9

3.4K 46 24
                                    

“Tingnan mo nga naman ang mga kabataan ngayon, unang beses pa lang na nakasama ang lalaki ay pumapayag na agad magpaakbay. Noong kabataan namin hindi pwede iyan. Makita lang ako ng inang na dumudungaw sa bintana, tiyak na kurot sa singit ang aabutin ko.” mahabang litanya ni yaya Mona habang nakatutok ang mga mata nito sa TV.

Malalim na napabuntong hininga naman si Luke habang nakikinig siya sa sinasabi ng matanda. Alas nuwebe na ng gabi at naroon silang dalawa sa sala para magpalipas ng oras.

“Yaya, iba na ang panahon ngayon. Moderno na ang mga kabataan, hindi mo naman po kami pwedeng itulad sa panahon ninyo. Usong uso na ang whirlwind romance ngayon.”

“Whirl—ano? may paromance-romance ka pa diyan na damuho ka. Noong nabubuhay pa ang asawa ko, baka akala mo kahit maaga kaming nagpakasal ay hindi kami umabot sa ganiyan, ano. Isang taon na kaming magkasintahan bago iyon natuklasan ng mga magulang ko kaya kami ipinakasal. At ito pa ha, sa isang taon na iyon kahit dulo ng daliri ko hindi pa niya nahawakan.”

Nakadekwatro siya ng upo sa tabi ni yaya Mona at panay ang sulyap sa orasan na nakasabit sa dingding. Wala naman siyang pakialam sa teleserye na pinanonood nito. Hindi rin dapat siya nakatambay sa sala ngayon, kaya lang ay may hinihintay siya.

“Kababaeng tao pero anong oras na umuuwi,” inis na napaungol siya at tiningnan ang cellphone. Umaasa na may matatanggap siyang text o tawag mula kay Lena.

“At ikaw anong problema mo? anong ipinuputok ng butse mo diyan?” nagtatakang tanong ni yaya Mona nang mapansin nito na nakasimangot siya.

Marahas na napabuga siya ng hangin at dumako ang mga mata sa monitor ng TV. Napaismid siya at itinuro ang mga bida na naglalampungan.

“Sila, sila ang problema ko, yaya. Bakit ba ang mga kabataan ngayon wala ng pakialam kung may naghihintay sa pag uwi nila? umuuwi sila sa oras na gusto nila at wala silang pakialam kung mamuti man ang mga mata ng kung sinong nilalang na naghihintay sa kanila. Matutulog na nga lang ako. Good night!” nakakunot noong tumayo na siya.

Iniwan niya sa sala ang nagtatakang matanda. Nang makapanhik na siya sa kwarto ay hindi naman siya mapakali. Inis na sumalampak siya ng higa sa kama at nakipagtitigan sa cellphone niya.

“Sinungaling ka, sabi mo tatawagan mo ako.” nakasimangot na turan niya.

Ibinigay niya ang cellphone number niya kay Lena dahil tatawagan daw siya nito kapag may trabaho itong ipapagawa sa kaniya.

Pero umasa lang naman siya sa wala dahil dalawang araw itong hindi nagparamdam sa kaniya. Ang sabi ni yaya Mona ay bumiyahe ito patungong Naga City para ihatid ang ina at pinsan na si Tessa. Umuwi daw kasi mula sa Baguio ang tiyahin ni Lena. Kaninang umaga nang magising siya ay laking tuwa niya nang marinig niya ang pamilyar na ugong ng motor ng dalaga sa labas ng bahay.

Isa lang ang ibig sabihin niyon, bumalik na ang dalaga at makikita na niya ulit ito. Pero nang patakbong bumaba naman siya ng hagdan ay hindi na niya naabutan pa ito. Nakaalis na pala si Lena at ayon kay yaya Mona ay may raket na naman itong pupuntahan.

Napapalatak si Luke. Pagkatapos ng dalawang araw na nawala ito sa probinsiya ay trabaho agad ang nasa isip ni Lena. Sa tingin nga niya ay magkakasakit ito kapag hindi ito kumita ng salapi sa loob ng isang araw.

Nakwento rin sa kaniya ni yaya Mona na malaki ang galit ni Lena sa mga mayayamang kagaya niya. Kung bakit ay hindi niya alam dahil hindi na rin niya napilit pa na magsalita ang matanda.

