1

4.4K 43 1
                                    

"Anak,"

"Yes, ma?" mula sa pagbaba sa hagdan ay agad na nilingon ni Lena ang kaniyang ina nang marinig ang tinig nito. Nakatayo ito sa gitnang baytang ng hagdan kaya napilitan siyang pumanhik sa itaas.

"Bakit po?"

Ngumiti ang kaniyang ina na si Margie at iniabot sa kaniya ang ilang lilibuhing piso. Hindi na siya nagtaka sa ginawa nito nang maalala na katapusan nga pala ngayon ng buwan. Ibig sabihin ay araw iyon ng pagbibigay ng pera sa kaniya ng ama.

Umiling siya at magalang na tinanggihan ang pera. "Hindi na 'ma, may pera naman ako. At saka ibalik mo na po iyan sa....s-sa kaniya." pilit na ngumiti siya sa ina. Nakita niya ang pagsungaw ng matinding sakit sa mga mata nito.

"A-anak, hanggang ngayon ba naman hindi mo pa rin ba magawang tawagin ulit ng 'Papa' ang papa mo?"

Napabuntong hininga siya. "Mama, please? pagtatalunan na naman ba natin ang tungkol diyan?"

"Pero nakaraan na iyon, patawarin mo na ang papa mo. Ako na ang nakikiusap sa'yo, Lena, please?" nagsusumamong turan ng kaniyang ina. Pilit na inilagay nito sa mga palad niya ang pera pero umiwas siya.

Napailing na lang si Lena at tinalikuran na ang ina. Patakbong bumaba siya ng hagdan at nagsalita.

"Baka gabihin na po ako ng uwi kaya kayo na lang ni Tessa ang kumain ng hapunan. Babalik din ako agad."

ang Tessa na tinutukoy niya ay ang pamangkin ng kaniyang ina sa pinsan. Nakapisan ang disiotso anyos na si Tessa sa kanila at siyang kasa-kasama ng mama niya.

"Kung hindi mo tatanggapin ang perang ipinadala ng papa mo, ihuhulog ko na lang ito sa bank account mo. Balang araw magagamit mo rin ang pera."

"Bye, ma!" nagkunwari siyang hindi narinig ang sinabi nito at kumaway na para magpaalam. Nang makababa na siya sa bakuran kung saan nakaparada ang motor niya ay bigla siyang nanlumo. Nanghihina man ang mga tuhod ay pilit na sumakay na siya sa motor at isinuot ang helmet sa ulo niya.

Habang nagdidilig si Tessa ng mga halaman ay nakita siya nito kaya itinigil nito ang ginagawa at nakangiting pinagbuksan siya ng gate. Nagpasalamat siya sa pinsan bago pinatakbo ang motor niya.

Habang lulan ng motor ay hindi niya mapigilan ang pagpatak ng mga luha niya. Madalas na ganoon ang nangyayari sa kaniya sa tuwing mababanggit ninuman ang tungkol sa kaniyang ama. Dahil sa mapait na nakaraan niya ay nagbago ang takbo ng buhay niya.

"Shit!" inis na pinunasan niya ang mga luha. Nagsisimula pa lang ang araw niya kaya hindi dapat na masira ang mood niya. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya ng hindi maampat sa pagpatak ang mga luha niya.

Helena Diaz! Tumigil ka nga sa pag iyak mo! matigas ka 'di ba? wala kang kinatatakutan, kaya bakit ka umiiyak ngayon? inis na saway niya sa sarili.

Tama. Iyon ang tingin sa kaniya ng lahat. Masungit, walang kaibigan at higit sa lahat galit siya sa mga mayayaman. Alam iyon ng mga taong nakapaligid sa kaniya dahil hindi naman lingid sa mga ito ang naging buhay nilang mag ina.

Sampung taon siya nang magkasakit ng malubha ang kaniyang ina. Ang buong akala niya ay tuluyan na itong mawawala sa kanila ng papa niya. Nang mga panahon na iyon ay nawalan ng trabaho ang kaniyang ama kaya umaasa lamang sila sa kakarampot na separation pay na natanggap nito mula sa kompanya. Naubos ang pera nila sa bangko at ang mga gamit na naiupundar ng mga magulang niya dahil malaki ang nagastos sa pagpapagamot sa mama niya na may sakit na breast cancer.

Pagkatapos sumailalim sa chemotherapy at naging mabuti ang kalagayan ng ina ay nagpasiya ang kaniyang ama na magtrabaho sa abroad. Masakit para sa kaniya na mahiwalay sa ama pero alam niya na para iyon sa ikabubuti ng pamilya nila. Kung lilipad patungong ibang bansa ang papa niya para magtrabaho ay mayroon silang pambayad sa ospital para sa tuluyang pagpapagamut ng kaniyang ina.

A NOBODY AND THE PRINCE BY BETHANY SY (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon