Araw ngayon ng linggo at sa halip na manatili na muna sa bahay ay nagpasiyang umalis ng maaga si Lena. Hindi pa siya handang makausap ang ina kaya madalas ay humahanap siya ng pagkakataon na umiwas dito. Alam niyang naiintindihan ng ina ang sitwasyon niya at marahil ay hinihintay lang nito na siya ang unang lumapit.
“Kainis,” napahinga siya ng malalim.
Dapat sana ay magtitinda siya ngayon sa kabilang bayan pero bumuhos ang malakas na ulan kaninang madaling araw kaya hindi siya nakapagbiyahe. Dahil wala siyang ibang raket ngayon ay tiyak na maiinip lang siya.
Mabuti na lang at pinakiusapan siya ni Nanay Mona na sumaglit sa palengke para mamili ng pagkain ng mga ito sa loob ng isang linggo. Madalas kasi ay sumasakit ang paa ng sitenta anyos na matanda dahil sa rayuma kaya hindi na ito gaanong lumalabas ng bahay.
“Anong gagawin natin dito?” mababakas ang labis na pagtutol sa tinig na tanong ni Luke mula sa likuran niya.
Parte nang pagdidisiplina niya na isama ito sa pamamalengke. Gusto niyang ipakita dito kung ano ang ibig sabihin ng simpleng pamumuhay kaya kahit ayaw pa sana nitong sumama noong una ay kinulit niya ito ng bongga.
“Mamimili?” pasarkastikong sagot niya.
“Bakit sa palengke? May grocery store naman tayong nadaanan kanina,”
“Mas okay mamili ng mga gulay sa loob ng palengke,”
“Pero marumi naman, gusto mo ba akong magkasakit?”
Umatake na naman ang pagiging sosyal ng kapre. Naitirik niya ang mga mata dahil sa sinabi ni Luke.
“Kasi po....” tumigil siya sa paglalakad at pumihit paharap sa binata. “Mas makakatulong ka sa mga mahihirap kung dito ka sa palengke bibili. Isa pa, fresh ang mga gulay dito.”
“Yuck.” ang tanging nasabi nito nang makita ang isang matandang babae na may bitbit na isang bilao ng sitaw.
“Sosyal talaga, halika na nga!” hinawakan niya ito sa isang braso at hinila sa loob ng palengke.
Pero sa bukana pa lang ay panay na naman ang reklamo ng lalaki. Papaano kasi ay medyo maputik ang daan dahil sa pag ulan kaninang umaga. Nang mapansin ang maruming paa ni Luke ay gusto niyang mapahagalpak nang tawa.
“Kita mo na, gusto mo pang magsuot ng maong jeans kanina. Kung hindi ka pa nasermunan ni Nanay Mona siguradong hindi lang 'yan ang mapapala mo.” natatawang sabi niya.
Dahil sa sermon ng matanda kanina ay nagpalit ng damit si Luke bago sila pumunta sa palengke. Ngayon na simpleng black t-shirt at cargo shorts ang suot nito ay nagmukha naman itong modelo na tumalon palabas ng magazine.
Napaungol ito ng mahina dahil sa sinabi niya. Bago pa muling magreklamo ang lalaki ay tiningnan na niya ang listahan ng mga bibilhin nila. Napailing siya nang mapansin na halos puro karne ang nasa listahan.
“Anim na kilong manok, apat na kilong giniling..” nalula siya habang binabasa ang iba pang nakalagay sa listahan. Sa palagay niya ay pwede nang magpakain ng dalawang pamilya si Nanay Mona sa loob ng isang linggo.
“Ano ba ang ulam mamayang gabi?” naibulalas niya.
Dahil masama ang pakiramdam ng matanda ay nagprisinta siya na ipagluto na rin ang mga ito ng ulam sa gabihan.
“Porkchop,” mabilis na sagot naman ni Luke.
Naniningkit ang mga mata na tiningnan niya ito. Napaatras ang lalaki ng akmang ihahampas niya dito ang dalang basket.
“Eh, kaya naman pala masama ang pakiramdam ni Nanay Mona, dahil pala sa'yo. Malamang inaatake na 'yon ng high blood, araw-araw ka ba naman magrequest ng masarap na ulam.”
BINABASA MO ANG
A NOBODY AND THE PRINCE BY BETHANY SY (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PHR)
RomanceMalaki ang naging galit ni Lena sa kaniyang ama magmula nang matuklasan niya ang totoong dahilan nang pag alis nito noon. Hindi pala ito totoong nag abroad at sumama lang sa anak ng mayaman nitong boss. Dahil sa nalaman ay malaki ang naging galit ni...