“Jeez!” agad na napangiwi si Luke ng walang pakundangan na iniabot sa kaniya ni Lena ang hawak nitong walis tambo.
“Ano, ayaw mo? gusto mo ihampas ko pa sa'yo itong walis?” nakataas ang isang kilay na tanong ng babae sa kaniya.
Napakasungit! Naisaloob niya.
Kung hindi lang siya mapapagalitan ulit ni Yaya Mona ay siguradong kanina pa siya nagwala.
Pikit matang tinanggap niya ang walis tambo. Isang dangkal na lang marahil ang natitirang pride niya. At kung makikita lang siya ng mga kakilala niya ay siguradong katapusan na ng mundo para sa kaniya.
Mula sa pagtitinda na unang task niya ay pinaglinis naman siya ni Lena ng buong bahay. Ultimo ang kwartong ginagamit niya ay hindi nito pinalampas at bawat sulok ay tiningnan pa nito.
“Ano pa ang silbi ng laundry basket kung ikakalat mo lang pala sa sahig ang mga hinubad mong damit?” daig pa ni Lena ang teacher kung manermon sa kaniya.
Eh, kasi naman sa mansiyon namin maraming kasambahay. At kahit isang beses never ko pang naranasan na magtinda at maglinis ng bahay.
Gusto sana niyang sabihin iyon sa pero alam niya na hindi pwede.
Para na rin sa ikatatahimik ng loob ni Yaya Mona ay pinipilit naman niyang magpakabait. Hindi rin naman kasi niya kaya na magalit sa kaniya ang matanda dahil itinuturing na niya itong pangalawang ina. Kung hahayaan niya na masira ang tiwala nito ay tiyak na wala ng iba pa na mag aaruga sa kaniya.
Napabuntong hininga si Luke. Isang linggo pa lang siya sa probinsiya ay hindi na agad siya mapakali. Hindi siya sanay ng walang night life at nagsasawa na rin siyang magbabad sa internet buong araw.
Wala naman kasing ibang gagawin sa probinsiya nila yaya Mona. Masyadong tahimik ang bayan ng Daet at pakiramdam niya ay napakabagal ng agos ng buhay doon. Hindi kagaya sa Maynila na marami siyang kaibigan na nakakasama at mga lugar na mapupuntahan.
Isa pa ay hindi niya kailangan magbanat ng buto para lang mabuhay. Malaki ang mana na nakuha niya sa namayapa niyang lolo na hanggang ngayon ay nasa pangangalaga pa rin ng mga magulang niya.
“'di ba, ito ang ginagamit ng mga witch kapag lumilipad sila?”
“Siraulo ka ba?” nakasimangot na tanong sa kaniya ni Lena nang ituro niya ang walis na hawak niya.
“Puro ka kalokohan, ginagamit yan sa paglilinis. Kaya maglinis ka na bago pa tuluyang maging gubat itong kwarto mo.”
Napangisi siya. Sa isang banda ay gusto niyang magpasalamat dahil kahit naiinip na siya sa paninirahan sa probinsiya ay naroon naman si Lena para aliwin siya. Oo, aliw na aliw talaga siya lalo na kapag nagsisimula ng mamula ang mga pisngi nito sa sobrang inis sa kaniya.
Kakaiba si Lena kung ikukumpara sa mga babaeng nakasalamuha niya. Masyado itong palaban at bawat sabihin niya ay may sagot ito. Ang tanging nasa isip lang nito ay ang trabaho nito kaya parang hindi nito napapansin kung papaano ito tingnan ng mga lalaking nasasalubong nito.
Kahit kasi hindi ito masyadong nag aayos ng sarili ay kusang lumilitaw ang natural na ganda nito. Madalas na maong jeans na tinernuhan lang ng oversize t-shirt ang porma nito. Ang makapal at tuwid na buhok nito ay itinatago nito sa loob ng baseball cap. May pagkaboyish din kung kumilos si Lena kaya sa unang tingin ay siguradong magdadalawang isip ang isang lalaki na manligaw dito.
Parang nang aasar na sumalampak siya nang higa sa kama niya nang mapansin na hinuhubad nito ang cover niyon.
“Ano ba?!” bulyaw nito sa kaniya.
“Bigla akong inantok,” ibinaon niya ang mukha sa unan at padapa na nahiga siya. Napaigik siya nang sipain siya nito. Bumangon na siya at plano pa sana na mas lalo itong inisin.
Dahil siguradong namumula na naman ang mga pisngi nito sa sobrang inis sa kaniya ay mabilis na hinubad niya ang suot nitong baseball cap para mas matitigan pa niya ang mukha nito. Pero hindi niya inaasahan ang sunod na mangyayari. Awtomatikong tumigil sa normal na pag ikot ang mundo niya nang sumabog ang ilan hibla ng mahabang buhok ni Lena sa mukha nito.
“Wow….” natitigilang anas niya.
Ngayon lang niya napagmasdan ang magandang mukha ng dalaga. Kulang ang salitang maganda kung ilalarawan niya ito. Kahit walang bahid ng make up ay hindi maikakaila na napakaganda ni Lena.
Sa palagay nga niya ay may hawig ito sa isang teen actress na minsan na niyang nakadate. Bumaba ang tingin niya sa mga labi ni Lena, nakaawang iyon habang gulat na pinagmamasdan siya.
“Bwisit ka!” tumikom bigla ang mga labi ng dalaga at galit na hinampas siya sa dibdib ng unan na nadampot nito bago siya iniwan sa silid.
Nakatulala na ikinurap niya ang mga mata at tinanaw ang pag alis ni Lena.
Shit!
Hindi niya akalain na ang babaeng kinaiinisan niya nitong mga nakaraang araw ay mas maganda pa pala sa inaasahan niya.
BINABASA MO ANG
A NOBODY AND THE PRINCE BY BETHANY SY (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PHR)
RomanceMalaki ang naging galit ni Lena sa kaniyang ama magmula nang matuklasan niya ang totoong dahilan nang pag alis nito noon. Hindi pala ito totoong nag abroad at sumama lang sa anak ng mayaman nitong boss. Dahil sa nalaman ay malaki ang naging galit ni...