Lalaki sa poste

1.5K 58 0
                                    

September 21, 2015.
Ito ang araw na namatay si Papa.
Nasa Baguio ako noon at nagtatrabaho bilang call center agent.
May shift ako kinagabihan nun pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hirap akong makatulog.
Hindi ako makatulog at pagdating ng bandang alas tres ay nagpasya akong tumawag sa probinsiya.
Hindi ko alam kung bakit pero parang may nagsasabi sa akin na kailangan kong tumawag sa bahay.
Sinagot ng mama ko ang tawag at tandang tanda ko pa ang sinabi ni Mama.
"Mabuti naman at tumawag ka. Kailangan mo ng umuwi ngayon na. Ang papa mo, naghihingalo na."
Natigilan ako at hindi ko alam ang sasabihin.
"Ma..? Bakit..? Anong nangyayari kay papa..?"
Hindi ko na mapigilan ang pagtulo ng luha ko at rinig na rinig ko rin ang paghikbi ni mama.
Hindi na ako sinagot ni mama ngunit rinig ko ang huling sinabi niya sa kabila ng pag-iyak niya.
"Lumaban ka. Subukan mong mabuhay. Antayin mo ang anak mo. Pauwi na siya."
Nanghina ang tuhod ko ng marinig ang mga sinabi ni mama.
Malapit ng malagutan ng hininga ang papa ko pero wala man lang ako sa tabi niya.
May sakit sa kidney si papa.
May kidney failure siya at dumadating minsan ay hindi na niya namamalayan na makaihi kung saan man siya nakatayo, nakaupo o nakahiga.
Mapanghi sa kwarto niya, mapanghi ang mga gamit niya at mapanghi din ang amoy niya kaya araw-araw ay kailangang linisan siya at paliguan ay kulang padin dahil minsan ay hindi tumitigil ang pag-ihi niya.
Umiyak ako ng umiyak.
Hindi kami masyadong magkasundo ni papa ngunit masakit isipin na mawawala na siya sa amin ng hindi man lang kami nagkaroon ng magandang ala-ala habang magkasama.
Kahit na may trabaho ako kinagabihan ay nagpasya akong tawagan ang manager ko at sabihing nagaagaw buhay na nga ang papa ko at kailangan ko ng umuwi sa probinsiya sa lalong madaling panahon.
Iyak ako ng iyak at hindi ko masagot kung kelan ako babalik sa trabaho.
Sinamahan ako ng boyfriend ko kahit may pasok pa siya kinabukasan dahil nag-aalala siya na baka kung ano ang mangyari sa akin sa daan dahil hindi ko kinakaya ang bugso ng emosyon ko.
Kung maaari lang sana na liparin ko na para lang makarating ako kaagad sa probinsiya.
Dasal. Matinding pagdadasal ang ginawa ko habang sakay kami sa bus.
Ilang beses akong pinapakalma ng boyfriend ko.
Sinasabi niyang kailangan kong maging matatag.
Kailangan kong palakasin ang loob ko dahil maaabutan ko pa ang papa ko pag-uwi ko.
Papaano? Walong oras ang biyahe galing Baguio papunta sa probinsiya namin.
At nag-aagaw buhay na ang papa ko.
Hindi ko alam ang gagawin ko na kada stop over ay iiyak ako dahil hindi ko kontrolado ang pagtakbo ng bus.
Kung puwede lang na paliparin na sana ito ng driver.
Tinatawagan ko sila mama pero hindi na nila sinasagot ang tawag ko.
Text ako ng text kung ano ng nangyare, kumusta na ba si papa, sana ayos pa siya, na malapit na ako, na konti nalang anjan na ako.
Yakap yakap ako ng boyfriend ko at hinahagod ang likod ko, maga na ang mata ko sa kakaiyak.
Hanggang sa kumalma ako.
Pinahid ko ang nga luha ko.
Maggagabi na iyon at katatapos lumubog ng araw.
Nasa bandang La Union na kami nun.
Madilim na kaya nakabukas na ang ilaw sa mga poste.
Tumingin ako sa bintana ng bus at nagimbal ako sa nakita ko.
Sa isang crossing na kung saan may nakabukas na ilaw ng poste ay may nakatayo na isang matandang lalaki na payat at nakatingin sa banda kung nasaan ako.
Medyo mabilis  ang takbo ng bus pero sigurado ako sa nakita ko.
Nakita ko si papa.
Nakatingin siya sa akin sa malungkot na mukha.
Yung pagkapayat niya at tangkad niya katabi ng poste.
Sa tindig palang ng pagkakatayo ay siguradong sigurado ako sa nakita ko.
Si papa nga iyon.
Suot niya ang paborito niyang pambahay na damit.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at tuluyan nakong naghalughog.
Nabigla ang boyfriend ko at paulit-ulit na sinasabi na kailangan ko lang maging matatag na maaabutan ko ding buhay ang papa ko.
Hindi ko naman masabi sa kanya na sigurado na kasi akong wala na siya dahil nagpakita na mismo siya sa akin.

----------------
Please do not forget to Vote, Leave a Comment and Share. 😘❤️

Pamana (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon