Pagod at masakit ang buong katawan ni Lena nang makauwi siya ng bahay. Bitbit ang ulam na binili niya para sa gabihan at papanhik na sana siya sa itaas ng bahay, pero natigilan siya nang mapansin ang isang itim na Montero na nakaparada sa labas nila.
Napasimangot siya at hindi na pinansin pa iyon. Mabigat ang mga hakbang na pumanhik siya sa itaas. Sinalubong naman siya ni Tessa at ibinigay niya rito ang dala niyang ulam. Nadatnan niya sa sala ang mga magulang niya at mukhang seryoso ang pinag uusapan ng mga ito.“Mano po, ‘ma,” parang wala siyang nakita at nilampasan niya lang ang ama.
“Anak,”
“Ma, pagod ako, bukas na lang po tayo mag usap,” kung alam lang sana niya na naroon ang papa niya para bisitahin silang mag ina ay hindi na muna siya umuwi. Mas nanaisin pa niya na magpalipas ng gabi sa bangketa kaysa makita ang sariling ama.
“Helena, kailangan nating mag usap,” pukaw ng kanyang ama sa atensiyon niya.
“Wala po tayong dapat na pag usapan,” malamig na sagot niya habang hindi pa rin ito tinitingnan.
“Helena!” saway ng ina sa kaniya.
“Mama, please, pagod ako,”
“Kahit na, hindi mo dapat na bastusin ang papa mo!”
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya at hinarap ang ina.
“Gusto ninyong isipin ko ang mararamdaman niya kapag nagpakita ako ng hindi maganda? Bakit mama, noong niloloko niya ako at wala akong kamalay malay sa totoong nangyayari, inisip ba niya ang nararamdaman ko?” nasasaktang sumbat niya.
“Ama mo pa rin siya!”
“Matagal na siyang patay para sa akin—Ma!” napaatras siya nang malakas na dumapo ang kaliwang palad nito sa pisngi niya. Halos matulig siya dahil sa malakas na pagsampal nito.
“A-anak..” natigilan naman ito at hindi makapaniwala sa nagawa sa kaniya. Tinangka nitong abutin siya ng mga palad nito pero umiwas siya.
“Mahal mo pa rin ba siya kaya paulit ulit mo siyang tinatanggap dito sa bahay? Hindi ka ba nasasaktan sa tuwing nakikita mo siya na masaya sa bago niyang pamilya. At ako, tayo, miserable! Mama, gumising ka na! wala na siyang pakialam pa sa atin!” umiiyak na sigaw niya.
“Hindi sa ganoon anak, matagal ko nang tinanggap na hiwalay na kami ng papa mo. Ikaw ang dahilan kung bakit pinatutuloy ko siya dito. Ama mo pa rin siya at kailanman ay hinding hindi na iyon magbabago pa.”
Umiling siya at namumuhing tiningnan niya ang ama. Nakita niya ang pamumula ng paligid ng mga mata nito. Nag iwas ito ng tingin sa kaniya kaya mas lalo siyang nasaktan.Pakiramdam niya ay may punyal na bumaon sa dibdib niya kaya unti unti ay nahirapan siyang huminga. Nang hindi na niya makayanan ang matinding sakit ay mabilis ang mga hakbang na iniwan niya ang mga ito.
“Helena, saan ka pupunta?” nag aalalang tanong sa kaniya ng ina.
Hindi niya pinansin ang pagtawag nito at walang pakialam na bumaba siya ng hagdan. Napakunot noo siya nang makarinig ng malakas na pagkalampag sa gate. Dahil mainit ang ulo ay pabalibag na binuksan niya ang pinto ng gate. Ang nag aalalang mukha ni Luke ang tumambad sa kaniya.
“Lena, please, let’s talk. Hindi na ako kinakausap ni lola Mona. Kapag nagtagal pa ang silent treatment niya sa akin, baka magsawa na siya at sabihin sa parents ko na ipadala na lang ako sa kung saang lugar. Kausapin mo naman ako, 'o!”
Inirapan niya ang lalaki at hindi ito pinansin. Panay ang singhot niya at iwas ng tingin dito. Pabalibag na isinarado niya ang gate at saka siya naglakad palayo. Sumunod naman si Luke sa kaniya at patuloy lang na nangulit.
BINABASA MO ANG
A NOBODY AND THE PRINCE BY BETHANY SY (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PHR)
RomanceMalaki ang naging galit ni Lena sa kaniyang ama magmula nang matuklasan niya ang totoong dahilan nang pag alis nito noon. Hindi pala ito totoong nag abroad at sumama lang sa anak ng mayaman nitong boss. Dahil sa nalaman ay malaki ang naging galit ni...