CHAPTER 11

1.9K 31 0
                                    

UNIQUEEN FREYA'S POV

Naalimpungan ako kaya napabangon ako bigla mula sa pagkakahiga. Tiningnan ko ang orasan sa tabi ko.

12:11 AM na.

Napalingon naman ako sa couch na nasa kaliwang bahagi ng kamang hinihigaan ko. Wala roon si Raye.

Dahan-dahan akong bumaba mula sa kama at naglakad patungong balkonahe. Wala rin siya roon.

Sinubukan ko namang buksan ang pintuan ng banyo at bumukas 'yon. Wala rin siya roon.

Nasaan na kaya 'yon?

Nakabukas ang pinto ng kwarto kaya lumabas ako rito at bumaba ng hagdan.

Madilim dito sa baba kaya binuksan ko ang mga ilaw. Nagtungo akong kusina para kumuha ng maiinom at pagkatapos ay pinatay ko rin ang mga ilaw.

Wala rin dito sa baba si Raye. Saan naman kaya 'yon nagpunta? Hindi naman sa nag-aalala ako, ah. Nagtataka lang ako dahil ganitong oras ay wala siya. Hindi ko siya hinahanap, gusto ko lang malaman kung nasaan siya. Siyempre, hindi ko naman ito bahay, pero ako lang mag-isa ang nandito at 'yung may-ari ay nawawala. Sinong hindi mag-aalala, 'di ba? I mean, hindi naman ako nag-aalala, nagtataka lang ganoon.

"Oo. Magpahinga ka na. Huwag ngang matigas 'yang ulo mo."

Mabilis akong umakyat ng hagdan at nagtago sa gilid nang marinig ko ang boses ni Raye mula sa pintuan sa baba.

"Sumunod ka na lang."

Narinig ko ang paghakbang niya sa hagdan kaya naman dali-dali akong tumakbo papasok ng kwarto.

Mabuti na nga lang at iniwan kong nakabukas ang pinto nang lumabas ako kanina.

Dahan-dahan ang ginawa kong pagpasok sa loob at hindi na sinara pa ang pinto dahil nga sa nakabukas na ito kanina pa. Mabilis akong nahiga sa kama at nagpanggap na natutulog.

Narinig kong sumarado ang pinto. "Tch. Matutulog na ako."

Narinig ko rin ang yabag ng mga paa ni Raye papunta sa gilid ng kama. Naupo siya sa tabi ko habang ako ay nakatalikod sa kaniya at nakahiga.

Bigla naman akong kinabahan kaya sinigurado ko sa sarili kong hindi ako mag-iisip dahil baka mabasa niya at malamang gising ako.

Naramdaman kong lumapit ang mukha niya sa akin at humalik sa buhok ko na talagang hindi ko inaasahan.

"Good night." Matapos niyang sabihin 'yon ay gumaan na ang parteng inuupuan niya kanina, senyales na nakatayo na siya.

Wala akong narinig na pagbukas at pagsara ng pinto kaya siguradong nasa couch na siya at hindi na umalis pa. Makaraan ang ilang saglit ay nakatulog na rin ako.

Huwebes.

Nang idilat ko ang mga mata ko ay agad akong bumangon at hinanap si Raye. Bumaling ako sa couch sa kaliwa ko ngunit wala siya roon.

"Umagang-umaga, hinahanap mo na agad ako."

Napalingon ako sa pinto ng banyo kung saan lumabas si Raye. Halatang katatapos niya lang maligo dahil sa basa niyang buhok.

Nanatili naman akong nakatingin sa kaniya habang siya ay naglalakad papunta sa akin.

Gusto kong itanong kung saan siya nanggaling kaninang hatinggabi, kaya lang para saan pa? Bakit ko naman itatanong? May karapatan ba akong malaman?

LDWCB1: A Princess Power [COMPLETED]Where stories live. Discover now