Nang makarinig siya ng ugong ng motor mula sa labas ay mabilis pa sa alas kuwatrong tumayo siya. Dahil hindi na siya papayagang lumabas ng bahay ni yaya Mona ay sa bintana na lang niya napagpasyahan na dumaan.


Nang dumungaw siya sa bintana ay natanaw niya si Lena habang pasuray suray na bumababa ito ng tricycle. Mahinang napamura siya at daig pa si spiderman na tinalon ang bintana ng silid malapitan lang ang dalaga.

“You!” mainit ang ulo na bungad niya kay Lena habang pilit na binubuksan nito ang gate ng bahay nito.

“Me?” namumungay ang mga mata na tanong nito at nilingon siya.

“Whoa! are you drunk?” bulalas niya.

Animo ay paslit na humagikhik ito. Hindi na siya nito pinansin at pabalibag na binuksan nito ang gate. Pumasok ito sa loob at hindi naman niya ito matiis na pabayaan lang kaya sumunod siya dito.

“Nasaan ang mama mo? si Tessa?”

“Wal—a.. nagbabakasyon, whoops!”

Nanlaki ang mga mata niya nang mawalan ito ng balanse habang pumapanhik ng hagdan. Awtomatikong yumakap ang mga kamay niya sa baywang nito para maprotektahan ito sa pagbagsak.

“Careful,” aniya.

Nang mag angat ng tingin si Lena sa kaniya ay hindi sinasadyang nalaglag ang suot nitong baseball cap. Hayun na naman ang nakakabinging pagkabog ng dibdib niya nang mapagmasdan niya ang magandang mukha nito.

Nang magtama ang mga mata nila ay parang saglit na nakalimutan niya kung sino siya. Halos hindi niya magawang ikurap ang mga mata nang sumilay ang magandang ngiti sa mga labi nito. Bago pa siya tuluyang ipagkanulo ng sarili niya ay nagpasiya na siyang pangkuhin ang babae. Hindi naman ito tumutol sa ginawa niya. Nanguyapit ito sa leeg niya na parang  natatakot itong kumawala sa kaniya.

Dinala niya ito sa unang silid na nakita niya saka niya ito maingat na ihiniga sa kama.

“No….huwag kang umalis, please?” ungol nito nang akmang aalisin na niya ang mga kamay nito sa leeg niya.

Nang hilahin siya ni Lena ay nawalan siya ng balanse at napahiga sa ibabaw nito. Napailing siya nang manuot sa ilong niya ang natural na amoy ng katawan nito na sumama sa matapang na amoy ng alcohol na ininom nito.

“Sabihin mo nga sa akin, ano ba ang problema mo at nagpakalasing ka ng ganiyan?” aniya at masuyong pinisil ang matangos na ilong ng dalaga. Sa bandang huli ay napalis ang ngiti niya nang magsimula itong humikbi na parang paslit.

“Ikaw…kayo..w-walang nag aalaga sa akin. Walang nagmamahal sa akin.” umiiyak na sabi nito sa kaniya.

“Hey..” tanging nasabi niya at marahang hinaplos ang mga pisngi nito.

“I-ikaw…mahal mo ba ako? aalagaan mo ba ako?” kagat labing tanong nito.

Napalunok siya dahil sa narinig. Hindi na marahil tumitibok pa ang puso niya dahil hindi na niya nararamdaman ang pagwawala niyon.

“Why not, babe?” napangiti siya at kinintalan ng masuyong halik ang ibabaw ng noo nito. “Go to sleep.” turan niya.

Nang muli itong magsumiksik sa kaniya ay napilitan siyang mahiga sa tabi nito at ikulong ito sa mga bisig niya. Ilan saglit lang ay narinig na niya ang banayad na paghinga nito. 

Bahala na kung anong mangyayari bukas. Hindi niya kayang pabayaan lang si Lena na mag isa at umiiyak. Willing siyang alagaan ito dahil iyon ang idinidikta ng puso niya habang yakap niya ito.

Ano ba ang nangyayari sa'yo, Luke?

Naiiling na nasabi na lang niya sa sarili at kontentong ipinikit na ang mga mata.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 29, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

A NOBODY AND THE PRINCE BY BETHANY SY (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon