngunit hindi ito naka rehistro sa contacts ko.
Sa harapan mismo ng mga guro ay sinagot ko ang tawag dahil sabi nila ay kanina pang nagri-ring ito at baka di ko na maabutan pang sagutin.
Pagkasabi ko ng Hello ay nanginig ang kalamnan ko sa narinig kong sumagot.
Boses ng isang matandang lalaki ang nasa kabilang linya.
Medyo mataas na akala mo sumisigaw at tipong may hinahabol, nagmamadali o naghihingalo dahil parang hirap magsalita.

"Hello!!!
Mag - - - - - - ka..
Yung - - - - - - ng ano..
Ba - - - - - - ka...
Yung ano - - - - - -..
Pa - - - - - - mo!!"

Paulit-ulit na sinasabi ng nasa kabilang linya ngunit wala akong ibang maintindihan kundi ang "Hello!" at "yung ano" lamang na sinasabi niya dahil masyadong paputol-putol.
Static ang naririnig ko at parang sobrang hina ng signal kaya walang nabubuong salita sa mga sinasabi niya.
"Po? Ano po yun? Si-sino po kayo?"
Yan lang ang mga nasabi ko.
Narinig ko ang beep na tunog ng cellphone hudyat na tapos na ang tawag.
Agad kong tinignan ang cellphone,
Unang tinignan ko ang last 4 digits ng numero ng tumawag.
Call Duration: 1:00 7:45 PM
Isang minuto.
Isang buong minuto na may sinasabi siya sa akin pero hindi ko naintindihan ang mga gusto niyang sabihin.
Naiwan akong natigilan sa harap ng mga guro.
Tinanong nila ako kung anong meron bakit para akong takot na takot.
Hindi ako makapagsalita,
Kilala ko ang boses ng tumawag na iyon.
Ang pagkalalim ng boses at ang estilo ng pagsasalita sa telepono na parang pasigaw.
Si Papa.
Sigurado akong boses iyon ni Papa.
Ganun na ganun siya kung makipag-usap sa telepono.
Parang sumisigaw sa kausap dahil hindi naman niya sanay ang cellphone sa tenga niya kaya kapag nagsasalita ay akala mo napakalayo ng kausap niya kaya medyo tumataas ang boses.
Kaibahan lang ay parang nahihirapan itong huminga at parang hirap magsalita.
Nagmamadali na akala mo may hinahabol at kailangang tapusin ang sasabihin.
Putol-putol ang tawag dahil nasa malayo na akala mo walang signal.
Magulo ang isip ko at di ko alam ang isasagot sa mga guro.
Mukhang naintindihan naman nila kaya hindi na sila muling nagtanong.
Umupo ako sa upuan sa labas ng bahay.
Antagal kong tinignan ang cellphone ko.
Papaano naman daw ako matatawagan ni papa eh alam kong patay na nga siya at kasalukuyang nakaburol?
Isa pa, alam kong gamit na ng kasama namin sa bahay ang cellphone ni papa.
Alam ko na paiba-iba ang numero ni papa kaya minsan na tatawag siya ay di ko alam na siya pala iyon.
Lagi niyang pinapalitan ang simcard niya at di ko din alam kung bakit kaya iba-iba din ang pangalan niya sa contacts ko.
Hindi puwedeng siya yun.
Imposible.
Nagtaka nadin ang hipag ko dahil sa natigilan kong itsura.
Pilit ko nalang iwinaglit sa isipan ang tawag at ayokong takutin ang sarili ko.
Babalikan ko na sanang muli yung ipad ko ng sa pangalawang pagkakataon ay tumunog muli ang cellphone ko.
Sa pagkakataong ito ay nasa tabi ko ang hipag ko.
Tinignan ko ang huling apat na numero at parehas ito sa tumawag kanina.
Agad ko itong sinagot.
Nakita ng hipag ko na sinagot ko ang tawag.
At sa pangalawang pagkakataon ay muli kong narinig ang boses na iyon.
"Hello!!"
Sa unang kataga na narinig ko ay parang gusto kong umiyak.
Hindi na ako pupwedeng magkamali.
Boses nga ito ni papa.
Siya nga ang tumatawag sa akin.

"Mag - - - - - - ka..
Yung - - - - - - ng ano..
Ba - - - - - - ka...
Yung ano - - - - - -..
Pa - - - - - - mo!!"

Parang gusto kong magsalita at itanong..
"Papa..? Ikaw ba yan..?"
Pero walang lumabas sa bibig ko.
Hindi ako nakapagsalita.
Hinayaan ko lang siyang magsalita ng paulit-ulit.
Ang nakapagtataka ay parang rewind ang nangyari.
Kung ano ang mga sinabi niya sa unang tawag ay ganun na ganun din sa pangalawang tawag.
Muling tumunog ang beep sa cellphone sinasabing tapos na ang tawag ko.
Pagtingin ko dito.
Call Duration: 1:00 7:50 PM.
Isang minuto.
Parehas na parehas sa nauna.
Sa pagkakataong iyon ay namumuo na ang luha sa aking mga mata.
"Sino yun? Bakit? Anong sinabi?"
Nagtatakang tanong ng hipag ko.
"Ate? Anong number ni Papa??"
Nagmamadali kong sinabi.
Agad kaming pumasok sa loob ng bahay upang kunin ang cellphone niya.
Parehas ko ay iba-iba din ang cellphone numbers ni papa sa contacts nila pero wala yung last 4 digits na nakita ko.
Tinanong ko si mama at ang mga kuya ko pero parehas lang na wala sa mga naka save na numbers ni papa ang huling apat na numero na iyon.
"Bakit? Ano bang meron bakit mo tinatanong ang number ng papa mo?"
Takang-taka na tanong ni mama.
At doon ko na sinabi ang lahat.
"Tumawag si papa sa akin. Dalawang beses, parehas na numero. Saktong isang minuto. Akala mo naulit lang ang unang tawag dahil parehas na parehas ang mga sinasabi niya."
Natigilan silang lahat sa sinabi ko.
"Ano bang number? Bakit hindi mo tawagan?"
Biglang tanong ng hipag ko.
Agad kong tinignan ang Call Logs sa cellphone ko.
Pumunta ako sa Received Calls ngunit wala ang numero na iyon.
Nagtinginan kaming lahat.
Siguradong sigurado ako na may tumawag sa akin dahil kitang kita ng mga guro at ng hipag ko nang sagutin ko ang tawag.
Sinubukan kong tignan lahat ng nasa Call Logs at nakita ko ang numero ng tumawag na nakalagay sa Missed Calls.
Missed Calls?!
Hindi puwede.
Sigurado ako na nasagot ko yung tawag!
Kitang kita ko pa nga na ang call duration niya ay saktong isang minuto!
Nanginginig ang mga kamay ko at pinindot ko ang dial.
Naguunahan ang pagpintig ng puso ko habang nagri-ring sa kabilang linya.
"Hello..?"
Bigla akong nabuhayan.
May sumagot sa kabilang linya.
Pero hindi boses ni papa.
Hindi rin boses ng lalake.
Boses ito ng babae.
Naisip ko na siguro masyado lang akong nagiisip kaya inakala kong tinatawagan ako ni papa.
"Hello..? Sino po ito..?"
Parang kinakabahan kong sagot.
"Hello Erika! Si Ate Mary-al mo ito yung batchmate mo ng high school! Narinig ko yung nangyari sa papa mo. Condolence ha..?" sabi nito.
Bigla akong natawa.
So tama nga ako.
Sobra lang akong nag-iisip.
Si ate Mary-al ay naging kaklase ko ng high school.
Delayed kasi siya ng ilang taon kaya sabay kaming nagtapos kaya considered na magka batch kami ng high school.
At least naman napanatag na ang loob ko.
Hindi si papa ang tumatawag sa akin.
"Salamat po ate. Sana po makapunta kayo."
Kalmado kong sagot.
"Tsaka nga po pala, pakisabi po sa kasama niyong lalake na una kong nakausap na hindi ko po naintindihan yung sinasabi niya. Masyado po kasi atang mahina yung signal kanina kasi static wala akong naintindihan. Pakisabi sorry."
Mahaba kong paliwanag at saka ako natigilan sa sagot niya.
"Ha? Anong ibig mong sabihin? Sinong lalaki?"
Parang nanghina ang tuhod ko sa tanong niya sa akin.
"Yun pong lalaki na matanda na tumawag sa akin. Dalawang beses pa nga eh. May gusto siyang sabihin pero wala akong maintindihan."
Mariin kong paliwanag.
Takang-taka ang boses ng nasa kabilang linya.
"Hindi Erika. Wala akong kasamang lalaki. Oo dalawang beses nga kitang tinawagan pero hindi mo naman sinasagot."
Pagkasabi niya ng ganun ay tuluyan ko ng isinandal ang sarili ko sa pader.
Agad akong ngpaalam sa kausap ko sa telepono at hindi ko na napigilang umiyak.
Tama parin pala ako.
Hindi ako maaaring magkamali.
Hindi ako namalikmata at hindi din ako nababaliw.
Alam ko ang narinig ko.
Nasagot ko ang tawag na yon ng dalawang beses.
Kitang-kita ko na isang minuto ang call duration at sigurado ako na nakita ng mga guro na nandoon at ng hipag ko na sinagot ko ang tawag at may nakausap ako sa telepono.
Nang kumalma ako ay agad kong ikinuwento ang tawag na nangyare kila mama.
Gulat na gulat sila na hindi makapaniwala.
Agad kong naintindihan ng sabihin sa akin ni mama:
"Bago malagutan ng hininga ang papa mo ay hinahanap ka niya.
May gusto siyang sabihin sayo.
Pinilit niyang mabuhay para makausap ka pa niya ngunit hindi mo na siya naabutan pa."

----------------
Please do not forget to Vote, Leave a Comment and Share. 😘❤️

Pamana (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon